Inilaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapatayo ng imprastraktura ang pinakamalaking bahagi ng taunang badyet ng kanyang gobyerno. Nasa P686 bilyon ang pondo ng Department of Public Works and Highways sa 2022 habang mayroon namang P151 bilyon ang Department of Transportation.
Tinatayang 5 hanggang 6 na porsyento ng gross domestic product (GDP) ng Pilipinas ang nakalaan taon-taon sa ilalim ng programang Build, Build, Build (BBB). Ito ang may pinakamalaking hati sa paggastos ng GDP ng bansa kumpara sa sektor ng edukasyon na may 3.9 porsyento o P750 bilyon lamang.
Subalit sa 119 na proyekto ng administrasyong Duterte sa ilalim ng BBB, 12 lamang dito ang natapos; mas mababa kumpara sa 19 na orihinal na target na imprastrukturang matapos bago bumaba sa pwesto si Duterte.
Karamihan sa mga proyekto sa BBB ay malalaking proyekto gaya ng Metro Manila Skyway (P65 bilyon), New Clark City Phase 1 (P18 bilyon), at Clark International Airport expansion project (P15 bilyon). Ito ang itinuturing na legasiya ng dating pangulo sa kabila ng panawagan ng mamamayan, partikular ng mga drayber, para sa pinansyal na ayuda sa gitna ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis sa huling bahagi ng termino ni Duterte. Noong Hulyo, sumirit ang presyo ng langis at tumaas sa 6.4 porsyento ang inflation sa bansa, pinakamataas mula noong Oktubre 2018.
“Sino ba’ng makikinabang nitong mga programa sa Build, Build, Build? Yung mga drayber o yung mga malalaking kumpanya?” ani Modeflor Floranda, pangulo ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON). “Yung kalsada, tayo ang nagpondo at nagpapagawa niyan, dapat tayong lahat, mga normal na mamamayan, ang dumadaan at nakikinabang sa mga ‘yan.”
Sa kabila ng kahirapan ng mga drayber, ang kakarampot na ayudang kanilang inaasahan ay pahirapan pang makuha. At ang mga rekisitong hinihingi sa kanila ng gobyerno para sa subsidiya ay tila pagsuko na rin nila sa kanilang hanapbuhay.
Sagasa sa Mamamayan
Malaking tulong na sana para sa mga drayber ang ipinapangakong P6,500 cash fuel subsidy mula sa gobyerno. Lalo pa para sa mga drayber sa mga probinsya at rehiyon sa labas ng Kalakhang Maynila na doble umano ang hirap na nararanasan, ayon kay Elmer Portea, 53, tagapagsalita ng Southern Tagalog Regional Transport Sector.
Pagsapit ng pandemya, kumikita na lamang si Portea ng P300 kada araw mula sa dating higit P1,000. Mas maliit pa ang naiuuwi ng kanyang mga kakilalang hindi pag-aari ang jeep na pinapasada at kinakailangang mag-boundary kung kaya marami na rin ang napilitang tumigil sa pagpasada.
Sa Kalakhang Maynila, nasa P75 hanggang P90 kada litro ang gasolina. Lumampas P100 naman ang kada litro nito sa ilang mga probinsya sa Timog Katagalugan noong kasagsagan ng pinakamataas na pagsirit ng presyo ng langis. Idinadahilan ng mga lokal na tagapagsuplay ng langis sa mga probinsya ang kahirapan sa pagdadala ng langis sa mga liblib na lugar kung kaya tinataasan nila ang presyo nito.
Marami pa rin hanggang ngayon ang hindi nakatatanggap ng ayuda magmula nang simulan itong ipamahagi noong Abril, ayon sa mga reklamong natanggap ng PISTON mula sa mga drayber.
“Bagaman bumababa na itong presyo ng langis matapos ang dalawang magkasunod na rollback, hindi pa rin [ito] ramdam ng mga drayber ng Timog Katagalugan dahil di naman bumaba yung presyo ng mga bilihin na apektado rin ng pagtaas [ng] presyo ng langis,” ani Portea.
Naging balakid umano sa mabilis na pamamahagi ng ayuda ang masalimuot na mga rekisitong ipinasusumite ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga drayber.
Bago mabigyan ng pinansyal na tulong mula sa LTFRB, kinakailangan munang kabilang sa isang kooperatiba ang yunit na pinapasada ng drayber. Ang mga kooperatiba ang naatasang mamahagi ng ayuda sa mga miyembro nitong tsuper. Ayon sa PISTON, sa 80 yunit ng jeep na umiikot sa Divisoria, 12 lamang dito ang binigyan ng ayuda dahil umano sa hindi pagsunod ng iba sa pagsali sa kooperatiba.
Para kay Portea, pananamantala umano ito ng LTFRB sa desperasyong kinahaharap ng katulad niyang tsuper.
Hindi na bago ang ganitong iskema ng LTFRB. Noong kasagsagan din ng pandemya, may pondong inilaan bilang ayuda sa mga drayber sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2. Subalit iginigiit pa rin ng LTFRB ang pagsali ng mga tsuper sa mga kooperatiba dahil ito umano ang maaatasang mamahagi ng subsidiyang magmumula sa gobyerno.
Sadsad sa Kahirapan
Sa katunayan, ayon sa mga drayber, ang pagsali o pagbuo ng mga kooperatiba ay isa sa mga hakbang na itinakda ng LTFRB para sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) .
Bagaman pinag-aaralan pa ng LTFRB ang implementasyon ng PUVMP, patuloy ang konsolidasyon sa mga lumang jeep para gawing modernisado. Tinututulan ito ng mga drayber dahil ang mga bagong jeep na ipinagbibili ay karaniwang nasa P1.6 hanggang P2 milyon, halos doble kumpara sa ordinaryong modelo ng jeep na nagkakahalaga ng P500,000 hanggang P800,000.
Para kay Portea, imposible ito para sa kanilang halos sapat lamang ang iniuuwing kita araw-araw para sa hapunan ng kanilang pamilya. Madalas ding kulang pa ito para sa pangangailangan ng kanilang mga anak at sa panahon ng kagipitan.
“Nalalansi ang aming mga operator kasi halata namang gusto ng LTFRB na i-consolidate yung mga yunit na pinapasada ng mga drayber para mapadali yung modernization program ng gobyerno,” ani Portea. “Ang tanong namin, ano bang makukuha namin sa pagsali sa mga kooperatibang ‘yan? Masisiguro ba n’yan na may kikitain kami araw-araw at di kami malulugmok sa krisis sa langis at pangunahin bilihin?”
Kung sakaling matuloy ang pagsasailalim sa kooperatiba at ang modernisasyon ng jeep, inaasahan na ng mga drayber na lalong hihirap ang kanilang pamumuhay. At sa halip na mamasada sila ayon sa kanilang pangangailangan, magtitiis ang mga drayber at konduktor sa maliit na sahod kada kinsenas.
Noong Abril, sinibak ng LTFRB sa trabaho ang ilang mga tsuper na nagprotesta dahil sa mabagal na pamimigay ng kanilang sahod. Sila ang mga drayber sa ilalim ng service contracting ng gobyerno na nag-aalok ng libreng sakay sa pinapasadang modernized jeep sa EDSA Carousel.
Inirereklamo nila ang kakarampot na porsyento ng kita na kanilang nakukuha—70 porsyento para sa mga kooperatiba pampaayos ng mga sasakyan, habang pinaghahatian naman ng mga drayber at konduktor ang 30 porsyentong nalalabi. Sa kabuuan, aabot sa P20 milyon ang sahod na hindi pa naipapamahagi noong Abril, ayon sa mga nagprotestang drayber.
“Sanay sila (mga drayber) na hand-to-mouth ang basis ng kinikita. Kung ano yung nakukuha sa pagpasada sa araw, ayun din yung ipinangkakain sa pamilya. Kung ganitong kinsenas ay talagang mababaon sa utang yung mga drayber kaya di natin masisisi kung sila mismo ay umaaray na at nagpoprotesta kasi matagal na nga yung sahod, delayed pa sa mismong bigayan,” ani Floranda.
Bagaman itinanggi ng LTFRB ang hinaing ng mga drayber, ang problema sa mabagal na pagbibigay ng sahod ay matagal nang nararanasan ng mga tsuper, dahil sa mababang badyet na inilalaan ng gobyerno sa mga proyektong tulad ng service contracting kung saan kinukuha ang pondo para sa pasahod.
Sagabal sa Pag-usad
Noong 2020, tanging P8.8 milyon lamang ang naipamahaging bayad sa mga drayber ng EDSA Carousel, malayo sa P5.58 bilyong badyet nito mula sa Bayanihan 2. Napaso na lamang ang pondo para sa Bayanihan 2 noong Hunyo 2021, subalit P4.7 bilyon lamang ang nagastos ng LTFRB mula rito, ayon sa kanilang ulat noong Oktubre 2021.
Malaking kasayangan para sa mga drayber ang kakaunting nagagastos ng LTFRB para sa ayuda gayong tumanggi si Duterte na suspendihin ang excise tax sa langis upang bahagyang maalwanan ang mga drayber sa pagtaas ng presyo ng langis. Sa halip ay inaprubahan ang isang taong ekstensyon sa P200 buwanang ayuda para sa mahihirap na pamilya.
Bukod dito, wala nang aasahan ang mga drayber gayong kung hindi mabagal ay kakaunti lamang din ang alokasyon ng gobyerno para sa cash fuel subsidy na kanilang direktang pinakikinabangan. Nasa P2 bilyon lamang ang badyet sa 2022 na paghahatian ng milyon-milyong drayber bilang pinansyal na ayuda.
Magmula noong 2021, kung kailan paunti-unti nang lumalabas ang mga tao sa mga lansangan, sa halip na maglaan ang gobyerno ng pondo upang mapabuti ang pampublikong transportasyon, lalo lamang pinaigting ng pamahalaan ang prayoritisasyon sa mga malakihang imprastrakturang pantransportasyon.
Sa kabuuan, mayroon lamang P17.2 bilyong pondo sa 2021 hanggang 2022 na inilaan para sa mga proyektong tulad ng cash fuel subsidy, service contracting, pagpapatayo at pagsasaayos ng bike lanes, at PUVMP. Apat na beses itong mas mababa sa P76.4 bilyong pondo ng gobyerno para sa pagpapatayo ng malalaking proyekto gaya ng subway at mga panibagong international airport sa probinsya.
Bagaman makatutulong sa mamamayan ang mga bagong proyekto, hindi ito ang kinakailangan ng sektor ng transportasyon sa kasalukuyan dahil aabot ng taon hanggang dekada ang hihintayin para magamit ito ng mga drayber at pasahero, ayon sa PISTON.
Bagkus, ang pagbibigay ng ayuda, pagsasaayos ng mga daanan at pampublikong transportasyon gaya ng ginawa sa MRT 2, at ang paglilipat ng pondo mula sa mga proyektong tulad ng subway station patungo sa pamimigay ng subsidiya sa mga drayber para sa pagmodernisa ng kanilang mga dyip ang kagyat na panawagan ng mga tsuper at komyuter.
Ang hatol nina Portea at ng mga drayber mula sa PISTON sa pamamalakad ni Duterte sa sektor ng transportasyon: Palpak ang dating pangulo at tanging sa pagpapakulong lamang mapapanagot si Duterte mula rito.
“Para kay BBM, kung ayaw mo sumunod sa hatol ni Duterte, patunayan mo na tapat ka sa pangako mo noong eleksyon. Ibasura mo yung huwad na jeepney modernization program, kumilos ka para pababain yung presyo ng langis, at tuparin mo kahit yung pangako mo sa presyo ng bigas dahil nakakaapekto lahat ng ‘yan sa kalagayan ng mga drayber,” pagdiriin ni Floranda. ●