Tinanggal na ang academic ease at suspensyon sa ibang palisiya bunsod ng remote learning, ayon sa inilabas na memorandum ng Office of the Vice President For Academic Affairs kagabi.
Kabilang sa muling ipapatupad ngayong semestre ay ang 15-unit minimum load, attendance, academic delinquency rules, degree retention rules, maximum residency rule, at deadline sa dropping at leave of absence. Maaari na ring mabigyan ng gradong “4” o “5” ang mga mag-aaral dahil sa pagtanggal ng no-fail policy.
Mapapanatili umano ng bagong ibinabang academic policies ang kalidad ng edukasyon sa UP System bilang isang national university, ayon naging pagpupulong ng administrasyong UP. “To ensure that its Iskolar ng Bayan possess the competence, grit, and agility to overcome adversities, thrive and lead in the complex world of the Fourth Industrial Revolution,” batay sa memorandum.
Ikalawang semestre ng AY 2019-2020 nang lumipat sa remote learning ang UP dahil sa ipinataw na lockdown bunsod ng COVID-19. Batbat ng samut-saring problemang dinatnan sa online learning, nanawagan ang mga sektor ng estudyante at guro para sa pagkakaroon ng academic ease sa UP System.
Nananatili pa ring remote ang paraan ng pagtuturo sa kalakhang UP bagaman unti-unti nang nagta-transisyon sa blended learning ang mga pamantasan sa paparating na semestre. Nitong Mayo, inulan ng kritisismo ang UP Diliman sa inilabas nitong palisiya para sa pagbabalik ng pisikal na klase.
Tinaggal na ang rekisitong medical insurance, COVID-19 testing, at medical certification sa bagong bersyon ng inilabas na palisiya sa pagbabalik ng pisikal na klase. Gayunman, nananatili pa rin ang iba’t ibang lohistikal na isyung kakaharapin ng mga magbabalik-eskwela—tulad ng tutuluyang dormitoryo at pagluwas ng mga estudyante mula sa malalayong probinsya.
Liban sa magastos na pag-aasikaso ng muling pagbabalik sa mga pamantasan, naging problema rin ng maraming estudyante ang kakulangan ng units at iba’t ibang mode of delivery ng mga kurso.
Muling naranansan ng maraming estudyante ang suliranin sa kulang na units at kurso sa naganap na preenlistment nitong linggo. Sa bagong rekomendasyon ng 15-unit regular load at class size na hindi lalagpas sa 25 estudyante, pinangangambahang mas lalong darami ang mga estudyanteng hindi makakakuha ng kinakailangan units.
Pagpapanatili ng academic ease at iba pang palisyang ipinanukala noong 2020, habang nagta-transisyon sa pagbubukas ang UP, ang naging panawagan ng ipinasang resolusyon mga konseho ng mga mag-aaral ng UP sa naganap na ika-53 General Assembly of Student Council noong Sabado.
“Academic ease is not limited to academic retention policies but is inclusive of alleviating socioeconomic and wellbeing concerns of the students such as support for mental health services, transportation expenses, housing, access to learning facilities and resources, student wellness subsidy, scholarships, and online learning assistance,” giit ng mga konseho.
Dahil sa kawalan ng suporta at bigong pagbubuo ng isang enabling environment ay dumadausdos ang kalidad ng edukasyon sa loob ng pamantasan, ayon sa naging pahayag ni Jose Monfred Sy, isang propesor mula sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, sa naganap na mobilisasyon sa Quezon Hall noong Huwebes bilang pagtutol sa nakaambang P2.5 bilyong kaltas sa pondo ng UP System sa taong 2023.
Aniya, nakababahalang maraming estudyante ang nagsisipagtapos nang hindi man lang nararanasan ang buong potensyal ng kanilang mga kurso. Kinundena rin ng propesor ang pagkikibit-balikat ng UP Board of Regents sa mga siyentipikong pag-aaral at suhestiyon ng iba’t ibang sektor sa UP para sa pagbabalik sa pisikal na klase.
“Hindi dapat maging hadlang ang kabulukan ng UP sa ating paglaban para sa tunay na edukasyon. Anupa’t nagwagi na ang sama-sama nating pagkilos sa mga nagdaang suliraning naranasan ng mga estudyante, guro at kawani sa UP. Kaya para kay DaniCon, sa bawat pagpupulong ng BOR, magtutungo kami upang magprotesta at irehistro ang aming panawagan,” ani Sy. ●
Bilang pagtutol sa ibinabang academic policy, nagkasa ang Katipunan ng mga Sangguniang Mag-aaral sa UP (KASAMA sa UP) ng mga pagkilos sa iba’t ibang kampus ng UP bukas. Maaaring makita ang lugar at oras ng mga pagkilos sa post na ito.