Ngayong araw ipatutupad ang pagtaas sa presyo ng pamasahe sa ilang pampublikong transportasyon dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Subalit, iginigiit ng ilang grupo ng mga tsuper na isa lamang itong panandaliang solusyon sa sistematiko at ekonomikong krisis sa bansa.
“Ang mas kailangan natin ay magkaroon ng konkretong programa ang gobyerno, hindi lamang sa hanay ng public transport, kundi sa hanay ng mamamayan,” ani Modeflor Floranda, ang pambansang tagapangulo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON).
Naghain ng petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 1-United Transport Koalisyon, Pangkalahatang Sanggunian Manila & Suburbs Drivers Association Nationwide Inc., Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines, at Alliance of Concerned Transport Organizations, ukol sa pagtaas sa presyo ng pamasahe sa mga public utility jeepney (PUJ) noong Enero 31.
Inaprubahan ng LTFRB noong Setyembre 16 na gawing P12 ang pamasahe para sa tradisyonal na PUJ at P14 para sa modernong PUJ. Tumaas din ang pamasahe sa mga city at provincial bus ng P2, at P5 naman sa mga taxi at TNVS.
Kabilang sa pagtaas ng pamasahe ngayon ang mga jeep na pumapasada sa loob ng UP Diliman.
Sa kabila ng hinaing ng mga drayber, ang inihahaing solusyon ng LTFRB, tulad ng libreng sakay at mga pinansyal na subsidiya, ay mga pansamantalang kaluwagan lamang dahil limitado lamang ang mga drayber na makikinabang dito.
Humiling ng umento sa pasahe ang mga grupo dahil sa patuloy na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin at krudo, kung saan higit P29.40/litro ang itinaas sa presyo ng diesel, mula sa P43.80/litro noong Enero. Kasalukuyang P73.20/litro ang average na presyo ng diesel nitong Setyembre 26.
Upang agarang mapababa ang presyo ng langis, matagal nang pinanawagan ng PISTON ang pagbabasura sa Oil Deregulation Law, Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, Expanded Value Added Tax, at Excise Tax sa langis.
“Kapag tinanggal ito, hindi lamang ang isang sektor ng ating lipunan ang makikinabang, kung hindi pati ang mamamayan sapagkat ang pagbaba ng presyo ng petrolyo ay ang pagbaba ng pangunahing mga serbisyo at bilihin,” ani Floranda.
Maaaring bumaba ng P6.72 ang presyo ng diesel kada litro kapag tinanggal ang excise tax sa ilalim ng TRAIN Law, ayon sa IBON Foundation. Tinatayang mas bababa pa ang presyo ng langis, kasama ang LPG, kung sususpendihin din ng pamahalaan ang iba pang buwis sa mga produktong petrolyo.
Dagdag pa ni Floranda, dapat umanong itaas ang minimum wage mula sa P570 sa Kalakhang Maynila, patungo sa P1,087 na sapat para matugunan ang mga pangangailangan ng isang pamilya.
Mabigat na pasanin ang tatahakin ng parehong mga motorista’t pasahero kung walang malinaw na aksyon ang pamahalaan sa patuloy na pagtaas ng presyo sa bansa, dadag ni Floranda.
“Yung piso ay walang saysay kung patuloy na tumataas ang bilihin at petrolyo. Mas kailangan galawin ng gobyerno ay ang pagtanggal ng buwis sa petrolyo,” ani Floranda. “Ito ang ating tinatanaw na galawin hindi yung parang puta-putakteng solusyon lamang.” •