Ni JEROME TAGARO
“Sa laki ng kalamidad na kinakaharap ng bansa ngayon, isantabi muna natin ang pulitika.”
Inaamin kong nangangati ang tainga ko sa tuwing makababasa ng ganito sa Facebook at sa ibang social networking sites. Halos kasabay din kasi ng pagbuhos ng tulong para sa mga nasalanta ng Bagyong Yolanda ang pagdagsa ng iba’t ibang pananaw tungkol dito.
Wala namang mali sa pagpapahayag ng sariling pananaw sa ganitong isyu. Karapatan naman ito ng bawat isa. Nakatutulong pa nga ang marami sa mga ito upang hikayatin ang ating mga kababayan, hindi lang para makiisa sa pagtulong sa mga nasalanta, kundi para pagyamanin ang diskurso at suri sa kalagayan ng bansa.
Samantala, sa tuloy-tuloy na pagdagsa ng mga bagong isyu at problemang kakaharapin, may panganib na unti-unting mabaon sa limot ang mga nauna at kahit iba pang kasalukuyang suliranin ng bansa—naresolba man o hindi.
Ginugunita tuwing Nobyembre ang Hacienda Luisita Massacre at ang Maguindanao Massacre. Hanggang sa ngayon, wala pa ring hustisya para sa mga kaanak ng mga biktima. Kahit mismong mga problemang pinag-ugatan nito ay hindi pa rin natutugunan.
Mahirap din namang sisihin ang mga taong nag-iisip ng ganito. Napakarami nang nangyari simula pa noong pumutok ang isyu ng Pork Barrel scam noong Hulyo. Marami nang bagyo at lindol ang nanalakay, nagkaroon ng bakbakan ang MNLF at ang pamahalaan sa Zamboanga. Napakarami at napakabigat na ng mga problemang pinapasan ng mga Pilipino.
Hindi nga kaya makatutulong kung isantabi na muna natin ang problemang nauna pa sa mga iyon na hanggang sa ngayon ay dinadala pa rin natin?
Malayo na ang narating ng laban ng mamamayan sa pork barrel upang pairalin pa natin ang ganitong pag-iisip. Masyado nang malalim ang pagkakaalam upang isantabi pa natin ito at manganib na malimutan. Kung tutuusin, ang interes at ang pagpilit ng mamamayan upang aksyunan ito ang siyang pangunahing nagpapausad sa isyu.
Hindi lamang ngayon ito usapin ng pagpaparusa sa mga may mga sala. Pagkakataon din ito upang mabago ang isang sistemang matagal nang sumisira at nagpapahirap sa bayan.
Hindi makatutulong ang pagpapaliban sa usapin sa pulitika upang mas mapagtuonan ng pansin ang pagsasaayos sa mga bayang dinaanan ng bagyo, dahil kung itutuloy natin ang paglimot sa pagkakaugnay-ugnay ng mga bagay, hindi nalalayong mabaon lamang sa limot ang mga usaping dapat ding hindi natin binibitawan o kinakalimutan.
Kung tutuusin, hindi nalalayo sa isa’t isa ang pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo at ang pagresolba sa usapin ng pork barrel. Kapwa may ginagampanang tungkulin ang pamahalaan at ang mamamayan. Kasabay ng pagtulong sa mamamayan, dapat din nating panagutin ang gobyerno sa kanilang napakalaking gampaning maglingkod sa ating mga mamamayan.
Dahil bagama’t para sa ikagiginhawa ng ating mga kababayan ang ating walang patid na pagtulong, uusad lamang sa tamang direksyon ang bayan kung walang alinlangan nating tutuligsain at babaguhin ang sistemang malaon na nating nasuring hindi nagsisilbi sa interes ng sambayanan. ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-21 ng Nobyembre 2013.