Sa mga lupain ng Timog Katagalugan na batbat ng tunggalian, madalas na masasaksihan si Genalyn Avelino, o mas kilala sa komunidad bilang Ka Neneng, na umaagapay sa mga magsasakang inaapakan ang mga karapatan. Ngunit noong ika-24 ng Pebrero 2021, siya mismo ang nakaranas ng panunupil ng estado nang arestuhin siya sa kaso ng rebelyon.
Bilang ina sa anim na anak, naging malaking dagok sa pamilya ni Genalyn ang kanyang pagkakabilanggo. Anang kanyang asawa na si Jaime Avelino, nagdulot ng trauma ang pangyayari sa mga bata, lalo na sa kanilang limang taong gulang na anak.
“Laging niyang hinahanap ang mama niya sa akin. Sinabi ko sa kanya na nakakulong ang mama mo dahil sa mga gawa-gawang kaso ng mga pulis,” ani Jaime.
Tumatagos sa kanilang komunidad ang ganitong panaghoy dahil sa papel na ginampanan ni Genalyn sa pagsusulong ng kanilang mga kampanya.
Maalalahaning tao si Genalyn, kwento ni Jaime. Bilang tagapangulo ng Samahan ng Magsasaka ng Rizal, dumadayo si Genalyn sa malalayong lugar upang makatulong sa mga pesante, bitbitin ang kampanya para sa tunay na repormang agraryo. Isa rin si Genalyn sa lumalahok sa mga dayalogo ng mga magsasaka at awtoridad gaya ng Department of Agrarian Reform (DAR).
Bukod sa pakikisangkot niya sa pakikibaka ng mga pesante, mangingisda, at katutubo sa ibang munisipalidad, pangunahing nakatutok si Genalyn sa kampanya nilang magsasaka sa kanilang tirahan sa Saulog Estate, Mindoro. Bagaman ginawaran na ang ilan sa kanila ng Certificate of Land Ownership Award ng DAR noong 2001, hindi pa rin naipapamahagi ang lupa dahil sa mga isyu ng teknikalidad na ginagamit ng mga Saulog upang bigyang katwiran ang patuloy na pagkakait sa mga magsasaka.
Kung tutuusin, hindi bago ang ganitong mga girian sa Timog Katagalugan. Sa dami ng mga lupaing hindi pa ibinibigay sa mga magsasaka, ganoon din ang pag-usbong ng maraming organisasyong binuo ng mga pesante upang kolektibong ipaglaban ang kanilang karapatan sa lupa. Ilan sa mga ito, naging kasapi’t lider si Genalyn, gaya ng Samahang Kababaihang Magsasaka sa Mindoro.
Bilang tugon ng estado sa paglaban ng mamamayan sa Timog Kataglugan, naging sentro ng pampulitikang atake ang rehiyon. Lumawak ang paglabag sa karapatang pantao, na lumubha noong termino ni Rodrigo Duterte. Batay sa tala ng Karapatan, grupong kumakampanya para sa proteksyon ng karapatang pantao, mayroong 30 mga aktibistang pinatay at 98 inaresto sa rehiyon sa ilalim ni Duterte mula Hulyo 1, 2016 hanggang Marso 10, 2021.
Kaya nang mag-deploy ng mga militar sa Barangay Adela upang tanungin ang mamamayan hinggil sa katauhan ni Genalyn, puro kabutihan lamang ang nasabi ng mga residente tungkol sa kanya. Sa kabila nito, sinikap pa rin ng mga puwersa ng estado na ilihis ang naratibo upang maipakulong si Genalyn.
Ani Orly Marcellana, regional coordinator ng Tanggol Magsasaka Timog-Katagalugan, ang pagpapakulong sa mga pesante ay isang porma ng panunupil sa tulad nilang lumalaban para sa lupa. Upang pigilan ang kanilang pagkilos, iniuugnay silang mga aktibista sa mga rebelde, nire-red-tag, saka inaaresto nang walang batayan, kung hindi tuluyang pinapatay. Sa katunayan, inaresto ang kanyang anak na si Dana Marcellana ilang buwan matapos huliin si Genalyn sa parehong kaso ng rebelyon.
Patuloy naman ang kampanya para sa pagpapalaya ni Genalyn, maging ng iba pang bilanggong pulitikal. Anang Kapatid Southern Tagalog, grupo ng mga kaibigan at pamilya ng mga Pilipinong bilanggong pulitikal, walang ebidensyang naipakita ang militar sa mga nagdaang pagdinig sa kaso ni Genalyn. Sa kabilang banda, mayroong mga testigo at pirmadong dokumento ang depensa ni Genalyn upang patunayan ang kawalang-ugnay niya sa rebeldeng idinadawit sa kanya. Patunay ito na inosente si Genalyn, at ang patuloy niyang pagkakakulong ay para lamang patahimikin ang mga gaya niyang ipinaglalaban ang kanilang mga batayang karapatan.
“Ang nangyayari ay justice delayed, justice denied. Ang gusto lang talaga nila ay iyong mga bilanggong pulitikal ay bulukin sa mga kulungan,” ani Marcellana.
Nanatiling tadtad sa tunggalian ang mga lupain sa Timog Katagalugan, at ang pagsisilid kay Genalyn sa piitan ay nagtutulak lamang sa mas marami na tanganan din ang mga paninindigang kaniyang pinanghahawakan. Higit na mapangahas na nakikihamok sina Jaime at iba pang nakasama’t natulungan ni Genalyn, di lang para sa kanyang paglaya mula sa bilangguan, kundi pati sa paglaya ng mga pesante mula sa karahasan at pagpapahirap. ●
Sa mga nais magbigay ng donasyon para sa pangangailangan ni Genalyn Avelino at ng iba pang mga bilanggong pulitikal sa Timog-Katagalugan, maaaring ipadala sa GCash sa numerong ito: 09975173849.