Ni LIN B. BARUA
Nang huli kong makita si Marya, marunong pa siyang ngumiti—iyon bang pagngiting litaw lahat ang sungki niyang ngipin dahil sa labis na kasiyahan sa buhay. Paano, simple pa lang ang mga ambisyon ni Marya noon—maging mahinhing dalaga, magdeyt paminsan-minsan, magkaasawa nang maayos, mamatay na may mga anak na maglilibing sa kanya at asawang tataghoy sa kanyang paglisan. Kaya tama na sa kanya ang matutong magbasa, magsulat, manahi at magsaing.
Ang tagal na ng panahong ‘yon. Ang Marya ay naging Mary na. Ang mga pangangailangan niya’y lumagpas na sa pagkakaroon ng asawa’t mga anak. Ang kamalayan niya’y pinatikwas na ng mga kaalamang hindi lamang pantahanan kagaya ng pagsasampay ng labada kundi yaong pampulitika at pangkultura kagaya ng mga presidensiyal dikris, pinakamagandang hayop sa balat ng lupa at mga “kutek”—‘yon bang patipar-tipar.
Ang mga pagbabagong ito kay Mary ay hindi lamang bunga ng mga karanasan niya sa mga lalake o ng mga karunungang nasipsip niya sa pamantasan. Hindi ito umusbong dahilan lamang sa pagdidiyos sa kalandian ng mga babaeng nabasa niya sa “Sensuous Woman” o sa pagwawagayway ng bra ng mga “women’s libbers.”
Bago pa man siya matutong magmumog, nakita na niyang subsob sa pagbubungkal ng lupang hindi kanila ang kanyang ama. Namatay ang ama niyang subsob pa rin sa lupang ‘yon. Namulatan na niyang nangangayat sa paglalabada ang kanyang ina. Hanggang ngayon, naglalabada pa rin ito, at may tisis na. Ang mga kapatid niya’y ni hindi na nakatapos kahit sa pablik iskuls man lang. Buti pa siya, pinalad na magkaroon ng iskolarsyip at natikman niya ang buhay sa pamantasan. Nakatutukso ang mga “happenings” sa pamantasan—pakikipagkikayan sa mga kets, pagde-deyt, pagnanayt-klabing, pagmimiyembro sa mga sorority—mga karanasang nakapagpapalimot sa pinagmulang kahirapan.
Nang mag-ekspayr ang kanyang iskolarsyip, para siyang binagsakan ng malas. Natapos ang mga maliligayang sandali ni Mary.
Sinubukan niyang magnobena kay St. Jude upang makapag-asawa siya ng mayaman at nang hindi na siya maghirap. Wala ring nangyari. Dinumog niya ang mga tindero ng swipsteyks. Wa-epek pa rin. Nakahanap siya ng trabaho pero mahihiya ang suweldo niya sa presyo ng yosi, meyk-ap, at sardinas. Dumalo pa siya ng kumperensya kagaya n’ong ukol sa International Women’s Year para maliwanagan siya sa kahalagahan ng kanyang pagiging babae pero wala siyang napala. Noon lang siya natutong magtanong.
Hanggang noong isang araw, nagtatanong pa rin si Mary. Dahil hindi pa niya alam na patay na ang kapatid niyang si Juana sa Isabela. Hindi pa niya alam na ang dati niyang boypren ay nakapiit na dahil sa kadadakdak sa Plaza Miranda.
Nang malaman niya, natuto siyang mag-isip.
Ngayon, ibang-iba na nga si Mary. Marunong na siyang magmura sa Tagalog. Tila alam na niya kung sino ang mumurahin at ano ang dapat baguhin. Balita ko’y hindi na siya ngumingiti ngayon (hindi lamang dahil walang mabibilhan ng yosi at beer doon!).
Si Petra kaya, si Sabel, at si Clara, kailan sila susunod kay Marya? ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-20 ng Enero 1975, gamit ang pamagat na “Alay kay Petra, Sabel, atbp.”