Nawala man ang hayag na dahas na umiral sa ilalim ni Rodrigo Duterte upang supilin ang kritikal na midya, ibang porma naman ng pagpapatahimik ang unti-unting inilalantad ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr.
Bagaman nananatiling baon sa kawalang-katiyakan ang mga kaso ng inhustisya, tulad na lang ng kinahantungan ng sala-salabid na imbestigasyon sa pagpatay kay Percy Lapid, isang peryodistang kilala sa kritikal niyang komentaryo sa gobyerno, lubhang nakababahala rin ang unti-unti ngunit matimping paggiba ng rehimeng Marcos sa propesyon ng peryodismo. Hindi man ganoon kalantad ang estilo ng panlilinlang, lalong nililihis ni Marcos sa atensyon ng mamamayan ang mas matinding pagkakasala sa bayan: ang matagal nang kawalang-pananagutan ng estado.
Kung Batas Militar ang naging paraan ng ama ni Marcos upang makontrol ang midya at mapuksa ang unti-unting paglakas ng kilusang masa noong dekada ‘70, ang hatiin ang taumbayan sa dalawang panig at burahin ang batayan ng kung anong lehitimo ang balangkas ni Marcos.
Ngayong matagumpay nang napabalik ni Marcos ang kanyang pamilya sa Malacañang, mahalaga sa kanyang ilayo ang sarili mula sa anumang bahid ng pandarahas na kinakaharap ng mga mamamahayag sa bansa. Para sa kanya, ang malayang pamamahayag ay ang malayang pagpapalaganap sa naratibong nakasandig sa tuluyang pag-aabswelto ng karahasang sinimulan at ipinagpapatuloy ng kanyang angkan.
Ipinahiwatig ng kampo ni Marcos ang nais nitong tahaking relasyon sa mga peryodista noong eleksyon pa lamang: iwasan ang pangingilatis ng midya, tulad na lang ng di niya pagsipot sa mga debate at panayam, at paglalako ng kanyang pinabangong imahen. Sapagka't ano pa nga ba't wala siyang paggalang sa isang propesyong may mandatong tiyaking nakaangkla sa katotohanan at realidad ng lipunan ang pag-uulat, at hindi sa delusyon ng anumang lipunang minana ni Marcos sa kanyang ama.
Kaya kasabay ng lalong panlilibak sa mga lehitimong midya sa pananaw ng masa—na binigyang daan ng administrasyong Duterte—inasahan na natin ang pagkalat ng disimpormasyon na layong maging mapanghati.
Ang hindi natin inasahan, bilang pangongondisyon ni Marcos sa mamamayaning pamamahayag sa bansa, ay ang pagsasalehitimo niya sa mga vlogger at influencer, sa pamamagitan ng government accreditation, bilang opisyal na tagapaghatid ng balita.
Hindi maikakaila ang potensyal ng mga vlogger at influencer na maghatid ng impormasyon sa paraang mas tinatangkilik ng masa. Ngunit sa panahon pa lang ni Duterte, napatunayan nang mapanganib kung paano pinondohan ng estado ang mga indibidwal na ito upang mapaniwala ang mamamayan kung sino ang kalaban o kakampi. Wala nang pasubali sa kung anong obhetibo at etikal, hindi na nagpakipot ang mga state-backed media corporation tulad ng SMNI, maging ang mga “direktor” tulad ni Daryl Yap, na pamahalaan ang kinikilingan ng ipinalalaganap nilang propaganda.
Sa lalong pagpapalawak ng administrasyon sa espasyong maaaring galawan ng mga vlogger, influencer, at mga tagasunod nito, ganoon naman ang pagliit ng espasyo ng mga peryodista para sa malayang pamamahayag.
Noong Hunyo, 25 website ng mga progresibong pahayagan ang inugnay ni dating National Security Adviser Hermogenes Esperon sa mga komunistang grupo. Nitong Oktubre, sunod-sunod na ni-red-tag ang limang mamamahayag sa mainstream at alternative media, ayon sa ulat ng National Union of the Journalists of the Philippines.
Hindi na lang mga aktibista at progresibo ang tinuturong kalaban ng pamahalaan. Gayong maging midya na pumoposturang neutral o konserbatibo ay binabansagan na ring kaaway ng estado, higit na nasa peligro ang mga peryodistang tulad ni Lapid na matalas ang pamamahayag.
Makailang-ulit na tayong nagluksa kung paanong kalunos-lunos na naisalin sa tahasang dahas ang banta ng pamahalaan sa mga peryodista. Sa ulat ng Reporters Without Borders, bumagsak sa ika-148 ang Pilipinas sa World Press Freedom Index, isang pag-aaral tungkol sa kalagayan ng peryodismo sa bansa na itinatanggi ng estado.
Sa puntong ito, higit na kritikal na maging mapagmatyag sa mga susunod na hakbangin ng estado. Ang pag-usisa, halimbawa, kung ganap bang isasakatuparan nito ang naging pangakong sundin ang rekomendasyon ng United Nations sa nagdaang Universal Periodic Review nitong Nobyembre, na magpanukala ng mga palisiya para sa karapatan ng mga peryodista at human rights defender.
Pangangailangan na ring puspusang kumbinsihin ang ating kapwa mamamahayag na makiisa sa samahan ng mga peryodista sa bansa. Isang hakbang pasulong ang pagkakaisang ito, mahalagang pagkakataon upang sanayin ang mga peryodista sa panibagong uri ng pamamahayag na kakalaban sa inhustisya at mapanghating pulitika. Sa ganang ito maaaring unti-unting bawiin at palawakin pa ang espasyo at kredibilidad na tinanggal ng estado mula sa mga mamamahayag.
Sa mga darating na taon, pangambahan natin ang katakot-takot na katahimikan at pagtanggi–sa lahat ng pananamantala, sa lahat ng pagkakasala. Pero gaya ng ilang taong pagsasanay sa pag-uulat at pamamahayag, higit na kailangan ang alisto at ubos-lakas na pangingilatis sa katotohanan—lalo na sa pagtuntong at pagsisiwalat sa kung sinong dapat bigyan ng hustisya at sinong dapat managot. ●