Ni TONI ANTIPORDA
Sa piitan na nagdiwang ng kanyang ika-40 kaarawan si Ericson Acosta. Para sa kanyang kaarawan, kumatha siya ng isang tulang nagtatala sa mga gawain ng isang Ginoong Mabalasik, isang elemento ng militar na bumisita sa kanya. Hindi man tukoy kung sino ito, malinaw sa tula ang pangdaharas na ginagawa kay Acosta sa loob ng piitan.
Isa lamang ito sa serye ng mga tula at awitin na maaaring makita sa online prison diary ni Acosta. Nakabalot man sa metapora at tagong pangalan, maaaring mailantad ng mga detinidong pulitikal sa pamamagitan ng sining ang mga panggigipit na nararanasan nila sa loob ng bilangguan. Ang akto ng paglikha ay hindi lamang paraan ng pagsulong ng kampanya ng paglaya sa mga detinidong pulitikal kundi nagsisilbi ring paalala na hindi napupurol ng pagkakakulong ang talas ng diwa at imahinasyon.
Kakosa
Pebrero 13 noong nakaraang taon nang inaresto nang walang warrant si Ericson Acosta o Ka Eric, ng mga elemento ng 34th Infantry Brigade ng Philippine Army (IBPA) sa pangunguna ni 2nd Lieutenant Jacob Madarang. Patungo si Ka Eric sa San Jorge, Samar para magsaliksik ukol sa human rights violations. Ngunit ayon sa 34th IBPA, isa siyang mataas na opisyal ng New People’s Army (NPA).
Isa lamang si Ka Eric sa daan-daang detinidong pulitikal sa bansa. Itinuturing na detinidong pulitikal ang sinumang dinakip, idinetine o ibinilanggo para sa mga gawaing nagsusulong ng kanilang pulitikal na paniniwala. At taliwas sa sinasabi ng administrasyong Aquino, patuloy pa rin ang iligal na pagdetina sa mga taong itinuturing na kritiko, kung hindi man tahasang kalaban, ng estado.
Ayon sa pinakahuling tala ng Alliance for the Advancement of People’s Rights o Karapatan noong Marso 31, nananatiling may 363 detinidong pulitikal sa bansa. Bukod sa iligal na pagdakip at detensyon, napapatawan din sila ng patung-patong na mga kasong kriminal, dumadaan sa pisikal at sikolohikal na tortyur, at pinagkakaitan ng ligal na representasyon. Dagdag pa rito ang halos hindi makataong kondisyon ng kanilang piitan, kung saan may kakulangan sa espasyo at sa rasyon ng mga pangunahing pangangailangan ng mga preso katulad ng pagkain.
Hindi kaiba ang mga kondisyong ito sa dinaranas ng libu-libo pang bilanggo sa bansa. Dahil kulang sa pondo, pilit ipinagkakasya ang libu-libong preso sa mga pasilidad na may limitadong espasyo. Ang New Bilibid Prison na may aktuwal na kapasidad para sa 8,700 na katao ay tahanan ngayon ng mahigit 17,000 na bilanggo. Kapos din ang mga kulungan sa malinis na tubig at matinong pagkain, at kalimitang naghahain ng bulok na gulay sa mga bilanggo.
Nauuwi ang mga preso sa paghahanap ng mga produktibong gawain upang makatakas sa hindi makataong kondisyon ng mga piitan, at ng kanilang pagkakabilanggo. Ang ibang preso, naeengganyo sa paglalaro ng isports. Ang iba naman, lumilikha ng mga tula at awitin kagaya ni Ka Eric. Sa pagsusulat, nailalahad ni Ka Eric at ng iba pang mga preso ang kanilang mga karanasan sa loob ng piitan at naipagpapatuloy nila ang mayamang tradisyon ng paglikha ng sining mula sa loob ng kulungan.
Buhay Selda
Kaakibat na ng ebolusyon ng mga bilangguan ang kasaysayan ng paglikha ng sining mula sa piitan. Mula sa paglikha ng mga dagling awitin ng mga gladiators sa Roma hanggang sa iskulturang gawa sa tissue paper ng mga bilanggo sa Amerika, hitik sa inobasyon ang tradisyon ng paglikha ng sining mula sa piitan.
Produkto rin ng piitan ang ilan sa mga mahahalagang akda ng kasaysayan at panitikan. Isinulat ni Amado V. Hernandez habang nakakulong ang kanyang nobelang “Mga Ibong Mandaragit.” Ipinuslit naman palabas ng kulungan ang huling tula ni Jose Rizal na “Mi Ultimo Adios” na nakatago sa isang lampara.
Hanggang sa kasalukuyan, marami pa ring mga bilanggo ang gumagawa ng sining mula sa piitan. Marami silang panahon habang hinihintay matapos ang kanilang sentensya, at ang paglikha ng sining ay isang produktibong libangan. Ngunit higit sa pagiging pampalipas-oras, ang sining din ang nagsisilbing paraan ng mga bilanggo upang manatili sila sa kamalayan ng lipunan.
Para sa mga detinidong pulitikal tulad ni Ka Eric, isang paraan ng pagsusulong ng kanilang panawagan ang paglikha ng sining mula sa piitan. Kasama ang iba pang mga detinidong pulitikal kagaya nina Alan Jazmines, Eduardo Sarmiento, at Axel Pinpin, naipagpapatuloy ang pagsulong ng rebolusyonaryong diwa sa pamamagitan ng sining. Isa lamang ito sa mga paraan upang patunayang ipiniit man sila ng estado, hindi naman naibilanggo ang kanilang pakikibaka.
Maging ang mga karaniwang bilanggo ay masigasig sa paglikha. Sa loob ng mga kulungan, nagpipinta, naglililok, at nagsusulat ng mga tula at kanta ang mga preso. May ilang iniaalay ang kanilang mga obra sa mga minamahal na pilit nawawalay sa kanila, at mayroon ring ibinebenta ang mga obra upang matustusan ang kanilang ligal na representasyon. Sa pamamagitan ng paglikha, naipagpapatuloy ng mga preso ang linya ng komunikasyon sa kanilang mga kaanak at komunidad, patunay na hindi hiwalay ang bilangguan sa mas malawak na lipunan.
Paglaya
Sa unang tingin, tila sintomas ng pagkabagot at pagkalumbay sa loob ng piitan ang paglikha ng sining. Ngunit sinasalamin rin nito ang mas malalim na pangangailangan natin bilang tao. Ani nga ni Ka Eric, “The idea, rather, is simply to shake off numbness; or in a highfalutin sense, to assert a more real existence.”
Sa piitan, maliit ang mundong ginagalawan ng mga bilanggo. Limitado sila sa kanilang imahinasyon at sa de-metrong espasyo ng selda. Mapa-detinidong pulitikal man o karaniwang bilanggo, ang paglikha ng sining ang nagpapaigting ng kanilang danas bilang mga nilalang. Nakakulong man sila sa bilangguan, ang kanilang sining ang patunay na hindi kailanman nabibilanggo ang diwa ng tao.
Bagama’t itinuturing na sikat si Ka Eric ng kanyang mga kakosa dahil sa espesyal na atensyon sa kanya ng militar, pare-pareho silang pinatatahimik ng estado. Ano man ang kadahilanan ng kanilang pagkakakulong, napatunayang kriminal man o naituring na kalaban ng estado, lahat sila’y inihihiwalay mula sa lipunan. Mula sa kanilang pagpasok sa kulungan hanggang sa matapos ang kanilang sentensya, kabilang ang mga bilanggo sa sanlaksa na ibinukod sa madla.
Itinuturing ang mga bilanggo bilang panganib sa lipunan. Madalas silang kinakatakutan, kinukundena, at pilit isinasantabi. Ang paglikha ng sining ng mga bilanggo ay pagbawi ng kanilang boses na pinipi ng estado. Ang minsanang pampalipas-oras, napapatawan nila ng radikal na potensyal. Patunay itong hindi napupurol ng piitan ang talas at talab ng diwa at imahinasyon ng isang bilanggo. Bagkus, maaaring napapatalas pa nito ang paggagap ng bilanggo sa kanyang sarili at sa lipunan.
Ang tradisyon ng paglikha ng sining mula sa piitan ay testamento sa katatagan ng diwa ng tao. Mula sa piitan na isang mekanismo ng pagsasantabi at pagpapatahimik, ang paglikha ng sining ay paraan ng pagbawi ng tinig at dangal ng mga bilanggo. ●
Si Ericson Acosta ay naging literary editor ng Collegian noong 1993 hanggang 1995. Ika-30 ng Nobyembre nang huliin at paslangin si Acosta ng mga militar sa Kanbankalan City, Negros Occidental, habang nasa kanyang gawain bilang consultant ng National Democratic Front.