Haharapin ng UP System ang P128.4 milyong kaltas sa pondo sa 2023, batay sa pinirmahang pambansang badyet ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Biyernes. Sa inilabas na 2023 General Appropriations Act (GAA), P24,263,577,000 na lamang ang matatangap na pondo ng UP sa 2023, kumpara sa P24,392,029,000 ngayong 2022.
Sa 2023 maitatala ang unang pagbaba ng badyet ng UP mula noong 2016. Mga proyektong imprastruktura at pagbili ng mga kagamitan ang maapektuhan sa natanggap na kaltas sa pondo ng UP. Sa nalalabing pondo sa ilalim ng capital outlays, malaking porsyento nito ay nakalaan sa pagpapatuloy ng paggawa o repair mga gusali, at pagbili ng mga kagamitan ng pamatansan at ng UP Philippine General Hospital (PGH).
Gayunman, umabot pa rin sa P893.6 milyon ang ikinaltas na pondo para sa mga proyketo at serbisyo ng PGH. Mula sa P5.9 milyon na panukala ng Department of Budget and Management (DBM) nitong Agosto, bumaba sa P5.4 milyon ang badyet ng ospital. Inilagay naman sa ilalim ng UP ang P127 milyong pondo para sa mga hindi pa nababayarang hazard pay ng mga manggagawang pangkalusugan sa PGH.
Makatatanggap ang PGH ng P1.2 bilyon para sa pagsasaayos ng mga gusali at pagtatapos ng kanilang Multi-Specialty Building. Ilan din sa mga malalaking proyektong sisimulan ngayong 2023 ay ang phase 3 ng Balay Atleta sa UP Diliman (P150 milyon), pagpapatayo ng dormitoryo sa UP Cebu (P63 milyon), at phase 2 ng College of Economics and Management Building sa UP Los Banos (P100 milyon).
Hindi mapopondohan ngayong 2023 ang ilang proyektong imprastraktura tulad ng konstruksyon ng mga pasilidad para sa UP Visayas Tacloban College (P1.84 bilyon), pagpapatayo ng College of Education Annex Building at pagpapaayos ng Benitez Hall (P900 milyon), at Microbial Bank sa UP Los Baños (P200 milyon).
Bagaman tumaas ang pondo para sa para sa sahod at benepisyo ng mga manggagawa (P14.4 bilyon), nananatiling pa ring 14,378 ang plantilla items sa UP, sa kabila ng panawagan ng kawani at guro ng dagdag pondo para sa regularisasyon ng mga manggagawang kontraktwal sa UP.
Nauna nang humarap sa serye ng protesta at pagtutol ang panukalang P2.5 bilyong budget cut ng DBM nitong Agosto. Bagaman nabawasan ang nakaambang budget cut sa UP, 55 porsyento lamang sa orihinal na P44.1 bilyong panukala ng UP para sa 2023 ang inaprubahan sa taunang badyet. ●