Ni TONI ANNE PAULA A. ANTIPORDA at DIANNE MARAH SAYAMAN
Mabilis raw makalimot ang mga Pilipino. Ang isang trahedya na naganap ngayong buwan, wala nang makatatanda sa susunod na buwan. Mainipin, maiksi ang pasensya, at madaling mabaling ang atensyon sa ibang mga bagay—ito umano ang ating mga katangian na dahilan kaya naluluklok pa rin sa pwesto ang mga pulitikong minsan na tayong niloko.
Kung madali tayong makalimot, tiyak na mahirap tandaan ang mga taong namatay isang siglo mahigit na ang nakalipas. Ito ang hamong kinaharap ng iba-ibang institusyon ng bansa sa pagdiriwang ng ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ni Jose Rizal. Sa tagal ng panahong lumipas mula nang barilin si Rizal sa Bagumbayan, madaling isipin na nasa bingit na ng pagkalimot ang ating pambansang bayani.
Gaya ng paglimot sa mga kasalanan laban sa taumbayan, mapanganib rin na makaligtaan ang buhay at pamana ng isa sa mga taong sumalungat sa mga kolonisador. Upang siguruhing hindi malilimutan ng mga tao si Rizal at ang kanyang pamana, binubuhay sa telebisyon at sining ang kanyang buhay at alaala.
Nakangiting Pagbalik-tanaw
Talamak na sa telebisyon ang mga dokumentaryo tungkol sa buhay at mga akda ng ating pambansang bayani. Wala naman silang pinagkaiba sa mga natutunan na natin sa hayskul at elementarya, isang listahan ng, kung hindi man ng mga petsa, lugar at akda, mga naging babae sa buhay ni Rizal.
Nitong Hunyo, inilabas ni Howie Severino ng I-Witness ang kanyang dokumentaryong “Ang Mahiwagang Ngiti ni Rizal.” Kaiba sa mga kasabayan niya, uminog lamang sa isang partikular na larawan ang nasabing dokyu, isang kuha ni Rizal sa Paris na naka-turban habang may isang pilyong ngiti. Inihambing pa nga ito sa ngiti ni Mona Lisa, misteryoso at nakakahumaling.
Hindi nakakapagtaka na mga larawan ang pinagbatayan ng dokyu. Sa lahat ng mga naging bayani ng ating bansa, si Rizal ang may pinakanaingatang mga dokumento at litrato. Ayon sa dokumentaryo, mapalad si Rizal na may kakayahan ang kanyang mga kaibigan sa Paris na magpakuha ng litrato. Noong
mga panahong iyon, itinuturing na karangyaan ang magpakuha ng litrato sapagkat mahal ang teknolohiya na ginagamit para rito.
Sa panahong nahuhumaling ang lahat sa mga imahe, lalong yumabong ang pagpapakahulugan sa mga larawan. Minsa’y napangingibabawan na nito ang bagay na nakapaloob rito, tulad ng nangyari sa mala-showbiz na pag-usisa ng dokumentaryo sa ngiti ni Rizal.
Sa halip na gamitin ang mga larawan sa Paris upang palalimin ang pang-unawa ng manonood sa sosyo-ekonomikong pagbabago at tunggaliang ideo-politikal na naranasan ni Rizal sa Paris, naging tampulan ito ng kontrobersya.
Ang isang larawan ay hindi lamang kopya ng isang kaganapan, tao o bagay, ito ay isang “homage to the subject,” ani Susan Sontag, kritiko ng potograpiya. Kung gayon, higit pa sa literal na imahe ang dapat na tingnan, lalo na sa pagsuri ng larawan ng isang pambansang simbolo gaya ni Rizal.
Inukit na Pag-alaala
Sa estado ni Rizal bilang tinitingalang bayani, natural na madalas siyang bigyan ng parangal o pag-alala.
Nagkalat, hindi lamang sa Pilipinas, kundi maging sa buong mundo, ang mga replika o estatwa ng pambansang bayani. Ang mga estatwang ito ang naging paksa ng Over Rizal: Monuments to a Hero, isang eksibit sa Vargas Museum. Nakadispley sa eksibit ang mga litrato ng mga estatwa ni Rizal sa iba’t ibang lugar, at ilang estatwang ginawa ng mga kontemporaryong artista.
Batay sa mga litrato ng estatwa, mahihinuha ang imahe ni Rizal na iniwan sa atin: naka-overcoat, may dalang libro, at mababanaag sa mukha ang malalim na pag-iisip. Madalas na makikita ang mga estatwa ni Rizal katabi ang mga institusyon ng lipunan, gaya ng simbahan, mga munisipyo at paaralan. Patunay ito sa mataas na pagtingin para kay Rizal na ikinintal sa isip ng mga mamamayan—mula pa nang ilagay ang kanyang mukha sa piso hanggang sa patuloy na pag-aaral sa kanyang buhay sa kolehiyo.
Ayon sa eksibit, “with ubiquity comes idiosyncrasy.” Bunsod ng dami ng mga estatwa ni Rizal, naipamana sa atin ang isang partikular na pag-alala sa bayani. Hindi magkakalayo ang itsura ng mga estawa, patunay na mayroong pangkalahatang paniniwala tungkol kay Rizal: isang intelektwal na nangahas tumutol sa kalupitan ng mga mananakop, isang taong dapat tularan ng kabataan.
Makikita sa dokumentaryo at eksibit kung paano natin hinahabi ang mga alaala ukol kay Rizal upang buuin ang ating kolektibong memorya sa tinanghal na pambansang bayani. Pinaiigting ng mga institusyon ng midya, sining, paaralan at gobyerno ang ating pagtingala sa bayani, sa paniniwalaang makatutulong sa bansa kung aasamin ng lahat na tularan si Rizal.
Subalit panay representasyon lamang ni Rizal ang pinagbatayan ng ating mga binubuong alaala. Maaari pa ngang sabihin na representasyon na lamang ng mga representasyon ang mamamalas—mga kinuhang larawan ng mga estatwa, na kung tutuusi’y kopya lamang ni Rizal.
Sa proseso ng ating pag-alala, hindi maiiwasan ang pagkatha ng mga paniniwalang susuporta sa ating layunin sa pagbabalik sa nakaraan at pagbuo ng memorya. Bagkus, kailangang siyasatin ang pagpapaalalang pinangungunahan ng mga institusyon ng lipunan, lalo na’t ito ang mismong mga institusyon na tinunggali ni Rizal noong nabubuhay pa siya. Minsan, ang pag-alaala ay pagtatangkang limutin ang mga mararahas na kontradiksyon. ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-5 ng Hulyo 2011, gamit ang pamagat na “Pagtatasa sa Pag-alala”