Magsasaka: Ang Bayaning Di Kilala
Sa gitna ng luntiang bukid, makikitang gumagaygay,
Nakasumbrerong balanggit, datna’t panawan ng araw,
Sa pagganap sa gawai’y susugod siwang walang humpay—
Dili iba’t magsasaka ang tunay na kahambal-hambal.
Araro ang gintong plumang sa lupa’y isinusulat,
Bawat salitang matitik sa pinitak ang sambulat;
Bawat butil nitong pawis na sa kanya nagbubuhat
Ay kabuhayan ng bayang sa kamay rin nag-uugat.
Martir nitong pagbabanta, kapuri’t na’y walang sawa —
Kahit batbat ang katawan sa hatas at alipunga,
Di pa rin masasagkaan sa matapat niyang panata—
Lumikha ng kabuhayan nang may makain ang madla.
Yaong kanyang katauha’y huwaran ng kasipagan,
Siya ay si Juan de la Cruz sa tunay na kahulugan;
Di pa man bukang-liwayway, hindi na siya magigisnan,
Naroon na sa gawain hanggang hapon ay dumatal.
Hamak ang turing sa kanya, pagkatao ay mababa,
Busabos na’y alipin pa sapagkat siya’y maralita;
Ngunit kung alam lang nila’ng halaga ng magsasaka—
Kung hindi siya nagpapagal, buong Mundo’y Magluluksa.
Pinagkaitan ng saya, ligaya at kabihasnan,
Sa karangyaan siya’y hubad, ulila sa kaluwagan;
Ngunit sa kanyang tungkulin sa baya’y di siya nagkukulang,
Panay-panay, walang kupas lumikha ng kayamanan.
Hinahatdan ng pagkain, di niya ibig maabala,
D’on sa sulok ng pilapil, sa ibabaw ng kareta,
Asin lang ang kanyang ulam, langit ay di siya alala—
Kalunus-lunos ang pobra sa palad sa sinapit niya.
Pinuhunanan ng dugo, pag anihan ay sumapit,
Susulputan ng patubo, talinduwa, pandaragir,
Ang asenderong masiba’y mananakim, mangangabig,
Sa dakong huli’y utang lang ang parti niyang makakamit.
Pagkatapos ay uuwi ang pobre sa kanyang bahay,
Ang naghihintay niyang anak di maibili ng tinapay;
Tatanungin ng asawa: “Asawa ko, ba’t mapanglaw?”
Aniya: “Walang angking swerte, ang parti ko’y bayad-utang.”
Dibdib ng asawa’t anak ibig-ibig nang mawasak,
Di nila namamalayang luha niya’y agad papatak.
Sino kaya, aking bayan, ang dito’y di maiiyak?
Nagpapagal ang siyang wala, limatik ang tumitipak.
O kawawang magsasaka, kay saklay ng kapalaran,
Kung hindi sa’yo gobyerno ay hindi maipupundar;
Hindi talos ng makwartang pag-aaring kinakamal,
Dangal at kapangyariha’y sa pawis mo bumubukal.
Ngalan mo’y ikinukubli, di ibig ipakilala —
Kapangyarihan mong taglay at papel mo sa historya;
Ayaw ka nilang mamulat, hindi gustong matuto ka
Upang sa habang panahon ay alipin linlang nila.
Anong laking sakripisyo ang sa’yo ay pinapapasan,
Pagsunod, kukunga’t bugbog ng pasista’y naranasan;
Silang itim ang kaluluwang laban sa kapayapaan;
Sila ang mga Lusiper nitong lupang tinubuan.
Dahil dito, makibaka sa taksil na kaypalalo,
Dahil dito ang magandang kabuhayan ay itayo,
Kaya, bayan, ukitin mo nitong balang kumukulo
Ang ngalan ng magsasaka, ang bayaning hindi tanto.
— Isang Aktibistang Magsasaka
Unang nailathala ang tulang ito sa isyu ng Collegian noong ika-26 ng Enero 1987.
Ang orihinal na bersyon ng popular na tulang ito ay nasa wikang Kapampangan na pinamagatang “Ortelano: Ina Bayaning Era Balu.” May salin na rin ito sa wikang Ilokano. Unang lumabas sa Ulos IIV, 1, 1978 na ngayo’y siyang opisyal na pambansang magasing pampanitikan at pansining ng Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS-NDF).