Karaniwang nasa harapan ng dyip si Marife De Chavez, 48, o Ate Fe kung tawagin ng mga kakilala, bilang tagapag-abot ng bayad at sukli sa mga pasahero. Ngunit noong Lunes, wala sa dyip si Ate Fe. Hindi barya ang hawak niya at hindi lang ang asawa ang kasama. Bitbit ang panawagan, kahanay niya ang mga tsuper at operator ng rutang Katipunan upang iprotesta ang napipintong phaseout ng kanilang kabuhayan.
Mula nang magkaroon ng diabetes si Enrico De Chavez, palagi na siyang sinasamahan ni Ate Fe sa pamamasada kung sakaling bigla siyang makaramdam ng hilo at pagod. Gayundin, sa isinagawang strike nitong linggo, kasama ni Ate Fe ang kanyang asawa, na pangulo rin ng asosasyon ng mga drayber at operator ng mga dyip rutang UP-Katipunan.
Hindi nag-iisang babae si Ate Fe sa protesta. Sa katunayan ay miyembro siya ng Co-Marehan, samahan ng mga asawa ng mga tsuper at iba pang mga kababaihan sa Katipunan. Nabuo ito noong kasagsagan ng pandemya bilang community pantry sa tulong ng mga estudyante mula sa College of Social Work and Community Development (CSWD) ng UP Diliman. Ngayon, patuloy silang nagtutulungan sa pagbebenta ng dishwashing liquid pandagdag kita para sa kanilang mga pamilya.
Ang inookupang espasyo ng mga babaeng gaya ni Ate Fe ay higit sa kanilang espasyo sa bahay, bilang ilaw ng tahanan, at sa harap ng dyip, bilang katuwang sa kabuhayan. Sa isinagawang strike, sila ang nakatoka sa pagsiguro sa kalagayan ng iba pang nagkakampuhang drayber. Mula sa pagtanggap ng mga text at tawag, sila ang tumutulong sa pangangasiwa ng komunikasyon sa mga drayber at operator ng ibang siyudad sa Metro Manila.
Para kay Ate Fe, matimbang ang gampanin nilang kababaihan upang mapanatili ang kinagisnang kabuhayan, kaya esensyal para sa kanilang makiisa sa laban. Aniya, "Alam naman natin ang mga drayber umaasa lang talaga sa kita ng jeep. Tapos ang gagawin ay ipe-phaseout pa. Paano na ang buhay namin? Syempre sa jeep lang kami umaasa."
Malaki ang naging epekto ng pandemya sa kabuhayan ng mga tsuper ayon kay Ate Fe. Sa taas ng bilihin, pahirapang mapagkasya ang naiuuwing kita sa pamamasada. Ani Ate Fe, tumigil na sa pag-aaral ang kanyang panganay na nasa kolehiyo upang masustentuhan ang sarili nitong pamilya.
Sa pagbabalik ng mga face-to-face na klase sa kampus, unti-unti pa lang na bumabalik ang mga komyuter at normal na kita ng mga tsuper. Ngunit matapos ang ilang buwan na pagbawi sa kita, nahaharap muli sa banta sa kabuhayan ang mga drayber at operator.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), papalitan ang mga jeep na higit na a 15 taon sa bagong yunit na nagkakahalagang P2.4 milyon hanggang P2.6 milyon. Bagaman may subsidyo ang gobyerno hanggang P260,000, kulang na kulang ito para sa milyon-milyong modernong jeep. Hirap ang mga tsuper na bunuin ang natitirang halaga lalo kung nasa P500 kada araw lang ang kita nila, ani Ate Fe.
Nang tanungin siya kung anong plano nila kung sakaling matuloy ang PUVMP, ang tanging nasagot niya lamang ay hindi pa sila handa. Matagal nang binubuhay ng pamamasada ang pamilya nila Ate Fe at ito na rin ang nakapagpaaral sa kanyang mga anak. Sa ikalawang araw ng strike, naobliga ang pamahalaang kausapin ang mga drayber at nangakong muling bibisitahin ang programang modernisasyon. Gayunpaman, patuloy ang panawagan ni Ate Fe na ibasura na ang polisiya.
Sa pagtatapos ng strike, muling babalik-pasada sina Ate Fe, gayundin ang iba pang mga babaeng katuwang sa pagpapagana ng siyudad. At ang bawat araw na nakakabiyahe silang mag-asawa ay panibagong araw ng pag-angkin nila sa kanilang nararapat na espasyo sa kalsada. ●