Bagong akademikong taon, bagong gamit sa paaralan. Nasasabik si Macky, sasabak na naman siya sa mga panibagong pagsubok nang may bagong bag, puting medyas, kumpletong bilang ng notebook, at makintab na sapatos. Tulad ng normal na araw sa eskwela, hindi pupwedeng mahuli si Macky sa flag ceremony. At pagdating sa Panatang Makabayan, minabuti niyang hindi magkamali sa bago nitong linya.
Nitong Pebrero, naglabas ng kautusan ang Kagawaran ng Edukasyon hinggil sa pagrebisa ng isang linya sa Panatang Makabayan. Mula sa nakagisnang “nagdarasal nang buong katapatan,” babaguhin ito sa “nananalangin nang buong katapatan.”
Ayon sa konsultasyon sa iba-ibang samahan gaya ng Language Society of the Philippines, Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino, Language Study Center ng Philippine Normal University, at indigenous cultural communities ng Moro at Muslim, mas taimtim at ingklusibo ang salitang “nananalangin” sa samut-saring relihiyon dahil wala itong tinutukoy na iisang paniniwala. Ani pa ng Office of the Undersecretary for Curriculum and Teaching, importante ang pagbabagong ito sa identidad natin bilang Pilipino sapagkat ang salitang “dalangin” ay nakaugat sa wikang Tagalog.
Gayunpaman, hindi bihira ang pagbabagong ginawa sa Panatang Makabayan. Sa katunayan, nagkakaroon ng mga mungkahing rebisyon sa mga pambansang awitin, simbolo, at panunumpa hindi lamang sa Pilipinas, kundi pati sa ibang bansa. Sa mga suhestyong ito nilalayon ng estado na paigtingin ang diwa ng nasyunalismo ng mamamayan para sa bayan.
Pagbagtas sa Naratibo
Hinulma ang mga pambansang simbolo, awitin, at panunumpa para kumatawan sa imahen at diwa ng bayan. Isa rito ang Republic Act 8491, o ang Flag and Heraldic Code of the Philippines, na nagmamandato sa mga opisina ng gobyerno at sa mga institusyong pang-edukasyon na magsagawa ng flag-raising ceremony tuwing Lunes ng umaga at flag-lowering ceremony tuwing Biyernes ng hapon. Kahalintulad ito sa gawain din ng ibayong bansa.
Isang halimbawang mainam tingnan ang pagdaragdag ng pariralang “under God” sa Pledge of Allegiance ng Estados Unidos upang ilarawan kung paano pinagtitibay ng estado ang ideya ng nasyunalismo.
Taong 1954 nang pirmahan ni Dwight Eisenhower, dating pangulo ng Estados Unidos, ang paglalakip nito bunsod ng sinusulong na kaisapan sa Amerika. Ayon sa tala ng mamamahayag na si Becky Little, itinutulak sa panunumpang ito ang mas kaaya-ayang itsura ng buhay sa Amerika dala ng paggabay ng Diyos, kumpara sa Soviet Union na walang kinikilalang panginoon sa komunismo.
Dagdag pa ni Little, mahihinuha sa konsepto ng pagkamakabayan ng estado ang kanilang ninanais na hubugin na kaisipan at kilos ng mamamayan. Sinegundahan ito ng dating kinatawan sa Kongreso ng Estados Unidos na si Rep. Louis C. Rabaut, na nagsabing tunguhin ng rebisyon na magkaroon ng mas malalim na pag-unawa ang mga estudyante sa pagkamakabayan habang binubuwag ang pagkiling sa komunismo.
Sa Pilipinas, mababakas din ito sa mga iminumungkahing pagbabago sa pambansang awit. Taong 2018 nang inihayag ni Tito Sotto, dating pangulo ng Senado, ang pagnanais na baguhin ang huling linya ng Lupang Hinirang. Mula sa “Ang mamatay nang dahil sa'yo,” inihayag niyang palitan ito ng “Ang ipaglaban kalayaan mo.”
Saad ni Sotto, may pagka-talunan ang tono ng kasalukuyang awitin kung kaya gusto niyang ibaling ang mensahe mula sa pagsasakripisyo tungo sa pagtatanggol ng demokrasya. Dito mistulang ipinupunto ni Sotto ang hindi pagkilala sa pagbubuwis ng buhay para sa Pilipinas.
Instrumento ang mga pambansang awit, panunumpa, o anumang simbolo upang diktahan ang pagpapahalaga sa bayan. Ipinaparating nito ang mensaheng inaasam itaguyod ng estado sa pamamagitan ng maingat na pagpili at pagsulat sa mga elementong bumubuo rito, sang-ayon nga sa pag-aaral ng mga Griyegong mananaliksik tulad ni Argyris Kyridis.
Ang Panatang Makabayan, bilang isang pambansang panunumpa, ay isang aparato ng nasyunalismong laan para sa mamamayan. Ipinaliwanag ito ni Louis Althusser sa pagsasaad na ang mga institusyong panlipunan ay nagsisilbing daluyan ng mga ideyang nais iparating ng estado sa sambayanan.
Sa madaling sabi, binubuo ang Panatang Makabayan, gaya ng iba pang pambansang simbolo, ng mga pahayag na lumilikha sa ideya ng isang “mabuting” Pilipino alinsunod sa pamantayan ng estado.
Pabago-bagong Depinisyon
Hindi iisa ang depinisyon ng nasyunalismo. Higit pa nga, maaaring sabihin na hindi rin natatapos ang patuloy na pagtukoy rito. Sa pagbusisi ni Homi K. Bhabha, isang British-Indian na mananaliksik, sa ideya ng nasyon, ipinaliwanag niya ang pagkakahalintulad nito sa isang naratibo na patuloy na isinasalaysay ng mga taong bumubuo ng komunidad. Ang bayan ay kung ano man ang kasalukuyang kultura’t tradisyon na namamayani sa komunidad.
Sa Pilipinas, makikita ang naratibo ng nasyon sa patuloy pa rin nating pagbaybay sa mundo bilang dating kolonisadong bayan. Ani ng pambansang alagad ng sining na si Bienvenido Lumbera, hindi pa rin matatag ang kabuhayan ng mga Pilipino kahit ilang dekada na simula nang ito’y lumaya. Papunta pa rin ito sa “ganap na kaunlaran.”
Ipinunto naman ng kritikong si Alice Guillermo na mapupuna ang interes ng lipunan sa naratibo ng bayan. Halimbawa nito ang makapangyarihan na emosyunal na apela ng mga makabansang entidad.
Ang emosyong nararamdaman para sa bansa ay maikakabit din sa pagkakakilanlan ng mamamayan sa lipunan. Ayon kay Cynthia Miller-Idriss, isang propesor sa edukayson at sosyolohiya mula sa Estados Unidos, pinalalago ng mga pambansang simbolo ang identidad at koneksyon ng mamamayan sa bansang kanilang ginagalawan.
Sa ganitong pagtrato sa mga pambansang simbolo, awitin, at panunumpa, nasasalamin ang nasyunalismong nakaangkla lamang sa pagsunod sa mga tuntunin ng estado. Nagiging pasibo lamang ang turing dito pati na sa kaakibat nitong mga pagbabago.
Pagkilatis sa Tunguhin
Sa nagtutunggaliang pagpapakahulugan sa nasyunalismo, nararapat na manaig ang nagpapaigting sa pagkamit ng hustisya at pagkakapantay-pantay ng mamamayan. Itong klase ng nasyunalismo ang kinakailangan para sa pag-unlad ng nasyon—hindi lang basta pagsunod sa layunin ng makapangyarihan habang hiwalay sa interes ng sambayanan.
Hindi tumitigil sa panunumpa ng kanang-kamay at pagbigkas ng litanya ang nasyunalismo. Bagkus, tumutungo maski sa paglilingkod, pag-aaral, at pananalangin nang may pagsusuri para sa bansa. Isa itong patuloy na pagkilatis sa mga nakaupo, pag-alay ng serbisyo sa naghihirap, at paglaganap ng kamalayan sa lipunan.
At dahil iniibig natin ang Pilipinas, sisikapin nating ligtas ang tahanang ito para sa ating lahi. Kukupkupin at tutulungan ang pinagsasamantalahan na maging malakas, masipag, at marangal. Dahil mahal natin ang Pilipinas, diringgin, susundin, at tutuparin ang mga tungkulin nang may kaakibat na matalas na pagsusuri. Iaalay ang buhay, pangarap, at pagsisikap para sa mamamayang Pilipino.
Tulad ni Macky, sa ibang bahagi ng bansa, pumapasok din sa paaralan si Nate, isang batang Lumad. Kaiba kay Macky, mas lantaran kina Nate ang pagpapahalaga sa pagtatanim, pangangalaga sa lupa at kalikasan, dahil ito ang pangangailangan ng kanilang komunidad. Dahil dito, tila di na kailangang banggitin ng mga batang Lumad ang mga kataga ng pagmamahal sa bayan dahil isinasagawa nila ito.
Ano pa’t sa Lakbayan nila, ipinapahayag nila ang paninindigan para sa hustisya. Tulad ng nasyunalismong kinakailangan sa pag-unlad ng nasyon, ang pagmamahal nila ay may kaakibat na pagkilos para sa lupang sinilangan.
Sa daantaong danas bilang kolonya, kinakapa pa rin ng Pilipinas ang mundo kung saan walang pang-aabuso at pang-aapi. Sa patuloy na pagsambit ng Panatang Makabayan, pag-awit ng Lupang Hinirang sa mga seremonya, at pagkilala sa mga pambansang bayani, alalahanin din sana natin ang kongkretong ambag nito para sa bayan, para sa mamamayan. ●