patay ang radyo. patay ang telebisyon. patay ang kurap-pikit na bumbilya. patay ang bentilador. patay ang kable. patay ang metrong nagtaas-presyo. patay ang ulyaning gripo. patay ang posong bukal ng luha ng mundo. patay ang lupang ninuno. patay ang halamang diniligan ng pagtitimpi. patay ang tuyong dahon na nilagas ng panahon. patay ang bulaklak na sisidlan ng galak. patay ang matandang puno na tinagpas ng pangakong urbanisasyon. patay ang kuliglig na hitik sa tsismis. patay ang bukid na binaog ng dugo at luhang-lamig. patay ang magsasakang nagtangkang lumuwas sa probinsya. patay ang paruparong bitbit ang kaluluwa ng namayapa. patay ang hangin. patay ang abuhing ulap. patay ang ibong kay hilig bumulong ng awit sa tenga. patay ang namamagang langit.
patay ang makina. patay ang headlight. patay ang bastos na busina. patay ang uubo-ubong tambutso. patay ang sandamaknak na kotseng bumaha sa kalsada. patay ang dyip na inembargo nang lumipas ang prangkisa. patay ang tumitiling traysikel. patay ang motor na nalubak sa butas-butas na namang landas. patay ang nasagasaang askal. patay ang matapobreng pusakal. patay ang dalagang winala sa eskinita. patay ang pinaghinalaang tulak ng droga. patay ang lihim na laklakan sa laylayan. patay ang inumang panakip-butas sa kalungkutan. patay ang sugalang lango sa pagkabigo. patay ang sentimong nilimot sa aspalto. patay ang sulasok ng nagbarang imburnal. patay ang sukang nag-umapaw sa kanal. patay ang kalyeng lapat sa balat ang marka ng milyong gulong at yapak. patay ang kahabaan ng lansangan.
patay ang eskwelang pugad ng murang pangarap. patay ang bata. patay ang hindi na bumabata. patay ang tindahang kalakal maski ting-tinging balita. patay ang kwentuhang mula sa hiram na alaala. patay ang aklatang-bayan na umani ng alabok. patay ang bantayog ng mga bayaning tampok sa gitna ng plaza. patay ang mall na kahon ng sansaglit na ginhawa. patay ang lumang palengke na makailang-ulit na sinunog ngunit nanumbalik makaraan ng ilang linggo. patay ang gusaling itinayo sa puntod ng palayan. patay ang pabrikang pugon ng pag-asa. patay ang matapat na manggagawang tinapatan ng kawalang-karapatan. patay ang maralita. patay ang hanay ng nagprotesta. patay ang pinaratangang terorista matapos tamnan ng baril at granada. patay ang nanawagan ng hustisya. pinatay ng—
patay ang radyo. patay ang telebisyon.
patay ang Kristo?
patay ang Kristo.
patay ang Kristo!
magluksa tayong lahat.