Tipid ang ngiti ni Evangeline Rapanut, o mas kilala bilang “Nay Vangie” sa mga kaibigan, tuwing tinatanong ukol sa kanyang nakaraan. Sa kahabaan ng kanyang 72 taong buhay, ipinagmamalaki niya na malaking bahagi nito ang ginugol sa pagsasakatuparan ng katuruan ng Metodistang paniwala: isabuhay ang pananalig sa pamamagitan ng aktibong pakikisangkot sa mga krisis na bumabatbat sa mamamayan.
Subalit noong madaling araw ng ika-31 ng Mayo 2022, tinangkang kuputin ng gobyerno ang malayang pakikiisa ni Nay Vangie nang dakpin siya ng kapulisan sa Dasmariñas, Cavite. Hinuli siya buhat ng patong-patong na kaso gaya ng pagpatay, pagnanakaw, at ilegal na pagmamay-ari ng baril at pampasabog batay sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Group.
Kaiba sa ipinalilitaw na naratibo ng tanim-ebidensya, iginigiit ng Karapatan, isang alyansa ng karapatang pantao sa bansa, na isa si Nay Vangie sa mga aktibistang ikinulong ng estado gamit ng gawa-gawaing mga kaso.
Masakit sa dibdib ni Nay Vangie ang sinapit niyang sitwasyon, lalo’t noon lamang Nobyembre 2021 ay inaresto rin ang kanyang asawang si Gil Peralta sa paratang na pagpatay at arson, at nasamsam umano ang ilang bala, baril, at granada sa tinitirhan nito. Ngunit matagalan nang taktika ang pagtatanim ng pekeng ebidensya sa isinasagawang operasyon ng mga tagapagtupad ng batas. Isang halimbawa rito ang “Bloody Sunday” Massacre, isang brutal na pagsalakay ng kapulisan na nauwi sa pagkamatay ng siyam na aktibista noong ika-7 ng Marso 2021.
Upang ibsan ang pangungulila, nakatulong ang komunikasyon ni Nay Vangie sa kanyang babaeng anak na naghihintay sa kanilang paglabas. Ngunit paglaon, napilitan siyang lagutin ang nasabing linya ng ugnayan dala ng pangamba. "Nabalitaan ko kasing hina-harass sila [mga kaanak] ng mga awtoridad," aniya. "Kaya pinutol ko na lang ang koneksyon para wala nang problema."
Malay man sa gayong kalupitan ng sistema, hindi naging madali kay Nay Vangie ang karanasan sa likod ng mga rehas. Dagdag pa ang alalahanin sa kalagayan ng mga minamahal, dagok ito sa kanyang gampanin bilang organisador.
Bilang isa sa pinakamatandang miyembro ng iba-ibang progresibong grupo gaya ng GABRIELA, isang pambansang alyansa ng kababaihan, naging tungkulin ni Nay Vangie mag-organisa ng kababaihan sa Timog Katagalugan, partikular sa Cavite. Siya ang tumatayong tagapagturo sa komunidad ng kasaysayan at kultura. Nakikipamuhay siya sa malalayong probinsya, sabihin mang mayroon nang kahirapang bumisita roon dala ng edad.
Sa kabila ng banta ng red-tagging, buong-sikap na tinitipon ni Nay Vangie ang mga maralita, manggagawa, at magsasaka. Kasama nila, nangunguna siya sa mga martsa upang ipinawagan ang pagpapatigil ng karahasan laban sa kababaihan, pagtataguyod ng tunay na reporma sa lupa, at pagwawakas ng kontraktwalisasyon sa trabaho.
Kaya naman ganoon na lang din kalaki ang pagpihit ng buhay ni Nay Vangie nang makulong. Kaiba sa sariwang hangin na kinalakhan sa mundong labas, ipit siya sa selda ng Camp Crame sa Quezon City kung saan siya unang dinala. Ito ang nagpalala sa humihinang resistensya ng kanyang katawan, na nagresulta sa pagkahawa ng COVID-19 matapos ang tatlong buwan sa loob ng kulungan.
Inilipat man ng piitan si Nay Vangie noong Agosto 2022, nananatiling masahol ang problema sa Taguig City Jail: siksik sa sikip ng silid na nagpalala sa pagkabulnerable niya sa sakit. Batay nga sa tala ukol sa lahat ng bilibid na nakapailalim sa Bureau of Jail Management and Penology, pumapalo sa 370 porsyento o halos apat na beses ang dami ng mga bilanggo kumpara sa normal na kapasidad ng mga kulungan.
Hindi rin nakatulong ang tindi ng init na kailangang tiisin sa kada kwarto. Kakabit pa ng kakulangan ng agarang pagamutan at masustansyang rasyon, sadyang nasasapeligro ang kalusugan ng kababaihang bilanggo, lalo na ang mga may-kaedaran.
Gayunman, sa halip na magpasakop sa takot, ipinagpapatuloy ni Nay Vangie ang tungkulin sa kasalukuyang katatayuan. Araw-araw, matapos ng ehersisyo at agahan, nakikiisa siya sa pagsusulong ng pulong sa kulungan bilang isa sa mga tagapagsalita. Dito, itinuturo niya ang nalalaman sa laban ng kababaihan, partikular ang ilang siglo nang agos ng peministang kilusan upang buwagin ang pwersa ng patriyarka.
Katulad ng 819 na bilanggong pulitikal sa bansa—kung saan 162 ay kababaihan ayon sa Tanggol Bayi, isang kapisanan ng kababaihang tagapagtanggol ng karapatang pantao sa bansa—nakaantabay pa rin si Nay Vangie sa usad ng kanyang kaso matapos muling iapela ang tinanggihang dulog ng demurrer to evidence, o ang pagpapawalang-bisa sa mga isinampang kaso dulot ng kakulangan ng ebidensya.
Nitong Pebrero, ipinagdiwang ni Nay Vangie ang kauna-unahang kaarawan niya bilang bilanggong pulitikal. Halos isang taon mula nang bilangin ang mga araw sa bilangguan, maaaring sabihin na madaling panghinaan ng loob ukol sa posibleng hawak ng hinaharap, lalo para sa kanyang pinakamatandang bihag ng dahas.
Subalit, para kay Nay Vangie, tuloy ang tungkulin saan man dalhin ng tadhana. "Wala namang nagbago sa aking paniwala mula pa noong dekada '70. Naiba man ang sitwasyon, nananatiling kalahok ang kababaihan sa pakikibaka—sa loob o labas man ito ng espasyo ng bilangguan." ●