Bakas ang pagkamuhi sa aktibismo noong unang sumalang sa kolehiyo, namanatang di sasali sa anumang protesta si Romina Astudillo, o mas kilala bilang Shami sa mga malapit sa kanya. Ngunit nang makisangkot bilang estudyanteng mamamahayag sa kanyang unibersidad, namulat siya sa inhustisya ng lipunan. Ito ang nagtulak sa kanya na bagtasin ang landas na dati niyang kinaayawan—ang landas na siya ring naging mitsa ng pamahalaan upang siya ay ipabilanggo.
Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao noong Disyembre 2020 nang hulihin si Shami at anim pang mga aktibista dahil umano sa iligal nilang pagmamay-ari ng mga armas at pasabog. Katulad ng karaniwang taktika ng estado, ipinataw ang mga walang-batayang kaso na ito upang supilin ang mga kritiko ng gobyerno. Sa katunayan, noong 2021 lamang napasawalang bisa ang kaso nina Lady Ann Salem at Rodrigo Esparago, dalawa sa mga inaresto.
Bagaman dalawang taon nang nakakulong, hindi pa rin nagmamaliw ang paninindigan ni Shami. Sa tuwing nalulungkot, lagi siyang humahango ng lakas mula sa mahabang karanasan ng kanyang paglaban. Nagsimula ito sa pagiging bahagi niya ng Trinity Observer, ang opisyal na pahayagang pangkampus ng Trinity University of Asia. Dito, natulak siyang usisain ang pinanggagalingan ng mga aktibistang dati niyang tinitingnan bilang mga sagabal sa buhay ng iba.
Upang gampanan ang kanyang tungkuling isiwalat ang kwento ng mga api, nakisalimuha siya sa mga lider-estudyante, manggagawang nagwewelga, at maralita ng lungsod. Hinulma ng mga ugnayang ito ang kanyang mga batayang prinsipyo sa buhay. Ito rin ang dahilan kung bakit nagpasya siyang ilaan ang buong oras sa larangan ng kritikal na pamamahayag; sa mga panahong walang pasok ay tumungo siya sa mga sakahan at pabrika, nag-organisa ng mga talakayan, at lumahok sa mga protesta.
Hanggang sa matapos sa kanyang pag-aaral, matibay ang pagpapasya ni Shami na buong-lakas na kumilos bilang isang organisador. Pinamunuan niya ang College Editors Guild of the Philippines Metro Manila upang makapanghimok pa ng mas marami estudyanteng mamamahayag sa lungsod na ituon ang kanilang paglilingkod sa mamamayan.
Hindi inurungan ni Shami ang hamon hanggang sa antas ng pambansang halalan nang siya ang piniling ikalawang kandidato ng Kabataan Partylist noong 2016. Bagaman di nagtagumpay na makamakit ang pwesto sa Kongreso, batid ni Shami na di rito nagtatapos ang kanyang paglalakbay.
Pagsapit ng 2017, iinilaan niya ang kanyang oras sa pag-oorganisa ng mga unyon sa iba-ibang paggawaan sa Metro Manila. Una siyang tumungo sa Manila Harbour Centre Port Terminal, Inc kung saan naitayo ang Unyon ng mga Mangagawa ng Harbour Centre. Dahil sa kolektibong pagpiglas ng unyon, napagtagumpayan ng mga manggagawa ang kanilang mga isinampang kaso laban sa mapang-abusong korporasyon.
Sa pamamagitan ng pagpapamulat sa mga manggagawa ng kanilang mga batayang karapatan, dinala niya ang mga aral mula sa pag-oorganisa tungong pabrika ng mga sardinas sa Navotas. Dito, naitatag ang Samahan ng mga Manggagawa ng Slord Development Corporation. Mula noon, naipunla ang batayan para sa pagkapanalo ng unyon noong 2021 hinggil sa regularisasyon ng mga manggagawa.
At kahit nasa piitan na si Shami nang magtagumpay ang unyon, hindi nakakalimutan ng mga manggagawa na magpadala ng pagkain sa kanya tuwing may kakayahan ang mga ito. Itong mga tagpong nagpapaalala sa kanya sa kawastuhan ng kanyang mga naging pagkilos at ang pangangailangang ipagpatuloy ito.
Kaya naman, kahit noong nasa Camp Crame na si Shami, ipinamalas pa rin niya ang diwa ng isang mamamahayag sa pamamagitan ng tapat na pag-uulat sa mga umiiral na kalagayan dinaranas ng maraming bilanggong pulitikal tulad niya. Pagkalipas ng apat na araw mula nang iligal siyang hulihin, nagsulat siya ng artikulo na inilathala sa Facebook page ng Free Romina “Shami” Astudillo. Nakapaloob dito ang pagpapasubali sa mga paratang at gawa-gawang kasong isinampa sa kanya.
Pagkatapos ng 15 araw, nagpadala siya ng artikulo sa Rappler tungkol sa karanasan niya sa loob ng bilangguan, pagbabalik-tanaw sa mga kampanyang sinalihan, at mga plano sa hinaharap.
“Higit pa sa propesyon ang pagiging aktibista, buhay namin ito … Kaya nang tanungin kami sa interrogation na kung sakaling matapos ang kaso namin at nakalaya kami ay babalik kami sa pagkilos, ang sagot namin: “Oo,” sulat niya.
Kahit nang ilipat siya sa Quezon City Jail Female Dormitory ng Camp Karingal, pangunahin pa rin kay Shami ang pagsipat sa danas ng iba at pagsisikap na makatulong sa abot ng kanyang kakayahan. Bagaman may mga restriksyon sa kanilang paggalaw bunsod ng paglalayo sa kanila sa ibang mga bilanggo, ginagamit niya ang kanyang mga kaalaman tuwing nakakausap ang iba kasama sa piitan upang tulungan sila sa kanilang pag-aaral sa Alternative Learning System.
Sa kabila ng mga pagdurusang pinagdaanan, tiyak siya na sa kanyang paglaya ay mapangahas pa rin niyang isisiwalat ang tunay na kalagayan ng lipunan alang-alang sa kapakanan ng mamamayan. Hanggang nagpapatuloy ang inhustisya, ganoon din ang pag-usad ng kasaysayan na pinaaandar ng mga katulad niyang kumokontra sa kasalukuyang kaayusan. ●