Mga karanasan at nakasanayang buhay sa loob ng kulungan ang ikinuwento sa’min nina Ge-Ann Perez at Arlene Panea nang makapanayam namin sila nang minsang bumisita kami sa Taguig City Jail (TCJ). Sa saglit na panahong nakahalubilo namin ang mga bilanggong pulitikal na nakakulong sa TCJ, tila itinuring kaming mga kaibigan na matagal nang di nakakausap nina Ge-Ann at Arlene.
Silang dalawa ang pinakabatang bilanggong pulitikal sa TCJ. Labingsiyam na taong gulang lamang si Ge-Ann nang siya’y maaresto taong 2019 sa Barangay Calumpang, Liliw, Laguna, kasama sina Frank Fernandez at Cleofe Lagtapon, mga consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Bagaman naninilbihan lamang bilang caregiver si Ge-Ann sa mag-asawa, kasamang idinawit si Ge-Ann sa gawa-gawang kasong isinampa na illegal possession of firearms and explosives. Dahil dito, sa mga makipot na espasyo ng kanyang selda na lumipas ang pagdadalaga ni Ge-Ann, na ipinagdiriwang ang ika-24 kaarawan sa taong ito. Parehong edad kung kailan inaresto si Arlene, aniya.
Taong 2014 nang maaresto si Arlene sa Barangay Zaragosa, Aloguinsan, Cebu habang nagtatrabaho bilang caregiver sa mag-asawang peace consultant na sina Benito Tiamzon at Wilma-Austria Tiamzon. Sa halos sampung taong pagkakakulong niya, isa na siya sa mga pinakamatagal na babaeng bilanggong pulitikal sa bansa.
Bagaman ang pagpapasya nilang tumugon sa mga nangangailangan ang naging dahilan ng kanilang pagkakapiit, para kina Ge-Ann at Arlene, makatwiran pa rin ang kanilang ginawa. Maging nang pumasok sa kulungan, bitbit pa rin nila ang pagnanais na tumulong sa iba.
Karamihan sa mga kasamang bilanggong pulitikal nina Arlene ay may katandaan na, kaya naman silang dalawa ang madalas na magkatuwang sa pag-aasikaso sa gamutan at pangangailangan ng mga kasamahan sa loob. “Siya ang logistics,” turo ni Ge-Ann kay Arlene, habang entertainer sa kanilang mga ate si Ge-Ann.
“Laging nasa trend ‘yan,” ani Arlene sa amin tungkol kay Ge-Ann, na may ngiti sa labing naka-liptint. Paraan umano ni Ge-Ann ang pagsusuot ng make-up at pagsasayaw upang maibsan ang nararamdamang lumbay at inip sa loob ng kulungan.
Nang dumako ang panayam kay Arlene, hindi naiwasang ipabatid ni Ge-Ann ang paghanga niya sa nakatatandang kasama. Aniya, kabilang si Arlene sa nangunguna sa pagsusulat ng liham at nakikipagdayalogo sa mga warden sa mga hiling nilang bilanggo. Sa gayong pag-oorganisa nina Arlene sa loob ng kulungan, pinahintulutan umano sila sa mga bagay na hindi nila naranasan sa mga naunang kulungan tulad ng kalayaang makapagluto at makapagtipon-tipon sa tuwing kaarawan ng isa sa kanila.
Sa loob na ng kulungan natuto sa buhay at tumanda sina Ge-Ann at Arlene. Ani Ge-Ann, sa bilangguan niya higit na natutunan ang diwa ng pakikisama at halaga ng sama-samang pagkilos. Aniya, sa gayong pundasyon napalakas ang pagkakaibigan nilang dalawa. Pareho silang nangangakong ipagpapatuloy nila ang paglaban para sa iba pang bilanggong pulitikal sa oras ng kanilang paglaya.
Hanggang ngayon ay hinihintay pa rin nilang dalawa ang hatol ng korte sa kanilang kaso. Ito’y sa kabila ng makailang ulit na petisyon ng mga progresibong grupo na palayain sina Ge-Ann sa ilalim ng just and humanitarian grounds, o pagpapalaya sa mga presong may malubhang sakit o nakatatanda.
Ayon sa grupong Kapatid, grupo ng mga kaanak at kaibigan ng mga bilanggong pulitikal, nararapat lamang na mapalaya na si Arlene gayong inosente at biktima lamang siya ng pulitikal na pang-aaresto ng estado. Kailangan din ang agarang pagpapalaya kay Ge-Ann, na noong pandemya ay lalong lumubha ang sakit na leprosy dahil sa kawalan ng gamot sa loob ng kulungan. Bagaman naghain ng petisyon ang International Coalition for Human Rights sa pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal na high-risk sa COVID-19, tinanggihan pa rin ng Korte Suprema ang petisyon.
Sa isang lipunang makatarungan, sa mas malawak at malayang mundo sana namulat sina Ge-Ann at Arlene sa mga nais nilang gawin sa buhay. Simple lang ang sagot nilang dalawa nang tanungin kung ano ang nais nilang gawin oras na makalaya: ang tumalon sa tuwa at maranasang makadalaw sa Baguio para kay Arlene, at ang makabalik sa high school at maranasang muling gumala kasama ang mga kaibigan para kay Ge-Ann.
Sa nalalapit na pagtatapos ng pagbisita namin sa TCJ, nagtanghal ang mga bilanggong pulitikal ng isang awit at sayaw. “Babae ang tungkulin mo’y sa pagpapalaya ng bayan, ang pinto ng pag-unlad sa’yo ngayong nakabungad, harapin mo,” awit nila. Kabilang si Arlene sa mga umawit ng kantang isinulat nila, habang si Ge-Ann ang kaisa-isang sumayaw.
Mahigpit kaming niyakap nina Arlene nang mamaalam na kaming mga bisita sa kanila. Nang tanungin sila ng kasamahan ko kung hangarin pa rin ba nilang tumulong sa kapwa oras na mapalaya, sagot ni Arlene, “Hindi naman mawawala iyon.” ●
Mga ulat mula kay Gretle Mago.