Tila isang palaro ng pabitin tuwing pista, makatawag-pansin ang mga titulong nakalawit sa tuktok ng kolehiyo upang paghirapang sungkitin ng mag-aaral. Taglay umano ang materyal na ginhawa sa mga premyadong bansag gaya ng Dr., Engr., Atty., Prof., at iba pa, malimit na gitgitang-laman ang paligsahan sa akademya.
Kakatwa ang eksena mula sa mga mata ng tagasubaybay: may inaangat ng kaanak, ilang binubuhat ng kaibigan, kalakhang dinadaganan ng kapwa. Hindi patas ang tunggalian ngunit tuloy ang aktibidad. Hangad na mapasakamay ang pangakong pabuya ng bokasyon, para sa karamiha’y wala nang higit pang hahalaga sa mataas na antas ng edukasyon.
Bilang sagisag ng kurso, kadalasang iugnay sa mga titulo ang impresyon ng pagtamasa ng tanyag na posisyon sa lipunan. Marka ito ng natamong awtoridad ng dalubhasa kumpara sa ordinaryong mamamayan. Kaya naman batay sa inilabas ng Office of the Vice President for Academic Affairs (OVPAA) ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) na Memorandum 2023-51, o “Appropriate Use of Academic Titles,” mahigpit na kahingian sa lahat ng nakapaloob sa unibersidad ang karampatang paggamit ng mga propesyunal na katawagan.
Paghahati sa Kairalan
Malaon nang usapin ang pagkahumaling ng mga Pilipino sa pagkakaroon ng titulo. Sa katunayan, kung babakasin ang kolonyal na kasaysayan ng Pilipinas, mahihinuha na tatak iyon ng parangal na iginawad ng Kastilang simbahan at pamahalaan sa mga piling pangkat.
Samantala, gantimpala naman iyong nakakamit sa ilalim ng mga pampublikong paaralan na ipinatayo ng mga Amerikanong mananakop. Dito, binigyang-diin ang kahalagahan ng edukasyon upang umakyat ng pwesto sa lipunan.
Sa pagpupundar ng mga silid-aralan bilang imbakan ng dayuhang kalinangan, hinubog ng Estados Unidos ang kamalayan ng taumbayan upang humilig sa Kanluraning pamantayan ng kaisipan. Isang “bangko ng impormasyon,” ayon sa pilosopong si Paulo Friere, kung saan iisang direksyon lamang ang pinanggagalingan ng leksyon: mula sa gurong nakatataas patungo sa estudyanteng nakabababa.
Taliwas sa aktwal na kundisyon ng tinubuang lupa, hinubog ng nasabing katuruan ang kabatiran ng mamamayan upang umakma sa industriyalisadong karakter ng ibayong bansa. Dahil hindi lapat sa estado ng bayan, nagresulta ito sa pagdagsa ng mga Pilipinong hindi tugma ang abilidad sa pangangailangan ng mga lokal na pamayanan.
Hindi nagtagal, mayorya ng mayroong sertipikasyon—partikular sa larangan ng siyensya, teknolohiya, inhinyerya, at matematika—ang lumuwas nang inilunsad ng administrasyong Marcos ang programa ukol sa pag-aangkat ng lakas-paggawa noong dekada ‘70.
Dala ng kariwasaang hatid ng mga akademikong kredensyal, nasemento ngayon ang paniwala na produktibo ang tagibang na ugnayan sa loob ng silid-aralan. Mas tuon nito ang simplistikong pagsasaulo ng datos, imbes na malikhaing pagbubunggo ng diyalogo sa eskwela. Pinaiiral sa mga mag-aaral ang pasibong pagtanggap sa isinasaling diskurso, habang tanging mga dalubhasa ang may angking oportunidad na lumahok sa intelektwal na diskusyon.
Lamang, sa ganoong pagkilala sa guro bilang katauhan ng batas sa paaralan, nababaog ang papausbong sanang komunikasyon at interogasyon ng kaalaman sa panig ng kabataan. Kinahihinatnan nito ang bulag na pananalig sa atas ng sino mang maykapangyarihan.
Kaya naman kontra sa demokratikong tunguhin ng isang pambansang pamantasan, pinagtitibay ng inilabas na Memorandum 2023-51 ang ganitong pyudal na estruktura ng edukasyon. Sapagkat sa pagmamandato ng OVPAA sa karampatang paggamit ng mga titulo sa UP, nasasalangguhitan lamang ang dibisyon ng katatayuan, imbes na lumikha ng mapagbuklod na balangkas ng pormal na pag-aaral. Nangangahulugan ito ng lubos na pagsunod at pagyukod sa katungkulan nang walang alinlangan.
Paghahagdan ng Kakayahan
Sa pinakapayak nitong kagamitan, isang mahalagang pantukoy ang titulo sa espesyal na kapasidad ng tao. Nananalaytay rito ang kredibilidad para sa salita ng eksperto. Lamang, dala ng malawakang pagdakila ng publiko, nagpanibagong-hubog ito upang ilugar ang edukado sa kolektibo: nangingibabaw kumpara sa kalakhan.
Ito ang bunga ng tinatawag na “symbolic interactionism,” isang teorya ukol sa asal ng tao alinsunod sa personal na pagtingin sa kaligiran, paliwanag ng sosyologong si Herbert Blumer. Aniya, kumikilos tayo sang-ayon sa kinalakhang pananaw sa mga bagay na nilakipan natin ng kahulugan. Mga kahulugan iyong nagmula sa araw-araw na pakikipagsalamuha. Paglaon, nagbabago ang mga kahulugang ito sa pamamagitan ng interpretasyon.
Dahil dito, tinitingnan natin ang presensya ng titulo bilang kahalintulad sa pagkakaroon ng awtoridad. Sa halip na pawang termino na sumasagisag sa espesipikong disiplina, tinatanaw natin itong simbolo ng kapangyarihan. Sa gayon, nasasapedestal ang dalubhasa nang higit sa madla, imbes na kaisa ng mamamayan.
Gayunman, humahantong lamang ang gayong pakitungo sa pagkabansot ng malayang palitan ng ideya. Sa pagtataguyod ng toreng garing ng akademya, nakukupot ang kritikal na paghulma’t pagtatasa ng impormasyon sa rurok ng mga namamahala. Ito ang kumikitil sa aktibong pakikisangkot ng mga estudyante sa eskwela.
Marapat ngayong idiin na kung ito ang nililinang na kaayusan ng UP sa kanyang nasasakupan, sadyang hindi na kataka-taka kung bakit tinitingnan ng mga Pilipino ang edukasyon bilang klase ng patimpalak. Isang kumpetisyon, imbes na kolaborasyon, para sa promosyon at balidasyon sa loob ng institusyon.
Sa konteksto ng isang pormal na tagpo, tumpak na bigkasin ang mga titulo para sa kapakanan ng seremonya’t tradisyon. Subalit labas dito, ang sukdulang pagkapit sa naabot na antas ng edukasyon ang nagkakahon sa halaga ng tao sa posisyon na ipinataw ng trabaho.
At bagaman hindi matatawaran ang pagsusumikap ng mga iskolar sa kolehiyo, mapaminsala ang palagiang paggigiit na banggitin ang kani-kanilang titulo kahit sa impormal na pagsasalo-salo. Sa ngalan ng respeto, idinidikdik ng nasabing kaugalian ang pamunuang nakasunod sa prestihiyo ng okupasyon.
Malayo sa inaasam na pagkakapantay-pantay na paggalang at pagkakataon, walang ibang pinangangalagaan ang pagkiling sa kabantugan ng titulo kundi ang pribilehiyong angkin ng mga edukado.
Pagbabalik sa Komunidad
Hindi kalabisang sabihin na sinasalamin ng Memorandum 2023-51 ang prayoridad ng UP sa unang kwatro ng taon: ang pagpapalukob sa dikta ng awtoridad at ang pambabakod sa tarangka ng akademya.
Ano mang anyo ng pagpapakete ang isagawa, mananatiling katotohanan na hango ang pagsasapedestal ng titulo sa mapagtuos na katangian ng ganitong sistema ng edukasyon. Sintomas ito ng atrasadong tindig ng pamantasan—isang pagkunsinti sa nosyon na maaaring timbangin ang tao batay sa kanyang hawak na propesyon, kaiba sa deka-dekadang panawagan ng mga manggagawa’t mag-aaral na buwagin ang gayong mapanlibak na makinarya.
Kaya kung nais talagang itulak ng UP ang pagtatatag ng espasyong bukas para sa lahat, hindi na dapat ito tumalima sa banyagang modelo ng pagtuturo. Bagkus, suriin ang alternatibong moda ng pagkatuto sa kurikulum ng mga paaralang Lumad.
Lampas sa tipikal na disenyo ng klase, dinamiko ang talakayang namumuo sa kanilang silid-aralan. Wala sa kamay ng titser ang natatanging aral na ipapasa sa kabataan. Bagkus, halinhinan ang paglalatag ng karunungan sa pagitan ng guro’t estudyante. Sapagkat salungat sa nakagawiang karera’t labanan ng mga numero’t sertipiko, hangad ng paaralang Lumad ang kapit-bisig na pag-unlad ng bawat isa sa pamamagitan ng integrasyon ng mga asignatura sa sariling kultura’t kasanayan.
Sa kaparehong malas, hindi dapat limutin ng akademya na nakatali ang kabuluhan nito sa sambayanang tumatangkilik sa kanilang institusyon, lalo’t ganap lamang na maaangkin ang tagumpay ng edukasyon kung ang pakinabang ng kalakara’y hindi limitado sa mga piling pangkat, kundi maski sa kalakhang nasa laylayan ng lipunan.
Dahil higit sa titulo, ang aksesibilidad sa pormal na pag-aaral ang kinakailangang pahalagahan, alang-alang sa mapagpalayang proseso ng pagkatuto sa loob at labas ng isang pambansang pamantasan. ●