Tiyak na raw ang inilalatag na landas ng kolehiyo para sa kalakhan: magkakasunod na hakbang ng pagpili sa kurso sa kolehiyo, pagsusunog ng kilay sa pag-aaral, at pagkamit ng sertipiko sa akademya upang tumulay sa panibagong yugto ng buhay.
Subalit para kay Leo Niel Jasper Sese, 25, sanga-sanga ang direksyon na maaaring sundan ng mga estudyante sa pamantasan. Sapagkat kaiba sa ideya ng karera, kanyang iginiit na kinakailang magsilbing suporta ang edukasyon upang bigyang-pagkakataon ang lahat na makapagpasya.
Taong 2015 nang pumasok si Leo sa UP Diliman bilang mag-aaral ng BS Computer Science. Bagaman hindi ito kabilang sa mga binalak niyang susuging disiplina, ipinagpatuloy niya ang larangan dala ng kagustuhan ng kanyang pamilya. Dagdag pa ang impresyon na malaki ang kita kung may kaugnayan sa teknolohiya ang degree, sinikap niyang kumpletuhin ang pinasukang kurikulum kahit iba ang napupusuang kasanayan.
Lamang, makaraan ng ilang semestre, napagdesisyunan niya nang umalis sa nasimulang programa. “Na-realize ko na kung hindi talaga para sa iyo ang kurso, hindi ito para sa iyo,” aniya. “Bukod sa bagsak na grado, nariyan din yung mababang motibasyon.” Kaya kipkip ang kaba sa isinagawang pagtaliwas sa inaasahang daan para sa kanya, lumipat si Leo sa BA European Languages noong 2018.
Subalit sa halip na umagapay sa kanyang pakikipagsapalaran, pinuna ng mga kaanak ni Leo ang kanyang katagalan sa unibersidad. Dinagsa siya ng mapang-usisang katanungan; ikinumpara sa mga kakilalang nakapagtapos at nakapagtrabaho na sa ilalim ng mga kumpanya. Hindi nagtagal, nagdulot ng matinding pagdududa ang kaliwa’t kanang pangmamaliit sa kanyang kapasidad bilang estudyante.
Produkto ang gayong istigma ng limitadong disenyo ng pagkatuto, kung saan inaasahan ang lahat na makasabay sa paspasang moda ng pag-aaral at pagtatapos. Dahil bunga ng pangakong kariwasaan ng diploma, nauuwi sa pawang paunahan ang pagkamit ng titulo sa unibersidad. Higit itong sinalangguhitan nang tumama ang pandemya, lalo’t naputol ang harapang pakikipagsalamuha ni Leo sa komunidad ng UP—ang kanyang pangunahing karamay tuwing binabagabag ng agam-agam sa inaasam na pagtatapos.
“Kumpara sa face-to-face, napaka-robotic ng routine ng online setup: log in, raise hand, chat, unmute, mute, log out, repeat,” saad niya ukol sa dinanas na remote learning. “Kinukumpleto mo na lang basta ang mga kahingian ng klase, kahit napapatanong ka na kung ano pa ba ang saysay ng lahat.”
Gayunman, hindi naniniwala si Leo sa bisa ng ganoong uri ng kaayusan, lalo’t panawagan niya ang pantay na oportunidad sa lahat na makapag-aral. Salungat sa isang patimpalak, idiniin niya na dapat pakatutukan ang aksesibilidad ng mga silid-aralan nang walang tinitiktikang deadline sa usad ng mga estudyante.
Pitong taon mula nang makipagsapalaran sa UP, ganap na ring nakapagmartsa si Leo upang magsablay ngayong Hulyo 30. Bitbit ang adhikaing hindi kailan man mawawaglit ng oras, kanyang ipinahayag: “Marami tayong pagdadaan bilang iskolar ng bayan—sa loob at labas ng akademya—ngunit kinakailangan nating maging matatag upang magbalik sa komunidad. Saan man, hindi tayo nag-iisa.” ●