Tirik ang araw, tila hiningahan ng dragon ang paligid sa init, ngunit binagtas ni Badong ang kalye ng Maynila, kasama ang pailan-ilang naglalakad. Suot niya ang gula-gulanit na tsinelas at mask na araw-araw niyang ginagamit mula pa nang kumalat ang mga balita tungkol sa coronavirus noong Enero.
Ang ikinatahimik ng paligid ay siya namang ingay ng isip ni Badong; paano kaya itatawid ang bukas? Tanging pagpe-pedicab ang ikinabubuhay niya para sa tatlong anak, at isa siya sa mga manggagawang naunsyami ang pagpasok ng kita pambili ng pagkain dahil sa ipinatupad na lockdown sa lungsod.
Naputol ang pag-iisip at paglalakad ni Badong nang huminto ang isang sasakyan sa kanyang harap, bumaba ang bintana, “Badong, saan ka papunta?” tanong ng kapitbahay na si Arturo, isang inhinyero at ang madalas na nag-aabot ng tulong sa pamilya ni Badong.
“Engineer! Diyan lang po sa may baranggay. Mayroong pinamamahaging relief sina kapitan. Kayo po ba?”
“Papunta lang sa grocery. Gusto mong daanan kita pagtapos para sabay na tayong umuwi?”
“Talaga ba? Sige po, Engineer. Salamat!” Umalis ang sasakyan papuntang grocery, at nagpatuloy si Badong upang makakuha ng ayuda.
Mahaba na ang pila nang makarating siya sa baranggay. Matiyaga pa rin siyang pumila, nagdadasal na makaabot sa kanya ang suplay. Noong nakaraan, nakakuha sila ng isang plastik na naglalaman lamang ng tatlong instant noodles, dalawang pakete ng kape, limang lata ng sardinas, at dalawang kilo ng bigas—kulang na kulang para sa higit isang linggo.
Pagkatanggap ng plastik, agad na sinilip ni Badong ang laman—kaparehas lang ng dati. Napakamot-ulo si Badong, paano kaya patatagalin ang nakuha? Sumagi sa isip niya si Arturo, malamang marami iyong pinamili. Sana may sobra. Biglang nanliit si Badong, masyado na siyang maraming hiningi, nakakahiya.
Habang nag-iisip ay nakita niya si Arturo, papalapit. Tinignan ng inhinyero ang loob ng plastik ni Badong, “Kapitan, parang kakarampot naman yata ng ayuda? Kasya ba ‘to sa dalawang linggo?” Ani Arturo.
“Makuntento na lang ho tayo. May mayayaman naman diyan na maaaring mag-donate,” sagot ng Kapitan, tinutukoy siya.
“Ba’t sa amin niyo naman po inaasa ang kakulangan ng namamahala? Hindi ho ba’t trabaho niyo ‘yan? Ang islogan niyo pa nga sa eleksyon ay, ‘Kapitan Tino, Sagot Ko Kayo.’”
Sumabat si Badong na nainis na rin, “Ano pa ho bang silbi niyo sa pwesto kung ang tumutulong naman sa amin ay sina Arturo, at kayo naman ay nanonood lang hanggang mamatay kami sa gutom?”
Tumitindi ang tensyon sa baranggay hall. Maging ang dating mga nanonood lang ay nagbubulungan na rin, tinatasa ang namamahala kung karapat-dapat ba sila sa pwesto, at kung ganito ba ang dapat nilang matanggap na serbisyo mula sa kanila.
“Hoy! Kayong dalawa! Magsi-uwi na kayo kung ayaw ninyong makulong!” Biglang sigaw ng pulis mula sa labas ng baranggay hall, inaawat ang nag-aambang kaguluhan.
Marami pang gustong sabihin si Badong, gayundin si Arturo at ang iba pang ka-baranggay na nagising sa katotohanan, ngunit hindi siya pwedeng makulong, sa kanya umaasa ang naghihintay na pamilya. Lumabas sila ng gusali at tinapik siya ni Arturo sa balikat. Wala nang hiya, ngunit kailangan ni Badong mabuhay. ●
Basahin ang pangalawang parte.
Unang inilathala noong Abril 13, 2020.