Alas-otso pa lamang ng umaga, abalang-abala na ang mag-asawang Badong at Marites sa paghahanda ng makakain ng kanilang pamilya. Habang nagkakape’t nakikinig ng balita sa radyo ang dalawa, nag-aasikaso naman ang kanilang mga anak para sa online classes.
“Tes, aalis muna ako, ha? Ilalabas ko yung pedicab, baka may masaktuhan akong pasahero,” paalam ni Badong.
Delikado sa labas dahil sa tumataas na kaso ng COVID, ngunit kailangang umalis ni Badong para may pambili sila ng pananghalian at hapunan. “O sige, basta mag-iingat ka, wag ka ring magpapaabot ng curfew sa daan,” bilin ni Marites.
Sinuot ni Badong ang face mask na halos dalawang araw niya nang ginagamit, at face shield na marami na ang gasgas at nakapanlalabo na ng paningin. Imbes na palitan nang bago ang mga ito, ang ipambibili dapat sa mga ito ay mas mainam pang gamitin na lang pambili ng pagkain, at pambayad sa upa, kuryente, at tubig.
Bago mag-lockdown, kumikita siya ng halos P300 sa isang araw. Ngayon, dahil sa tumal ng pasahero, P150 hanggang P100 na lang ang kanyang kinikita. Tulad ng sitwasyon ng lockdown noong nakaraang taon, sa eksaktong buwan at panahon, ngayon ay babagtasin na naman ni Badong ang maalinsangang lansangan habang isinusugal ang sarili sa banta ng COVID, para lamang may maipakain sa pamilya.
Sa isang araw, lima hanggang 10 tao na lang ang nagiging pasahero niya dahil karamihan ay naka-work from home ulit. Nabawasan din ang oras ng kanyang pamamasada dahil nag-curfew pa. Habang nililinis ni Badong ang pedicab, isinabit niya ang maliit na radyo at muling nakinig sa balita. Umaasa siyang kahit isa man lamang sa ibinoto nila ay mahabag kahit kaunti at biglang magbigay ng ayudang sasapat sa buong lockdown.
Napakunot ang noo ni Badong nang marinig sa radyo na higit na pala sa sampung trilyon ang inutang ng Pilipinas. Wala man lang ipinamahaging ayuda ang gobyerno ilang araw bago magpatupad muli ng lockdown—tanda ng kawalan pa rin ng plano nitong tugunan ang krisis pangkalusugan. Sinundan pa ang balitang ito ng anunsyong makakatanggap na lamang ng P1,000 ang bawat indibidwal at hindi lalampas sa P4,000 kada pamilya, mas maliit kumpara sa nakaraang taon na nagkakahalaga ng P5,000 hanggang P8,000.
Dahil sa lockdown noong 2020, nagkaroon ng biglaang pagtaas ng mga bilihin sa merkado. Kaya kahit ang P8,000, hindi sumapat sa higit pang dalawang buwan nang pagkaka-lockdown noon. Idagdag pa na matagal ang naging distribusyon nito, maging ng mga relief goods.
Nagbaka-sakali si Badong na may maisakay na pasahero sa may barangay hall, kaya pumasada siya papunta rito. Itinabi ni Badong ang pedicab. Napailing si Badong dahil sa nakita sa paligid. Bagaman wala pa ang eleksyon, maraming tarpaulin na ang nagkalat sa paligid na puno ng mukha ng mga pulitiko.
Nakita ni Badong na may mga nakapila sa barangay kaya lumapit siya rito. “Ano pong pinipilahan ninyo, tatay?” tanong ni Badong sa lalaking aligagang mag-asikaso ng ID at birth certificate. “Ayuda, iho. Magbabaka-sakali lang para may maipakain sa pamilya. Wala kasing pasada ngayon yung ruta ng dyip namin,” sagot ni tatay.
Mahaba ang pila, tirik ang araw, at di pa nakakakain ang mga nakapila para lamang mauna rito kaya maraming na ang nagsisimulang magreklamo. May mga usapan tungkol sa kakarampot na makukuha nila, pero ayos na rin, basta meron.
“Maghintay na lamang po kayo. Makakarating naman ang ayuda sa mga tahanan ninyo. Kaya maigi na ayusin muna ninyo ang identification ninyo,” sagot ng kapitan habang nagkakamot ng ulo, sinusubukang pakalmahin ang mga galit at naiinip nang mga tao.
Napabuntong-hininga na lamang si Badong at ang iba pang nakapila. Ano pa nga ba ang magagawa? Pumila na rin si Badong, ite-text na lang niya kay Tes ang mga requirement para dalhin sa kanya. Hindi na halos masunod ang tamang social distancing, mayroon na ring mga nagbababa ng mask dahil sa init, ngunit sa pagkakataong ito, higit sa takot sa virus, ay takot sa pagkagutom. Wala namang mawawala alinman ang piliin, parehong inilulubog ni Badong at ng mga taong piniling manatili sa bahay ang isang paa sa kumunoy. ●
Basahin ang unang parte.