Kadalasang lulan ng bawat gusali ng mga kolehiyo sa UP Diliman ang mga estudyanteng nagsasama-sama sa mga tambayan matapos ang mahabang araw ng klase. Sa mga munting espasyo panandaliang lilimutin ang pagod sa buong araw; papawiin ang hapo sa pamamagitan ng kaunting pagsasalo, biruan, kwentuhan at damayan.
Dati ring naging espasyo ng mga organisasyon sa UP ang mga kubo ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, tambayan sa tapat ng Plaridel Hall, at sa mga sulok ng malawak na gusali ng Vinzons Hall. Lumalagos sa mga munting espasyong ito ang samotsaring diskusyon, pagpaplano sa mga ilulunsad na aktibidad, o tagisan ng mga ideya at pagsusuri sa kalagayan ng lipunan.
Kilala ang UP orgs sa kolektibo nitong pagsulong sa mga gawaing naglalayong magorganisa ng kabataan tulad ng mga mass organization at advocacy organization. Patunay ang pag-iral ng mga samahang ito sa masikhay na pagpukaw, pagmulat, at pagkilos ng mga iskolar ng bayan na makilahok sa mga usaping panlipunan at manilbihan para sa ikabubuti ng bayan.
Matatalunton ang pinagugatang radikal na tradisyon ng mga organisasyon ng UP sa mahabang kasaysayan ng pagkakaisa ng mga mag-aaral nito. Panahon ng Batas Militar nang gawing lunsaran ng mga estudyante ang Academic Oval para sa mga martsa at protesta upang igiit ang kanilang demokratikong karapatan, at labanan ang mapang-abusong rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Sa matagumpay na paglunsad ng mga kampanya, naitatag rin ang mga pampulitikang organisasyon gaya ng Youth for Nationalism and UP orgs Democracy (YND) na mayroong antiimperyalistang tindig.
Paglaon, nanatili at naging kultura ang pagsasagawa ng educational discussions, pakikisangkot sa mga kilos-protesta, at paglubog sa mga komunidad upang makipamuhay sa masa. Ang mga aral at karanasang napupulot lampas sa klasrum ang nagmulat sa mga estudyante ng UP hinggil sa mga panlipunang sakit na umiiral sa kasalukuyan.
Ngunit unti-unting nawala ang mga kagawiang ito nang dumating ang pandemya. Ang mga pampublikong espasyo sa mga gusali ng pamantasan ay nauwi sa pagtitig sa iskrin at mga online na daluyan ng komunikasyon na nakaapekto sa pagkilos ng mga organisasyon sa UP.
Nanamlay ang dating masisiglang pasiklaban at aktibidad ng mga estudyante nang malimita na lamang sa social media ang interaksyon ng bawat isa. Natali ang mga mag-aaral na baybayin ang pag-aaral sa UP nang mag-isa dahil sa remote learning. Sa maraming estudyante, nangibabaw ang krisis pampinansyal, mental at pisikal na nagpalubha sa pag-iisa sa kanilang buhay sa UP.
Sa pagpapanumbalik ng mga face-to-face na klase at aktibidad sa pamantasan, hamon na muling buhayin ang masiglang kultura ng mga organisasyon sa UP. Bilang mga iskolar ng bayan, nakataya sa ating mga estudyante ang kapit-bisig na pakikipaglaban na magpapanalo sa karapatan ng bawat isa.
Natunghayan sa mga organisasyong ito ang pagpupursiging salagin ang anumang uri ng pananamantala. At sa panahon ng ligalig, ang hamon na ito ang patuloy nating haharapin. ●