Kung bibigyan ng pagkakataon, pipiliin ni Kalay Bertulfo na manatili bilang siyentista sa bansa kasama ang pamilya at mga mahal sa buhay. Ngunit batid ang limitadong espasyo at oportunidad, nananatili siya sa Estados Unidos, kung saan mas uunlad siya bilang dalubhasa.
“I guess I always wanted to be at home or in the Philippines. But it’s just, where am I gonna learn and develop and grow as a scientist?” aniya. Walong taon nang nasa US si Bertulfo at kasalukuyang nagtatapos ng doctorate degree ng Biological Sciences sa Columbia University.
Sa State of the Nation Address ngayong taon, ibinida ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 44 na siyentistang bumalik sa bansa sa tulong ng Balik-Scientist Program ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya (DOST). Kabilang ito sa plano ng administrasyong pagsuporta at pagpapalaki ng pondo para sa pananaliksik at imprastraktura.
Ngunit taliwas sa ipinapangakong kaunlaran ang kasalukuyang lagay ng sektor, ayon kay Chuckie Calsado, chairperson ng Advocates of Science and Technology for the People (AGHAM). “Throughout his term, we have witnessed no tangible improvements in funding for research and development, the welfare of scientists, science education, or the implementation of science-based policies.”
Kaya hindi masisisi si Bertulfo at mga kapwa siyentistang naghahanap ng oportunidad kung saan natutumbasan ng akmang sweldo, benepisyo, at pagpapahalaga ang kanilang husay. Sa umiiral na kalagayan ng sektor ng mga siyentista sa bansa, hindi basta babalik ang mga eksperto kung lantad ang kawalang solusyon sa mga problemang gobyerno mismo ang gumawa.
Paglalahad ng Suliranin
Bagaman binuo ang Balik-Scientist Program upang lunasan ang brain drain, o ang paglisan ng mga eksperto upang mangibang bansa, marami pa rin sa mga siyentista ang pinipiling umalis sa Pilipinas.
Isinabatas ni Rodrigo Duterte taong 2018, binibigyan ng Balik-Scientist Act ng insentibo at benepisyo ang mga ekspertong uuwi sa bansa. Kabilang rito ang pagsagot ng pamasahe sa pagbalik sa bansa, medikal na gastusin at dagdag pondo sa kanilang mga proyekto at pananaliksik.
Sa ilalim ng termino ni Marcos Jr., tinitingnang itaas ang insentibo upang mahikayat pa ang maraming siyentista na umuwi sa Pilipinas. Liban sa dagdag na allowance, pinangako niyang matatanggap ng mga siyentista ang mas malawak na koneksyon sa mga institusyon para sa pananaliksik at mga kagamitan sa laboratoryo.
Ngunit higit pa sa mga insentibo at benepisyo ang kinakailangan ng mga siyentistang malaon nang nagdarahop buhat ng kalagayan ng agham at teknolohiya sa bansa.
Estudyante pa lang si Bertulfo sa UP Los Baños, nasilayan na niya ang mga kahirapan ng mga siyentista sa bansa. Dahil sa kakulangan ng pondo, kinailangang maghati ng buong klase sa limitadong gamit sa laboratoryo. Minsan, mga guro pa mismo ang gumagastos para sa mga kailangang kagamitan ng klase.
Ipinagpatuloy ni Bertulfo ang kanyang pag-aaral sa UPLB para sa kanyang master’s degree habang nagtatrabaho bilang instructor sa unibersidad nang alukin siyang maging iskolar sa Pennsylvania State University.
“I wanted to grow more as a scientist. I guess, connected to that is really the economic factor as well because it’s a bit more stable here. And I get to support myself while studying through the university stipend,” ani Bertulfo.
Bumalik sa Pilipinas si Bertulfo nang matapos niya ang degree sa US, ngunit napagtanto niyang walang espasyo at akmang trabaho para sa kanya sa bansa.
“When I came back, I didn't really know what to do with the degree because [there were] no opportunities for us to use it. So, most of my friends who worked on the same scholarship ended up going back abroad.”
Inaasahang tataas sa mahigit 430,000 siyentista, inhinyero, at eksperto sa matematika ang kailangang punan ng bansa sa 2025, ayon sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies. Sa kakulangan ng mga eksperto, hindi natutugunan ang mga problema sa mga industriya sa bansa at nababaog na lamang ang pag-unlad ng mga ito.
Patuloy na umiiral ang brain drain, isang indikasyon na hindi nakasasapat ang Balik-Scientist Program sa pagpapanatili sa mga siyentista sa bansa. Inaasahan ito, gayong resulta ang programa ng deka-dekadang kakulangan ng gobyerno sa pagpapaunlad sa sektor ng agham at teknolohiya.
Maling Hinuha
Bagaman makatutulong ang pagbabalik ng mga siyentista sa bansa, nababaog ang programa dahil hindi nito nilulutas ang pinag-uugatan ng problema.
“Iyong Balik-Scientist Program is a response to the systematic effort of pushing out our countrymen. We will not write those kinds of laws if, in the first place, we were able to give ample opportunities,” ani Calsado.
Malaking salik ang pagsasabatas ng dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr. sa Labor Export Policy noong 1974 sa pagbaba ng bilang ng mga eksperto sa bansa, ayon kay Calsado. Sa ilalim ng polisiya, naging teorya na ang susi sa pagpapalago ng ekonomiya ay ang mga Pilipinong magtatrabaho sa ibang bansa at magpapadala ng pera sa naiwan nilang pamilya. Nagresulta ito sa pag-alis ng maraming ekspertong makatutulong sana sa pag-unlad ng sariling industriya ng Pilipinas, kaya sa sunod na taon, nilunsad ni Marcos Sr. ang Balik-Scientist Program.
Halos limang dekada makalipas ng pagpapatupad sa Labor Export Policy, nagpatuloy lamang ang problema sa kakulangan ng mga eksperto sa bansa hanggang sa muling pag-upo ng isang Marcos sa kapangyarihan.
Mayroon lamang 189 na siyentista sa bawat isang milyong Pilipino ayon sa tala ng National Academy for Science and Technology noong 2019. Malayo ito sa rekomendasyong 380 siyentista kada isang milyong katao upang isulong ang pag-unlad ng agham at teknolohiya.
“Isang malaking irony na ang ganda ng budget doon sa balik-scientists while our scientists here in the Philippines are toiling. Nag-aaral [sila] para maging expert pero napakaliit ng budget para sa kanila—delayed ang sweldo, walang benepisyo at hazard pay,” ani Calsado.
Hirap paunlarin ang sektor ng agham at teknolohiya sa kakarampot nitong pondo. Malayo sa rekomendasyon ng United Nations na maglaan ng isang porsyento ng gross domestic product para sa sektor, 0.3 porsyento lamang ang alokasyon ng gobyerno ngayong taon. Malaking dagok pa para sa mga siyentista ang kabi-kabilang pagtapyas sa pondo ng DOST sa susunod na taon, kung saan nasa P541 milyon ang maaaring mabawas sa mga ahensya at progama ng DOST, kabilang na ang Philippine Science High School System, ayon sa National Expenditure Program.
Kung patuloy na ipagkakait ang kinakailangang pondo sa siyensya, marami pa ang makakaranas ng mga problemang nasaksihan na ni Bertulfo mula pa noong nasa kolehiyo siya. Hanggang ngayon, nananatiling kapos ang mga kagamitan sa laboratoryo, hindi naaarok ng mga estudyante ang buong potensyal ng pagkatuto, mabagal at di nakabubuhay ang sahod ng mga manggagawa sa agham.
Lapat ng Pagsusuri
Hindi matatawaran ang pagsusumikap ng mga umuwing siyentista na magserbisyo para sa kaunlaran ng bansa. Ngunit di mawawala ang masalimuot na realidad nilang paghihikahos na masuportahan ang sarili at pamilya.
Bagaman maganda ang tunguhin sa pagpapalakas ng mga programa ng DOST, marapat na magsimula ang pagwawasto sa pagpopondo sa edukasyon at agham at teknolohiya. Halimbawa ang pagpaparami ng scholarship slots para sa mga kurso ng agham at ang pagkuha ng mas maraming siyentista sa ilalim ng Science and Technology Fellows upang siguruhin ang siyentipikong batayan ng mga batas.
Isinusulong din ng AGHAM ang pagpapalakas sa mga lokal na industriya ng bansa upang lutasin ang kawalang trabaho ng mga siyentista. Sa ganitong sistema, aktibo silang makakapagbahagi ng kaalaman tungo sa pagpapaunlad ng agham at teknolohiya.
Hangarin ng mga siyentistang tulad ni Bertulfo na dumating ang araw na hindi na nila kailanganing magdalawang-isip sa pananatili sa bansa.
“To me, this is not a choice. It’s like I was forced to leave because the situation back home was not suitable for what I wanted in terms of my career as a scientist. But if I have an option not to [leave] because scientists and science in general are well-supported in our country, I would definitely stay,” ani Bertulfo. ●