Iginiit ng UP Diliman (UPD) University Student Council (USC) na kailangan nang tugunan ng administrasyon ang mga isyu tungkol sa kakulangan ng mga espasyo para sa mga estudyante matapos iulat ng konseho na limitadong silid na lamang ang maaaring magamit ng mga organisasyon sa Student Union Building (SUB).
Pahirapang makakuha ang mga estudyante at org ng silid sa SUB dahil pito lang sa 12 silid ang maaaring magamit ng mga org sa pang-apat na palapag ng gusali, ayon sa USC.
“It defeats the purpose of having a Student Union Building, when students themselves cannot enjoy the spaces they should be having. Sobrang disservice sa students [nito], na dapat nakakagamit tayo ng buildings na ‘to,” ani Latrell Felix, tagapangulo ng USC.
“An ideal venue for student activities” ang naging paglalarawan ni dating UP President Danilo Concepcion sa SUB noong buksan ito taong 2022. Ginawa ang pitong-palapag na gusaling ito para sa USC, Philippine Collegian, Office of Student Projects and Activities (OSPA), University Food Service, at student orgs.
Madalas ginagamit ang SUB ng mga org ngayon para sa mga forum, general assemblies, at org events.
Bukod sa mga activity room sa pang-apat na palapag, tanging Alcantara Hall at meeting room sa pangatlong palapag ang maaari magamit ng mga estudyante. Lumalabas na sa halos 200 na mga org sa UPD, walong silid at isang bulwagan lamang ang maaaring magamit ng mga estudyante sa SUB.
Ito ay dahil inookupa ng mga opisina ng UP ang SUB. Ginagamit naman ng TVUP ang buong ika-limang palapag ng gusali. Samantala, sa SUB din nakadestino ang opisina ng mga sectoral regent, UP Ugnayan ng Pahinugod Diliman at System, Diliman Learning Resource Center, at Diliman Gender Office.
“Sobrang labo ng jurisdiction ng SUB kung nakanino siya. Kahit na [na-turnover] na siya ng UP System, we’re still confused [kasi] mayroong ginagawa yung system-wide sa 5th floor [at] 6th floor na hindi alam ng Diliman,” ani Felix.
Hindi lamang kakulangan ng espasyo sa SUB ang problemang kinakaharap ng mga org. Buhat din ng kakulangan ng espasyo, nagkakaroon ng kompetisyon ang mga org sa kung sino ang nararapat magkaroon ng tambayan sa Vinzons Hill.
Halimbawa na rito ang pagkawala ng tambayan slots para sa provincial orgs dahil sa depektibong sistema ng pagbibigay ng slots, ayon kay Andrea Veah Alcantara, tagapangulo ng UP Batangan, na isang academic at socio-civic org para sa mga taga-Batangas.
Hindi madali ang proseso ng pagkuha ng tambayan slot, lahat ng aplikasyon ay dadaan muna sa Tambayan Committee. Kasama sa criteria ng pagbibigay ng slot ang mga proyektong naipatupad ng mga org sa nagdaang taon.
“Tunay na nakakaapekto ang hindi pagkakaroon ng isang lugar inside the campus, humahadlang ito sa pagsasagawa ng mga aktibidad na nakasentro sa welfare ng mga miyembro ng organisasyon katulad ng mga meetings, kasiyahan, events, at advocacy campaigns,” ani Alcantara.
Dahil sa kawalan ng tambayan, madalas pa rin gamitin ng UP Batangan ang SUB kahit na maraming org ang nag-aagawan sa pagkuha ng silid sa gusali. Buhat ng kawalan ng mga iba pang pasilidad na maaaring magamit nang libre, tinitiis na lang nila ang proseso ng pagkuha ng silid dito para lamang magawa ang kanilang mga aktibidad.
Kinakailangang magpareserba muna ng mga org sa OSPA kung gusto nilang gumamit ng silid sa SUB. Paunahan ang karaniwang nangyayari dito dahil sa sistemang first-come, first-served sa mga silid.
Binanggit naman ng USC na nakasalig ang kampanya nila sa #OccupySU ng UP Los Baños USC kung saan naging matagumpay ang USC sa pagiging co-managers ng kanilang SUB.
Hiniling din ng konseho sa administrasyong UPD na magkaroon ng isang diyalogo tungkol sa paglalaan pa ng mas maraming espasyo para sa mga nasa komunidad ng UP. Gayunpaman, nananatiling walang tugon ang administrasyon ng UPD.
“Ang mga mag-aaral at mga organisasyon ay mayroong karapatang magkaroon ng free spaces sa campus sapagkat responsibilidad ng unibersidad na siguraduhin ang accessibility ng mga lugar sa loob ng campus,” ani Alcantara. ●