Karaniwang makapangyarihan ang mga Maria sa mga kwentong bayan. Ngunit ibang naratibo ng mga Maria ang umiiral sa kasalukuyang panahon: naratibo ng pagkabiktima sa sistemikong pandarahas, di matapos-tapos na paghihinagpis, at pagdadalamhati sa nananaig na inhustisya.
Sentro sa naratibo ng tatlong ina na nagngangalang Maria, binalikan ng dokumentrayong "Maria" ang madugong digma laban sa maralita na pinasinayaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Unang ipinalabas sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival ngayong taon, sinundan ng "Maria," sa direksyon ni Sheryl Rose Andres, ang kwento nina Mary Ann Domingo, Maria Deparine, at Maria Leonor “Leni” Robredo bilang mga biktima ng administrasyong Duterte.
Aabot sa higit 30,000 kaso ng pagpatay kaugnay ng digma kontra droga ang naitala ng mga human rights group sa pagtatapos ng rehimeng Duterte. Bilang mga pangunahing tagapagsalaysay, hindi ikinubli nina Domingo at Deparine ang hinagpis nang masaksihan ang madugong pagpaslang ng estado sa kanilang mga mahal sa buhay.
Malalamang sa apat na opisyal na nililitis sa pagpatay sa mag-ama ni Domingo, lahat ay nananatili pa rin sa serbisyo. Gayundin, nananatiling mailap ang hustisya para kay Deparine sa magkahiwalay na pagpaslang sa kanyang dalawang anak noong 2016.
Sistematikong karahasan ang nag-uugnay kina Domingo at Deparine bilang mga ina, asawa, at babae—bagay na hindi naitampok sa dokumentaryo. Sa naratibo ng digma kontra droga na itinutok ng estado laban sa maralita, mahalagang isiwalat ang ugnayan ng iba-ibang porma ng pandarahas na patuloy na kinakaharap ng kababaihan sa kasalukuyan.
Dahil pumapailalim sa pasismo ang institusyon ng awtoridad, napapanatili ang pang-aapi, at pinaiiral ang kawalan ng katarungan laban sa mamamayan. Ang mekanismo ng pagpatay ng estado, tulad ng drug killings, ay isa lamang sa paraan nito upang supiliin ang kalayaan ng kababaihan para sa makatarungang pamumuhay, ayon kay Lola Olufemi, isang peminista sa Inglatera.
Sa pagkasadlak sa krisis sa ekonomiya noong rehimeng Duterte, lalong naging mahirap para sa mga maralitang ina na makamit ang makatarungang kalidad ng buhay—yaong buhay na higit lamang sa pawang paggawa para mairaos ang pamilya. Sa pagdalumat sa landas ng paghahanap ng katarungan para sa mga biktima ng war on drugs, mahalagang kilalanin ang epekto ng malalim na inhustisya sa makauring opresyon na nananalaytay sa lipunan.
Higit sa pang-ekonomikong katarungan, ang tuluyang paglansag sa umiiral na panlipunang sistema na nagpapanatili sa karahasan ang magpapalaya sa pang-aaping nakabatay sa kasarian at uri, ayon kay Olufemi. Dahil sa lipunang mayroon tayo, patuloy lamang na pagkakaitan at pagnanakawan ng estado ang mga maralitang ina, tulad nina Domingo at Deparine, ng karapatan sa makataong at malayang pamumuhay.
Matagumpay ang "Maria" sa paglahad ng naratibo ng kababaihang madalas isinasantabi ng marahas na lipunan. Gayunpaman, hindi sapat na maibahagi lamang ang tunay na danas sa pagbuo ng mapagpalayang dokumentaryo. Higit sa wastong pagkakaroon ng mga biktima ng sariling pasya na isalaysay ang kanilang kwento, mahalagang dinadala ng mga dokumentaryo ang naratibo at manunuod sa pagkamulat sa kakayahang lumaban ng mga api.
Wala sa iisang Maria ang mukha ng pag-asa at pagsulong—linyang ikinabit ng dokumentrayo kay Robredo. Ang ganap na paglaya ay nasa mga pangkaraniwang Maria: silang sama-sama at tuloy-tuloy na kumikilos kasama ang iba pang sektor ng mamamayan upang umaklas. Dahil totoo, umiiral ang mga kwento ng mga Maria sa ating bayan. At mahalagang ikintal na nasa ordinaryong mamamayan ang kapangyarihang lumaban at magpanagot sa mga pwersang patuloy na nandarahas sa bayan. ●