Binabagalan ko na ang paglalakad tuwing nasa UP. Hindi na ako kumakaripas ng takbo, nakikipaggitgitan, at tumatapak sa pamantasan na para bang pasan ko ang mundo. Ang nakakainis pa, madalas kong nahuhuli ang sarili kong nagbabasakaling makita ka sa mga nakakasalubong kong estudyante sa Sunken Garden.
Sa totoo lang, hindi ko inaasahan na iyon ang unang pag-uusap natin. Lagi mo akong kinakawayan tuwing mapapadaan ako sa AS Lobby, pero ewan ko rin sa ugali ko at palagi kitang sinisimangutan. Ito kasi sana ang gusto kong mangyari: Maaliwalas ang panahon, at ang mapapansin mo gitna ng mga nagkukumpulang estudyante ay walang iba kundi ako—maganda, nakatulog ng walong oras, at mala-anghel ang itsura.
Pero araw-araw ata akong mukhang isang stress na tinubuan ng katawan, kahit noong araw na nilapitan mo ako. Bukas pa noon ang bag ko sa pagmamadali, bakas na bakas ang eyebags, at may permanenteng simangot sa mukha. Naiwan ko rin ang payong ko sa pagmamadali dahil lagpas na ako sa grace period ng una kong klase nang makarating sa UP. Hindi ko tuloy alam kung saan mo ba nakuha ang lakas ng loob na lapitan ako.
“Alam mo ikaw yung iiwasan kong kaklase sa walking for fitness,” pang-aasar mo pa sa unang pag-uusap natin–sobrang layo sa inaasahan kong mauutal ka dahil sa kagandahan ko, o isang romantic confession na ikaka-viral natin sa Internet. Medyo hinihingal ka pa nga mula sa pagtakbo para maabutan ako, mukha ka tuloy na nakangiwi imbes na nakangiti.
Dala na rin siguro ng puyat ko, parehas tayong nagitla sa bigla kong pagtawa. Saglit kong nakalimutan ang nakasukbit na backpack sa mga balikat ko na mas mabigat pa sa akin, ang patong-patong kong gawain sa klase, at ang pakiramdam na lagi akong nauubusan ng oras. At nang lalong lumaki ang ngiti sa mukha mo habang maluha-luha akong tumatawa, sa mga saglit na iyon, parang ang gaan ng lahat.
Alam ko namang likas na matulungin ka sa lahat. Kaya nang sabihin mong hinabol mo ako para payungan at ihatid sa klase, pinilit ko talagang wag lagyan ng malisya. Pero hindi nakatulong na sa paglalakad natin noong araw na iyon, naibsan ang mga aalalahanin ko sa patuloy mong pagpapatawa, edi lalo tuloy kitang nagustuhan.
Hanggang ngayon, sinusubukan kong maghanap ng maipipintas sa iyo, o magsungit kapag nagkukwento ka sa akin tuwing nagkikita tayo. Ang hirap pala kasi kapag ako na ang nakatatanggap ng mga pangangamusta mo, ng mga kwento mo, ng mga ngiti mo. Lalo kong nararamdaman na hindi sapat ang oras, na ang kaunting oras na magkasama tayo ay mga pagkakataon na hinding-hindi ko sasayangin. Kaya kung sakaling mabasa mo ito, at mahulaan mo kung sino ako, wag mo na sana akong tuksuhin kapag nagkita tayo. Pagbigyan mo rin sana kapag humingi ako ng kaunting oras mo. ●
*Pasintabi sa Leanne & Naara.