Nagigipit na ang estado at desperadong inililihis ang atensyon ng taumbayan. Pamilyar ang taktikang ginagamit: kumatha ng istorya, magtalaga kung sino ang kaaway, pumosturang tagasagip ng taumbayan, at maghasik ng kasinungalingan sa mamamayan.
Gamit ang lumang iskrip, itinulak ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa isang pagdinig ang alegasyong hinihimok ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel ang kabataan para sumali sa mga komunistang grupo. Paraan ito ni Dela Rosa, bilang hepe ng Philippine National Police noong kasagsagan ng giyera-kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na tanggalan ng kredibilidad ang mga kasapi ng Kongreso na sumusuporta sa imbestigasyon ng International Criminal Court. Ngunit wala nang talab ang kanyang panlilinlang at pag-atake sa kabataan upang maabswelto ang sarili mula sa pananagutan.
Hindi na bago ang mga ganitong taktika ng estado upang yurakan ang pulitikal na pakikilahok ng kabataan. Buhat ng kumpas ng Anti-Terror Law at pagsasawalang-bisa ng mga kasunduang nagbabawal sa mga pulis at militar na manghimasok sa mga pamantasan, lalong tumitindi ngayon ang pan-re-red-tag, paniniktik, at pandurukot ng mga pwersa ng estado sa mga kabataan, aktibista, at lider-estudyante.
Malaon nang pinapalitaw ng estado na krimen ang pagiging radikal at kritikal. Kaya naman di ito nagpapalipas ng oras para asintahin ang kalayaan sa pag-iisip upang pilayin ang anumang pagbalikwas.
Sa patuloy na pagpapalaganap ng mga naratibong mapanlinlang, nangunguna ang estado sa pagpatay ng diwa ng malayang pagpapahayag at kritikal na pag-iisip. Naghahasik ito ng takot sa ating lahat, ngunit nagkakamali ang estado na kaya nitong patahimikin ang kabataan. Batbat ng krisis sa ekonomiya, edukasyon, at karapatang-pantao, itinutulak ng mga kondisyong ito ang kabataan na lumahok sa pagkilos ng mamamayan.
Mabigat ngayon ang hamon sa mga pamantasan na depensahan ang kalayaang akademiko ng mga estudyante, guro, at ng buong komunidad na bumubuo sa mga ito. Sapagkat pook ng malayang daluyan ng mga ideya at pag-iisip, nagluluwal ang mga pamantasan ng mga mag-aaral na kumikilatis at kumikilos batay sa hinihingi ng panahon. Takot na makwestyon ang kasalukuyang sistemang pinaiiral, patuloy na sisikilin ng estado ang kalayaan sa pag-iisip.
Sa konteksto ng tumitinding pag-atake sa ating mga karapatan, nagpapasubali sa sinasabi ng estado na ang progresibo ay kalaban ng taumbayan. Batid ng mga estudyante na wala nang ibang nararapat sa panahon ngayon kundi ang pagbalikwas at pagtunggali sa estadong tigib ng karahasan at paglabag sa karapatang pantao.
Kaya naman matinding kahingian sa mga pamantasan ang aktibong pagbuo ng mga mekanismong magpapahalaga sa kalayaan at seguridad ng komunidad. Nararapat ang pakikiisa ng mga pamantasan, lalo na ang UP bilang pambansang pamantasan, sa paniningil sa gobyerno sa pan-re-red-tag at pag-aatake nito sa mamamayan.
Nasa yugto na tayo ng aktibong pagdepensa ng ating kalayaang akademiko at paniningil sa administrayong Marcos. Higit pa sa patuloy nating paggamit ng ating kalayaang akademiko, at higit pa sa pagkilos at pagpapakilos, puspusan na rin dapat ang ating pakikiisa sa laban ng taumbayan—silang nasa labas ng ating mga unibersidad.
Sa ating patuloy na pangingilatis at pagtatasa, isisiwalat at tutunggaliin natin ang mga mapanghamak na mga polisiya ng administrasyon. Isiwalat natin ang kabalintunaan ng mga aksyon ng gobyerno, tulad ng patuloy nitong red- at terror-tagging sa mga progresibo sa kabila ng muling pagbubukas ng usaping pangkapayapaan. Higit lalo, ilalantad natin ang mga bitak sa tambalang “UniTeam” ng mga Marcos at Duterte–patunay na hindi paglilingkod para sa bayan ang kanilang ipinapamandilang pagkakaisa.
Sa patuloy na pagharap ng kabataan sa mga isyu ng lipunan, at sa patuloy na pakikipagtunggali at pagsisiwalat, mananatiling lapat sa katotohanan ang namamayaning naratibo–ang estado ang tunay na kaaway ng taumbayan at tayo ang magtatakda ng ating landas. Hinding-hindi ito malilihis ng kahit anong palabas ng estado. ●