Ngayong Enero, binomba ng mga militar ng Israel ang Israa University—ang huling unibersidad na nakatirik sa Gaza. Sa pagkitil ng Israel sa repositoryo ng kaalaman tulad ng mga kultural na espasyo at akademikong institusyon, intensyonal nitong binubura ang mahalagang kasaysayan ng isang lugar at hinahadlangan ang mamamayan na mangarap ng panibagong kinabukasan.
Mula Oktubre 2023, umabot na sa 27,700 indibidwal ang nasawi sa pang-aatake ng Israel sa Palestine. Bilang pakikiisa sa Palestine, naghain ng kaso sa International Court of Justice (ICJ) ang South Africa noong Disyembre 2023 laban sa henosidyo ng Israel sa mga Palestino sa Gaza. Ngunit nitong Enero, bigo ang ICJ sa paghatol ng kagyat na tigil-putukan sa Gaza.
Sa panahon ng institusyonal na pagpapanatili ng inhustisya, ang pandaigdigang inisyatiba ng mamamayan ang isa sa maaasahang suporta sa paglaban. Sa kabila ng pilit na pambubura ng Israel sa bayan ng Palestine, naging katuwang ang sining sa pagpoprotekta at pagpapaalala sa kulturang nililinang ng mga Palestino.
Sulo sa Dilim
Malaon nang instrumento sa pakikibaka ng mga Palestino ang sining para sa ganap nilang paglaya. Testigo ang panitikan at pelikulang Palestino, nangungusap at direkta ang wika ng sining sa Palestine sa kanilang pagtalakay sa mga naratibo ng paglaban sa kanilang mananakop.
Ipinakita ni Mahmoud Darwish, isang tanyag na Palestinong makata at manunulat, sa kanyang panulaan ang danas ng isang Palestinong nangangarap at lumalaban para sa ganap na kalayaan ng kanyang bayan. Sinasagisag ng linyang, “To our land, and it is a prize of war, / the freedom to die from longing and burning...” mula sa kanyang tulang “To Our Land” ang mahabang panahon ng pananabik sa muling pagkamit ng kasarinlan para sa kanyang lupang kinagisnan at kinalakhan.
Pinayabong din ng iba-ibang henerasyon ng mamemelikulang Palestino ang Palestinian Cinema sa pagsusumikap na maipalaganap ang sari-saring porma ng sining sa Gaza. Sa pagbubuo pa lamang ng produksyon, hirap na ang mamemelikulang Palestino buhat ng pampulitikang sitwasyong naglilimita sa kanilang magtalakay ng mga usaping direktang pumapatungkol sa digma at pananakop.
Sa pelikulang “The Return to Haifa” noong 1982, inilapit ni Kassem Hawal ang danas ng mga Palestino sa ilalim ng okupasyon ng Israel. Sentro ang kwento ng isang pamilyang nais bumalik sa Haifa, dating tahanan ng maraming Palestino bago ang 1948 Nakba. Hindi inilayo ng pelikula ang epekto ng digma sa bawat pamilyang Palestino na pwersang mawawaglit sa sariling bayan. Sa kasalukuyan, higit 1.7 milyong Palestino ang napaalis sa kanilang mga tirahan, habang tinatayang 360,000 kabahayan ang tuluyang pininsala ng pambobomba ng Israel.
Sa mga pader ng mga gusali at border sa Gaza, naka-imprenta rin ang sining na mga graffiti bilang tanda ng pag-iral ng mga Palestino. Sa mga okupadong bayan ng Gaza at West Bank, naging sagisag ang paggamit sa graffiti ng mga kilusang nagpapalaya sa Palestino bilang midyum ng protesta, maging anyo ng paghamon sa pang- aangkin ng imperyo sa kanilang kasarinlan, ayon sa kultural na pag-aaral sa antropolohiya ni Julie Peteet.
Mapa-tinta sa mga pahina ng libro, tagpo sa isang pelikula, o mga sulatin sa pader, namamayani sa sining ng mga Palestino ang pagpapatuloy ng Intifada ang sa pag-aklas laban sa opresyon.
Pula ang Kulay ng Pakikibaka
Nobyembre 2023 itinatag ng Publishers for Palestine ang pagkakaisa ng mahigit 400 palimbagan sa buong mundo bilang pagtindig para sa hustisya sa Palestine. Kabilang sa inisyatiba ng Publishers for Palestine ang kampanyang #ReadPalestine, isang libreng pagbabasa sa publiko ng mga akda ng mga Palestinong manunulat.
Sa pagsusulong ng isang bayan para sa pambansang paglaya sa paraang dekolonisasyon, kabilang ang sining at dunong sa mga tutunggali sa pananakop ng imperyo gamit ang kanilang impluwensiya at dominasyon, ayon sa mga sanaysay sa “Culture and Imperialism” ni Edward Said, isang Palestinong manunulat at kritiko.
Liban sa pagsusumikap na gumawa ng mga 'archive' ng mga pelikulang Palestino, libre ding ipinanood ang mga pelikulang ito sa mga komunidad at pamantasan. Inilunsad din ng UP Center for International Studies ang espesyal na kursong GS 197 o “Palestinian Justice, Settler-colonialism and State Violence Across the Globe” na nakabalangkas na talakayin ang danas ng mga Palestino at iba pang bayang nakapailalim sa imperyalistang pananakop.
Sa pagkakaisa ng mga palimbagan, artista at organisasyon mula sa iba-ibang panig ng daigdig, nailalapit sa mga komunidad ang mga sining at istorya ng mga Palestino. Sa tunguhing mapalakas pa ang panawagan, naging bahagi rin ang mga kaalamang ito sa kampanya at diskusyon sa mga demonstrasyon at pagkilos.
Para sa Luntian na Kinabukasan
Higit sa pagpapakadalubhasa sa mga akademikong institusyon, magiging kapaki-pakinabang lamang ang karunungan kung gagamitin ito upang ipagtanggol ang bayan sa panahon ng digma. Kung gayon, mahalaga ang puspusang pagtunggali sa mga baluktot na naratibong itinuturo sa mga paaralan, midya, at simbahan na nais tabunan at palitan ang kasaysayan ng pagpoprotesta ng Palestine.
Sa puntong kultura at identidad na ang binubura ng digmaan, ang tinta at panulat ay siya na ring sandata ng ating paglaban. Kaya sa realisasyong sa iisang daigdig umiinog ang siklo ng karahasan, napakikintal sa kaisipan ng mga indibidwal na tanging sa pagkakaisa lamang din ito matutuldukan.
Higit, sa mga inisyatibang naglalayong ipreserba, ipakalat, at ipalaganap sa publiko ang sining ng Palestine, kagyat din ang pagsasalin ng mga ito sa pisikal na pagpapakilos ng mamamayan. Dahil sa tuluyang paglansag sa mga pundasyong nagsusustena at nagpapalaganap ng digmaan, tanging uunlad ang mga institusyong dating binabansot ng deka-dekadang ideolohiyang humuhulma at sumusuporta sa panunupil. ●