“Sa oras lang naman ako madamot,” pang-aasar mo sa akin nang minsan kitang ayain lumabas. Pebrero na kasi at ngayon na lang kita nakita matapos ang sa halos isang buwan na finals. Hindi na nasundan ng oo o hindi ang tanong ko, ang sabi mo lang, “pagsisikapan kong makahanap ng panahon,” at doon na naiwan ang usapan. Masyado ata akong naging mapaghangad at mapang-akin sa oras mo nang huli akong magsulat tungkol sayo. Kaya heto, walang halong pagtatampo, sayo na iyang oras mo.
Sabi mo, kailangan nating matutong magpahinga at huwag magmadali. Sa pagkatali ko sa pag-aaral at minsanang pagsusulat sa pahayagan, siguro dinadala na lang ako ng bawat araw sa mga gawain. Pero mas mabigat pa nga ang bitbitin mo sa bawat araw: kung hindi ka nag-aaral o nagtuturo ng educational discussion sa mga kapwa-estudyante sa AS lobby, malamang ay nasa kung saan-saang komunidad ka upang makihalubilo sa iba-ibang sektor.
Habang natatali ang atensyon ko sa enrollment, paparating na UP Fair, at Valentines, halos markado na ata ang bawat araw sa kalendaryo mo para sa ibang mga bagay. Biro mo, paano tayo lalabas kung tila isinasabuhay natin ang panibagong sigwa ng dekada: ang patuloy na panggigipit sa mga jeepney driver, ang dumadalas na presensya ng awtoridad sa pamantasan, ang umiigting na pampulitikang hidwaan sa estado, at mga dayuhang pwersa na may kaugnayan sa lahat ng mga ito.
Minsan mo nang ipinahiwatig sa akin na baka dumating ang araw na mas madalas ka na sa labas ng UP. Humahalagpos na kasi sa mga tarangkahan ng unibersidad ang mga nais mong pag-aralan.
Bakas ko sa mga maiiksi mong kwento ang pagkasabik mong matuto—mula sa mga manggagawa na ipinaglalaban ang kanilang karapatan, mga nakasasama mong nanay sa mga komunidad na nagturo sa’yo kung paano magluto ng simpleng ulam, at kabataan na ipinagmalaki mo sa aking iglap na nakabuo ng kanta tungkol sa kanilang buhay.
Ano mang mahahalagang bagay sa mundo ay hindi maaaring madaliin—tulad ng pagkakaibigan at pakikipagrelasyon, sabi mo. Nabasa kong tanging ang pagpapahalaga sa tao ang pinakapayak na kahingian sa pagmamahal. Yaong pagpapahalaga na umuunawa sa patuloy na pagbabago ng isang tao, hinihikayat na mapanatili sa kanila ang positibong pananaw sa pagsulong sa buhay, at iniingatan ang kalayaan at kapasyahan ng bawat isa.
Wala na akong paghahangad na angkinin ang oras mo. Bakit ko naman gagawin iyon, kung sa bawat kwento mo tungkol sa iyong pagkilos ay nakikita kitang masaya, nabubuhayan ng loob na magpatuloy at magpakahusay. Kaya paumanhin kung sa saglit na mapahintulutan ng panahon na mas makilala ka, hindi ko maiwasan ang pakiramdam na sa maliit na puwang para sa ating dalawa ay kailangan kong magmadali. Pero walang kaso, unti-unti ko naman nang natututunan na pahalagahan ang mga saglit natin sa mundo. ●