Saglit tayong mapapatigil pagkarinig ng isang balita: May bangkay na namang natagpuan sa isang bakanteng lote, nakagapos ang braso, tadtad ng tama ng baril. Mapapakunot-noo, maiintriga, ngunit babalik din tayo sa ginagawa; sa dibdib ng bangkay ay may nakapatong na plakard. Noong isang araw naman, natagpuang patay ang aktibistang pinararatangang komunista.
Naririnig ang balita ng patayan kasabay ng kalansing ng tinidor at kutsara, ngunit halos wala nang ngumingiwi sa sensitibong mga detalye. Sa pagdami ng mga bangkay, naikukumpol ang bawat biktima sa mga tala at istatistika, at tuluyang binubura ang kanilang katauhan.
Kaakibat ng paglaban sa karahasan ng estado ay pakikipagtunggali rin sa mga tangkang gawin tayong manhid, mangmang at walang pakialam sa mga nangyayari. Kaya naman sa pagpapakilala ng giyera kontra droga sa mga kabataan, sinusubukang baguhin ni Randy Ribay sa nobelang Patron Saints of Nothing (2020) ang pagiging simpleng numero ng mga namatay.
Taliwas sa marahas at madugong kalikasan ng giyera kontra-droga, magaan ang naging paglalahad dito ng Patron Saints, dahilan upang mas madali itong mabasa ng mga kabataang primaryang target ng nobela. Inilahad ni Ribay ang giyera kontra-droga sa perspektiba ni Jay, kamag-anak ng isang biktima, upang ibalik ang katauhan ng namatay, ipakita ang naging buhay, pangarap, at paghihirap nito.
Kaunti ang alaala ni Jay sa Pilipinas. Isa rito ang pagkakataong nagbakasyon siya noong bata pa sa bansa: Umiyak siya dahil sa pagkamatay ng isang tuta. Habang kinatutuwaan ng mga kamag-anak ang pagiging emosyonal niya, ang kaedad na pinsang si Jun ang tanging nagpalubag sa kanyang loob. Bumalik man si Jay sa Estados Unidos, nanatili ang koneksyon niya sa bansa sa mga palitan nila ng sulat ni Jun na naging matalik niyang kaibigan—siyang nag-iisang taong nakakaintindi sa kanya. Ngunit ngayon, makalipas ang ilang taon, dumating ang balitang pumanaw na ito.
Sinubukan pang itago ng mga magulang ni Jay ang dahilan ng biglaang pagkamatay ng pinsan, ngunit bumigay din ang mga ito. Biktima ang pinsan sa giyera kontra-droga ng administrasyon, giyerang sinusulong mismo ng amang pulis ni Jun.
Para sa isang kabataang lumaki sa relatibong mas komportableng pamumuhay sa ibayong dagat, hindi lubos maintindihan ni Jay kung paano nagagawang dahasin ng gobyerno ang mamamayan nito; kung paano nananatili sa pwesto ang administrasyong pumaslang ng libo-libo. Ngunit higit, hindi niya maintindihan kung paanong naging adik ang pinsan. Matalino si Jun, mabait, at pulis pa ang tatay. Kaya naman kahit na may dalang peligro ang pagpunta sa Pilipinas, pansamantalang iniwan ni Jay ang komportableng pamumuhay sa ibang bansa upang hanapin ang katotohanan sa pagkamatay ng pinsan.
Sinubukan ni Jay na alamin ang tunay na nangyari kay Jun mula sa kanilang mga kamag-anak. Ngunit maging ilan sa kanila ay nananahimik, ayaw nang lumikha ng gulo at balikan ang trahedya. Malalaman lamang ni Jay ang sagot sa mga tanong matapos niyang pilitin ang tiyong pari na sabihin sa kanya ang totoo. Gayunman, ang pagkatuklas sa katotohanan ay hiwalay pa sa pagpapanagot sa mga maysala; hindi ito sumasapat upang tunay na bigyang kapayapaan ang naiwan ng mga biktima.
Nahanap man ng mga bida ang katotohanan, nabitin ito sa paghahanap ng katarungan para kay Jun. May pagluluksa at galit sa sinapit ng pinsan, ngunit hindi na ito tumungo sa mas malaki pang aksyon mula kay Jay at Grace, kapatid ni Jun, lalo na’t ang mga matatandang nakapaligid sa kanila ay sumuko na rin sa paghahanap ng hustisya. Para sa kanilang mga kaanak, wala nang ibang magagawa, maski para sa tiyo nilang pari na naninindigang hindi dapat mangialam ang simbahan sa estado.
Sinasalamin marahil ng nobela ang kawalang pag-asa sa pagkamit ng hustisya gayong sa dami ng mga biktima, tanging ang mga pulis na pumatay kay Kian Delos Santos pa lamang ang nahatulan ng mga korte. Totoong halos imposibleng makakuha ng hustisya mula sa estadong siya ring nagpapasimuno ng mga patayan, ngunit esensyal na maipakita sa akdang pumapaksa sa giyera kontra-droga ang paglaban ng mamamayan para sa katarungan at pananagutan.
Nagpokus ang akda sa karanasan ng isang panggitnang uring pamilya bagaman ang primaryang biktima ng giyera ay mga mahihirap, kung kaya bitin ang naging resolusyon ng mga tauhan. Bagaman nagpasya si Jay na libutin ang bansa at aralin ang kasaysayan nito, habang ipagpapatuloy ni Grace ang Instagram account ni Jun tungkol sa mga biktima ng giyera kontra droga, mananatili pa ring bulnerable ang mga mahihirap, nariyan pa rin ang sistemang nagpapawalang-sala sa mga marahas. Ipinapakita lamang nito ang pangangailangan ng mas malawak at mas malakas na pagkilos upang tuluyan nang mawaksi ang karahasan.
May hamon sa pagbibigay ng resolusyon sa akdang ang pinapaksa ay patuloy pa ring umiiral at pumapaslang ng buhay, ngunit mahalaga sa pagsusulat tungkol sa mga panlipunang isyu na maibalik, o di kaya’y mapalakas pa, ang naratibo ng mismong biktima ng karahasan, gayong sila naman ang mangunguna sa pagkilos laban sa nararanasan nilang paghihirap. Sa ganitong paraaan, maayos ding naipaparating sa mambabasa na hindi ang sari-sariling aksyon ang magliligtas sa atin, kundi ang kolektibong paglaban ng bawat isa.
Hindi man sigurado paano matatapos ang giyera kontra droga, ang karahasan, o kahit ang administrasyon ni Duterte, marapat mapagtanto nina Jay at Grace, gayundin ng mga kabataang mambabasa, sa kanilang pagkilos na titiyakin ng taumbayang hindi matatapos ang kwento hanggang hindi nagagapi ang masama. ●