Walang rason para makampante. Ngayong dinidinig na ng Korte Suprema ang mga argumento sa pagpapabasura ng Anti-Terror Law (ATL), kahingian ang mas matinding pagmamatyag, paghahanda sa anumang magiging resulta nito.
Dalawang landas lang ang maaaring tahakin ng mga mahistrado ng bansa: patunayan ang pagtindig nila para sa karapatan ng mamamayan, o pumanig sa kung sinong may kapangyarihan. Sa pagkakataong ito tunay na masusubok kung sino ang pinaglilingkuran ng mga itinalagang opisyales.
Susi ang ATL sa pagpapanatili sa kapangyarihan ng mga nakaupo pagkat ito ang magpapatahimik sa sinumang magtatangkang kalabanin sila. Dahil dito nakasalalay ang kalagayan ng mga may kapangyarihan, wasto ang mangamba dahil gagawin nila ang lahat para maipatupad ito. Batuhan man ng argumento, kaya nilang basahin ang batas alinsunod sa lohika ng gobyerno. Malaki ang tiwala natin sa kagalingan at katuwiran ng mga abogadong naghain ng petisyon laban sa ATL, ngunit hindi sa kalakhan ng mga mahistradong hirang ng pangulo.
Nagtatago sa retorika, teknikalidad, at semantiko, malaon nang ipinakita ng Korte Suprema ang pagkiling nito sa kasalukuyang administrasyon. Ang lupon na inaasahan nating magtatanggol ngayon sa ating mga karapatan ay sila ring mga taong naging bingi sa panawagan para sa pagpapalaya ng mga bulnerableng bilanggong pulitikal sa gitna ng pandemya—sila ring nakaranas ng bagsik ng batas bago pa man lagdaan ang ATL.
Ilang beses na nagpabalik-balik ang pamilya ng mga bilanggong pulitikal sa Korte Suprema upang idulog ang pagpapalaya sa kanilang mga kaanak, lalo na ni Reina Mae Nasino, noong Oktubre, para makasama ang kanyang sanggol. Matagal na nabinbin ang petisyon hanggang sa ipasa ito sa isang korte sa Maynila na di rin nakinig sa hinaing ng mag-ina. Huli na nang maisipang gumalaw ng Korte Suprema; pumanaw si Baby River nang di kasama ang ina dahil nangibabaw ang pagiging burukratiko ng mga mahistrado, kapalit ng pagiging makatao.
Gaya ng di pagdinig sa panawagan ng mga bilanggong pulitikal, binalewala ng Korte Suprema ang mga kaso ng abuso, sapilitang pagkawala, pang-aaresto at pagpatay sa Mindanao mula nang ilagay ito ni Duterte sa ilalim ng batas militar, na pinahaba pa ng tatlong taon. Konstitusyunal ang desisyong ito para sa kanila, ngunit tila nalimutan nilang isaalang-alang ang karapatan ng mamamayan na tinatapakan mismo ng batas militar. Mahigpit ang burukrasya pagdating sa mamamayan, ngunit para sa mga kalapit ni Duterte, gaya ni Arroyo, kayang-kaya nilang baluktutin ang batas. Sa mga naging desisyon ng mga mahistrado, lantad kaninong interes ang pinahahalagahan nila.
Ngunit iba ang bigat ng magiging pasya nila sa pagkakataong ito. Kung hahayaang maimplementa ang ATL, magiging hudyat ito sa tuluyang pagbabalik ng bansa sa madilim nitong kasaysayan noong dekada 70.
Kita ang orkestra ng administrasyon: sinusubukan na sa Kongreso ang pag-amyenda sa saligang batas sa bisperas ng eleksyon, ibinabalik ang batas ukol sa kung anong subersibo, pilit na ring tinatanggal ang proteksyon ng mga pamantasan mula sa pwersa ng estado, at higit, ibinabalik ang sindak at pagkatakot sa komunismo. Nasa lugar na ang mga kondisyon, ang ATL ang magiging sariling bersyon ni Duterte ng proklamasyon ng batas militar ni Marcos. Ngunit asahang mas marahas ito sa mamamayan gayong wala pa mang pormal na deklarasyon, kaliwa’t kanan na ang mga paglabag sa karapatang pantao.
Hindi na dapat pang maghintay ng mas maraming biktima o mga pagsagka sa karapatan bago tuluyang ibasura ng Korte Suprema ang ATL. Sapat nang patunay ang mga Aeta sa Zambales—hinuli at kinasuhang lumalabag sa ATL habang nagbabakwit dahil sa militarisasyon—na gagamitin ng militar at pulis ang batas upang hulihin ang sa tingin nila’y terorista kahit walang batayan. Sa mismong mga probisyon din sa ATL sumandig ang mga pwersa ng estado para arestuhin at itortyur ang mga Aeta, at ito rin ang gagamitin nilang basehan sa susunod na panghuhuli sa mga tinuturing nilang kaaway.
Hayag na ang layon at target ng mga nakaupo sa sunod-sunod na panre-red-tag at pagpapa-aresto sa mga kritiko nito, kaya hindi na dapat bigyan ng tsansa ang estado anuman ang pagpupumilit nitong sabihing para sa mabuting rason ang ATL. Habang mas matagal pang pinapairal ang batas na ito, lalong mababaon ang mamamayan sa paghihirap, kasinungalingan, pagkakakulong at patayan na pinapasimunuan ng gobyerno.
Marapat na ideklarang lumalabag sa konstitusyon ang ATL, ngunit hindi man tayo panigan ng mga mahistrado, hindi rito magtatapos ang laban dahil hindi naman tayo nagpapakulong lang sa mga mekanismo ng batas. Higit ang kongreso ng bayan, siyang hinubog ng materyal na karanasan ng ordinaryong mamamayan, kaysa mga panukalang binubuo sa bulwagang ni hindi natin mapasok o makita. ●