Sa ating Tsanselor, G. Edgardo Carlo Vistan, sa mga vice-chancellor at dekano, sa mga naging kasama ko sa Board of Judges, sa aking patnugutan, mga miyembro ng Collegian at konseho, kawani ng UP, at mga kasama, magandang araw sa ating lahat.
Sinusubok ng bawat krisis ang kakayahan at katatagan ng bawat isa na sumuong at kumilos. Ito marahil ang pinakamahalagang aral na napulot ng Collegian nitong nakaraang taon.
Sa gitna ng sala-salabid na panlipunang krisis na bumabalot sa bansa at maging ng mga isyung kinakaharap ng sangkaestudyantehan ng UP, hinarap ng Collegian sa ika-isang daan at dalawang taon nito ang kabi-kabilang isyu, sa parehong internal at pang-institusyong antas.
Nagsimula ang ating termino na tangan ang pangakong ipagpatuloy ang radikal at kritikal na uri ng pamamahayag at paglalathala ng publikasyon. Ngunit kasabay nito ang malaking hamong tumambad sa atin nang simulan natin ang termino nang kapos ang pondo at ilang buwang pagkaantala ng badyet upang ipagpatuloy ang lingguhang pag-iimprenta ng dyaryo, kasama na ang ibang gastusin sa operasyon at pagpapatakbo ng isang publikasyon.
Sa kabila nito, hindi natigil ang operasyon ng publikasyon. Matagumpay nating napalawak ang presensya hindi lamang sa mga mobilisasyon at pagkilos, kundi maging sa digital at multimedia releases na ating ginaod at itinaguyod bilang ganap na pangkat o komite sa publikasyon.
Ngunit batid na may limitasyon ang saklaw ng ganitong uri ng pamamahayag, sinikap nating suongin ang mga burukratikong proseso hanggang sa tuluyang naaprubahan ang naantalang pondo at pag-iimprenta ng dyaryo. Noong ikalawang semestre, una nating nailabas ang kauna-unahang isyu ng publikasyon. Sa kabila ng isang semestre pagkawala ng ating dyaryo sa UP at mga lansangan, mainit pa rin ang naging pagtanggap ng mga mambabasa at agad na naubos ang mga kopya nito sa loob lamang ng ilang araw. Ito na rin ang nagmarka sa pagbabalik ng lingguhang tabloid at tuloy-tuloy na paglalathala ng dyaryo.
Sa kabila ng mga pagsubok, nakapaglabas tayo ng labing pitong isyu sa loob ng isang semestre.
Ngunit sa kabila ng mga tagumpay na nakamit natin sa ating termino, nananatili ang ating pagkilalang hindi ito ang dapat nating makasanayan. Sa mundo ng mga dapat, may akses at sapat na pondo ang mga publikasyon, magaan at maayos ang koordinasyon ng administrasyon sa mga institusyon sa loob ng pamantasan, at akma nilang pinakikinggan at sinosolusyunan ang dinadaing ng sangkaestudyantehan.
Higit na kahingian ito sa ating mga pangestudyanteng institusyon—na kumilos at makapagpakilos pa sa mas malawak na hanay ng mga estudyante at komunidad sa loob ng UP. Ngunit batid na hindi natin ito magagawa nang mag-isa, nananatiling kahingian ang pakikiisa at pakikihamok kasama ang mga estudyante—silang primaryang pinagmumulan ng ating lakas at kakayahang palawakin ang laban para sa aksesible at kalidad na edukasyon, at pinagmumulan ng suportang maglelehitimisa sa ating pagkilos.
Hindi sapat ang isang termino upang alpasan ang mga kinaharap nating isyu ngayong termino, ngunit buo ang tiwala at loob ko sa mga susunod pang patnugutan at miyembro ng Collegian. Kritikal ang yugtong iniinugan ng Collegian ngayon, tungkulin nating tiyaking maipagpatuloy ang mandatong makapagpamulat at magpakilos kasama ang sangkaestudyantehan at mga aping sektor pinaglilingkuran ng ating publikasyon. ●
Talumpati ng pagtatalaga ng tungkulin sa susunod na punong patnugot ng Philippine Collegian. Ipinahayag sa Turnover Ceremony noong ika-12 ng Agosto 2025, Vinzons Hall, UP Diliman.