Nasusukat ang bisa ng isang pamantasan sa pagtatasa kung tunay nitong nagagampanan ang pangunahing mandato nito: ang maglingkod sa interes ng lipunang kinabibilangan nito.
Sa pormal na imbestidura ni Chancellor Fidel Nemenzo ngayong Hunyo 7, higit isang taon mula nang maupo sa opisina, wala nang mas aayon pang pagkakataon sa pagtatasa ng ibinandera niyang pamumunong may pang-unawa at kahusayan. Ngayon maaaring tingnan kung paano nagmateryalisa ang kanyang mga plano at pangako sa panahong higit na kahingian sa pamunuan ng UP Diliman (UPD) ang pagkalinga sa komunidad nito, at ang aktibo nitong paggampan sa tungkuling maging kritiko ng lipunan.
Ilang linggo pa lamang sa posisyon, agad nang kinailangang harapin ni Nemenzo ang mga suliraning kaakibat ng pandemya. Kabilang sa kagyat niyang pinagpasyahan: kung ipagpapatuloy pa ang semestre sa kabila ng ligalig sa pandemya o iuudlot ang pasok. Pinutol ang pangalawang semestre ng akademikong taon 2019-2020, iniba rin ang sistema ng paggrado sa mga estudyante, at nagbaba ng mga alituntunin para mabawasan ang akademikong gawain ng mga estudyante. Ngunit minimum, at nararapat lamang, kung tutuusin, ang mga palisiyang ito.
Ipinakita ng administrasyon na handa itong matuto sa mga naging pagkakamali nito noong unang semestre, halimbawa sa pagpapatupad nito ng mas maraming reading break. Ngunit ang suspensyon ng klase ay nagdulot din ng suliranin gayong labis na pinaikli ang semestre. Nagresulta ito sa gahol na kondukta ng mga klase, o di kaya’y tuluyan nang hindi pagtalakay sa ilang mga paksa, at mas mahigpit ding dedlayn para sa mga estudyante.
Kinikilala ang pagsusumikap ng administrasyong palawigin ang mga serbisyo nila online sa pamamagitan, halimbawa, ng mga subscription sa iba’t ibang journal at patuloy na pag-develop sa learning management system ng UPD. Ngunit bukod sa pagpapaunlad sa midyum ng pag-aaral, katuwang ng holistikong edukasyon ang pagkalinga sa kalusugang mental ng mga estudyante’t guro.
Kabilang sa mga plano ni Nemenzo ang ganap na gawing institusyon ang PsycServ, isang task force na naatasang magbigay ng mga programa at serbisyo kaugnay sa kalusugang mental. Bago pa man ang pandemya, pinipilahan na ng maraming estudyante ang PsycServ para magpakonsulta, ngunit pumapalya ang programang tugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral dahil sa kakulangan sa propesyunal na mga doktor at staff.
Ngayong dumoble ang kabigatang nararanasan ng lahat dahil sa mga krisis, ito sana ang pinakamainam na pagkakataong palawigin ang PsycServ. Subalit wala pa ring nagiging pagsulong ang layong gawin itong institusyon, na sana’y magpapalawak din ng mandato at kakayanan nito. Mainam ang mga webinar at infographics ukol sa kalusugang mental, ngunit iba pa rin ang pagkakaroon ng propesyunal na konsultasyon.
Isa ang PsycServ sa mga sinimulang inisyatibo ng nakaraang administrasyon ni Michael Tan, at pinangakong pauunlarin ni Nemenzo sa kanyang termino. Habang may mga programang dapat pang ipagpatuloy, minana rin ng kasalukuyang pamunuan ang mga problemang matagal nang umiiral sa kampus.
Naging isyu, ilang buwan bago maging tsanselor si Nemenzo, ang pagkakapili sa dekano ng College of Business Administration (CBA) na si Joel Tan-Torres dahil sa hindi malinaw na prosesong pinagdaanan niya, at kakulangan niya sa mga rekisito para pamunuan ang kolehiyo. Tinuntungan ni Nemenzo sa kanyang kampanya ang pagsigurong demokratiko at patas ang bawat desisyon ng administrasyon, at nagtiwala ang mga gurong sumuporta sa kanyang tutugunan ng tamang aksyon ang isyu ng CBA. Kahingian ngayon kay Nemenzo na panindigan ang kampanya, makiisa sa mga estudyante at guro upang, sa minimum, magkaroon ng karapat-dapat na officer-in-charge ang CBA upang pansamantalang punan ang kakulangan ni Tan-Torres sa pamamahala ng kolehiyo.
Bukod sa isyu ng pagpili sa mga lider, minana rin ni Nemenzo ang suliranin ng mga manggagawa. Mismong sa unibersidad, kung saan may malakas na panawagan ang mga aktibista para sa nakabubuhay na sahod para sa lahat, nananatiling problematiko ang sahod at benepisyong binibigay nito sa mga kawani. Ilang buwang walang nakukuhang sahod ang mga research assistant, at minsan ding nagbadyang mawalan ng kabuhayan ang mga gwardyang patuloy na nagtatrabaho sa gitna ng pandemya. Kumaharap din sa problema ang mga janitor sa UPD dahil mapapasailalim sila ng bagong ahensyang may kasaysayan ng pananamantala sa mga empleyado nito.
Ipinahayag ni Nemenzo ang kagyat na pagpapasahod sa mga manggagawa, at agad din siyang nakipag-usap sa mga gwardya at kanilang ahensya upang masiguro ang pagbalik nila sa trabaho. Samantala, bagaman may ilang janitor na napanatili sa serbisyo, problema pa rin sa buong sistema ng UP ang pagpili sa mga ahensya ng mga kawani. Hindi sapat na naisasaalang-alang sa proseso ng pagpili ang katangian ng ahensya, gayundin ang opinyon ng mga maaapektuhan nito.
Mas naging kapansin-pansin nga sa termino ni Nemenzo ang mga matatagal nang problema tungkol sa kontraktwalisasyon at pasahod ng unibersidad sa mga empleyado nito, buhat na rin ng pandemya at gipit na ekonomiya. Ngayon, sa gitna ng pandemya, marahil higit kailanman, napatotohanan ang kahusayan ng pamantasan. Nawawalang saysay ang bilang ng mga publikasyong naililimbag nito, o ang posisyon nito sa World Rankings, kung di rin naman dumudulo ang bawat pananaliksik sa pagpapabuti ng lipunan.
Sentral sa pamumunong nais pairalin ni Nemenzo ang pagmobilisa sa mga estudyante’t guro, itulak silang gamitin ang talino sa paglutas ng mga suliraning kinahaharap ng taumbayan, makipagtulungan sa pamahalaan, mga industriya, at komunidad.
Sa pagputok ng pandemya noong nakaraang taon, hindi nagkulang ang komunidad ng UPD—mula sa mga institusyon, hanggang sa mga organisasyon ng mga estudyante—sa pag-abot ng tulong sa mga nangangailangan. Mabilis na tumugon ang mga siyentista para makagawa ng testing kit, binuksan ang mga gusali sa kampus para maging isolation facility, at naglunsad ng mga donation drive para sa mga lubhang naapektuhan ng krisis.
Habang naglulunsad ng inisyatiba ang UPD upang maibsan kahit papaano ang pangangailangan ng mga tao, nagpatuloy ang mga estudyante at guro sa paniningil sa kakulangan at kawalang aksyon ng pamahalaan. Naging lunsaran ang kampus ng mga kilos-protesta na nanawagan para sa ayuda at mass testing, dito rin ipinagsigawan ang mariing pagtutol ng mamamayan sa walang habas na karahasan at patayang pinasisimunuan ng rehimen.
Ang kasiguruhang nagagampanan ng unibersidad ang responsibilidad nito sa lipunan ay nakabatay sa akademikong kalayaang tinatamasa nito. Anumang pagsagka sa kalayaan ng mga estudyante’t gurong aralin ang iba’t ibang ideolohiya, teorya, at realidad ng lipunan ay paghadlang sa pampublikong tungkulin ng pamantasan.
Kaya naman matindi ang kahingian na bukod sa mga estudyante, guro, kawani, at residente ng unibersidad, nakikiisa rin mismo ang pamunuan ng UP sa laban para ingatan ang akademikong kalayaan ng pamantasan. Kinikilala ang aktibong paglalabas ni Nemenzo ng mga pahayag ng suporta para sa institusyonalisasyon ng UP-DND Accord, gayundin para sa mga estudyante’t guro ng UPD na pinararatangang komunista.
Ngunit sa tumitinding atake ng estado sa mga pamantasan at kabataan, higit pa dapat sa mga pahayag ng suporta o pagkundena ang inilalabas ng pamunuan. Kailangan ang matindi nilang paninindigan at pagpalag, hindi lamang sa mga paratang at isa-isang kaso, kundi sa nagpapairal sa sistematikong mga atake.
Ang pamantasan bilang kritiko ay hindi lamang sa sarili nitong hangganan, kundi sa lipunang kinabibilangan nito. Higit sa pagtutol na pumasok ang mga tangke ng militar, ang batalyon na mga pulis sa kampus, marapat ding salungatin ng administrasyon ni Nemenzo ang nangyayaring militarisasyon sa bansa. Isa nga sa mga biktima ng pagkakahuli kamakailan si Chad Booc, dating estudyante ng UPD at ngayo’y guro sa Lumad Bakwit School, ngunit pansin ang kawalan ng kahit anong pahayag ng administrasyon sa isyung, kung tutuusin, malapit sa kampanya ng UP para sa kaligtasan at karapatan sa sariling pagpapasya ng mga Lumad at iba pang katutubo.
Paano aasahan ni Nemenzo na maging aktibong kritiko ng lipunan ang kanyang mga estudyante, kung ang mismong pamunuan niya ay kimi sa mga isyung lampas pa sa kampus?
Marami pang tatahaking hakbang ang pamunuan ni Nemenzo sa dalawa pang taong termino niya bilang tsanselor, sapat para tuparin ang mga binitawang plano, at panindigan ang mga binitbit na prinsipyo’t panawagan mula pa noong simula. Patuloy na magbabantay ang buong komunidad ng UP Diliman. ●