Bilang mga mamamahayag-pangkampus, malay kami sa bigat ng papel na aming ginagampanan sa pagsusulong ng interes ng mga estudyante’t mamamayan sa loob at labas ng unibersidad. Hindi biro ang araw-araw na paggaod at pagbuno ng mga artikulong nakaaapekto sa mga sektor ng lipunang binabalewala’t pinagsasamantalahan sa kasalukuyang balangkas, ngunit malay kami sa responsibilidad na nakaatang sa aming panulat na patuloy na magsiwalat at kontrahin ang naratibong ipinamamandila ng estado.
Kahit sa kabila ng kawalan ng sapat na pondo’t suporta, patuloy na naninindigan ang mga pahayagang pangkampus sa loob ng UP, katulad ng Sinag at Sulô, na bagaman kabubuhay pa lamang ay aktibo nang nagbabalita sa mga isyu’t usaping panlipunan at pampamantasan. Kaya labis na nakadidismaya ang ilang pahayag ng mga tumatakbong kandidato sa Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya sa Sinag at ang paratang na “narrow-sighted, imprudent, and biased journalism” ng Konseho ng mga Mag-aaral ng Kolehiyo ng Edukasyon sa Sulô.
Bagaman bukas ang mga publikasyon sa mga puna sa aming ulat, naninindigan kaming lubos sanang pinag-isipan muna ng mga miyembro’t tumatakbo sa konseho ang epekto bago iere ang kani-kanilang mga sentimyento’t pagbatikos online, lalo pa’t sila ang mga nasa posisyon ng kapangyarihan. Magkaiba, kung hindi man magkasalungat, na bagay ang makipagdiskurso ang konseho sa publikasyon hinggil sa isang isyu at magbato ng mabibigat ngunit walang batayan na paratang na wala rin namang naiaambag sa pagpapalalim ng talakayan.
Kahindik-hindik din ang ispekulasyong dahil lang diumano’y nanggaling sa parehong “political formation” ay hindi na makatwiran ang mga hinaing ng mga ininterbyu at kwestyunable rin ang artikulo ng manunulat.
Bilang kapantay na institusyong pang-mag-aaral, mas maigi sanang nilapitan muna nang personal ng mga konseho’t indibidwal ang mga publikasyon at humingi ng paglilinaw mula sa kanila mismo. May karapatan silang tumugon at sagutin ang mga isyu, ngunit hindi nila maaaring diktahan ang publikasyon na ilalathala ang panig ng konseho pagkat, lagi’t lagi, ang responsibilidad at pananagutan namin ay sa mga estudyante’t mamamayan, hindi sa iilang halal na indibidwal.
Bilang mga mamamahayag, may sarili kaming pagpapasya na ginagabayan ng normatibong pamantayan ng pamamahayag. Ngunit kinikilala din naming hindi kami abswelto sa mga kritisismo; bagkus, tinatanggap namin ito, basta ipinararating sa tamang paraan, hindi sa mga agresibong pambibintang.
Kung kaya bilang alyansa ng mga publikasyong pang-mag-aaral, nananawagan kami sa mga konseho’t tumatakbong indibidwal na bawiin ang kanilang mga pahayag at kagyat na humingi ng paumanhin sa mga nasabing publikasyon. Ngayon, higit kailanman, kailangang matutunan ng mga halal na opisyal, lalo na ang mga bagong mahahalal sa eleksyon, na makipagtulungan sa mga lokal nilang publikasyon nang may tiwala, respeto, at katapatan.
Pagkat sa pagkakaisa lamang ng mga institusyong pang-mag-aaral natin makakamtan ang tagumpay sa mga isyung may kinalaman sa mga estudyante’t mamamayan sa loob at labas ng pamantasan. ●