Nakagawian nang gumawa ni Bai Bibyaon ng palamuting beads para sa mga bata. Liban sa araw-araw niya itong gawain, ito’y pamana niya sa mga batang Lumad upang may maisuot sila sa mahahalagang araw ng kanilang buhay; tulad na lang ng pagtatapos nila sa Bakwit School ngayong Hulyo. Walang kahirap-hirap ang pagdaan ng karayom na hawak ni Bai Bibyaon sa maliliit na butas ng beads sa kanyang palad. Kulay pula ang beads ng hikaw na kanyang ginagawa, kulay ng pakikibaka para sa mga Lumad.
“Ito ang pinagmulan namin … [tanda] ito upang makilala kami bilang mga katutubo,” ani Bai Bibyaon.
Isinilang noong panahon ng Hapon, hindi na tanda ni Bai Bibyaon ang kanyang eksaktong edad o araw ng kapanganakan. “[Basta ang alam ko] ganon katagal ko na rin pinapangalagaan at dinedepensahan ang aking lupang ninuno.”
Walang anak at hindi na rin nakapag-asawa si Bai Bibyaon. Gayunman, itinuturing na niyang sariling apo ang mga kabataan sa kanilang komunidad. Para kay Bai Bibyaon, ang maipagpatuloy ang kanilang kultura ang pinakamalahagang aral sa mga kabataang Lumad.
Sa Pantaron Mountain Range, haligi ng mga pangunahing ilog sa Mindanao at tahanan ng katutubong Manobo, isinilang at tumanda si Bai Bibyaon. Mahalaga ang lupang ninuno sa identidad at buhay ng pambansang minorya. Sa siklo ng pagtatanim naka-angkla ang konsepto ng panahon sa kulturang Manobo. Ang panahon ng pagtatanim ay hudyat ng pagsisimula ng isang bagong taon, at ang panahon ng pag-ani ay marka ng pagtatapos nito.
Naharap sa panganib ng pagkasira ang Pantaron Mountain Range nang dumating noong 1994 ang Alcantara and Sons Timber Company. Hindi pinakinggan ng kumpanya ang babala ng mga katutubong naninirahan dito, at sinimulan ang pagtotroso.
Ngunit tangan ang kanilang pana, Bangkaw, at Suya, isa sa nanguna si Bai Bibyaon sa ikinasang Pangayaw o tribal war laban dito. Habang kalmadong nagkukwento, may sinambit si Bai Bibyaon na nagpatawa sa kanyang mga kasama: Ang sino mang sisira sa kapayapaan ng kanilang lupang ninuno ay haharap sa kanyang Bangkaw. Pinatotohanan ito nina Bai Bibyaon at tagumpay nilang napaatras ang kumpanyang nagtangkang sumira sa kalikasan at tirahan nila sa Pantaron.
Pinili ng mga datu si Bai Bibyaon bilang lider ng mga Manobo dahil sa kanyang karunungang magresolba ng mga gusot sa loob ng komunidad. Mahalaga para sa kanilang ang pagpupulong. Sa ganitong pagkakataon, nakakausap at napapayuhan ni Bai Bibyaon ang mga kasama sa kanilang mga di pagkakaunawaan. Nagba-bakwit man siya ngayon, nagagampanan pa rin ni Bai Bibyaon ang kanyang responsibilidad sa tulong ng pagtawag at komunikasyon sa kanyang mga inampon na mga apo.
Bilang lider, mahalaga ang pagkakaisa para kay Bai Bibyaon. Sa tuwing magkakaroon ng gusot sa pagitan ng mga Lumad, unang pinagkakaisa ni Bai Bibyaon ang mga Datu. Kung minsan, upang hindi na humantong sa gulo, tig-isang binibigyan ni Bai Bibyaon ng mga alagang hayop ang bawat komunidad na nag-aaway.
Naging instrumento si Bai Bibyaon upang dumami ang mga paaralang Lumad tulad ng Salugpungan Ta Tanu Igkanugon Learning Center na nagsimula sa kanilang lugar. Sa mga paaralang ito, isang libreng edukasyon para sa mga Lumad na sumasalamin sa kanilang kultura’t pagkakakilanlan ang itinuturo. Sa kasamaang palad, sa kabila ng kanilang pagsisikap, walang humpay ang militarisasyon sa kanilang komunidad na nagresulta sa pwersahang pagsasara ng mga paaralan na ito.
Noong 2014, tumindi ang pandarahas ng mga militar at Alamara, isang grupong paramilitar, laban sa mga Lumad. Dahil sa banta sa kanilang buhay, napilitang magbakwit sina Bai Bibyaon. Magmula noon, malaki ang naging pagbabago sa kanilang buhay.
Hindi nasindak, ipinagpatuloy pa ni Bai Bibyaon ang pagpoprotesta at pamumuno upang ipaglaban ang tuluyang kalayaan ng mga Lumad sa pang-aabuso ng estado. Panawagan nilang mga Lumad ang muling pagbubukas ng mga pinasarang Lumad school, at proteksyon ng kanilang lupang ninuno mula sa militarisasyon at plantasyon. Sa mga itinayong Bakwit school, ipinagpatuloy ang pagtuturo sa mga kabataang Lumad ng edukasyong magpapaunlad sa kanilang agrikultura at patuloy na pagkilala at paglaban para sa kanilang karapatan.
“Para [ito] sa susunod na henerasyon. [Para] sa pagdating ng susunod na henerasyon, nandito pa rin ang lupang ninuno natin,” ani Bai Bibyaon.
Ang makalaya sa gulo ang hangad na kinabukasan ni Bai Bibyaon para sa mga Lumad. “Hangad ko na hindi na [kailanganin] magpalipat-lipat ng mga katutubo, hindi na kami makaranas pa ng pandarahas mula sa militar,” sambit niya. Para kay Bai Bibyaon, hanggang patuloy na ipinagkakait ang kanilang karapatan, hanggang hindi nakalalaya ang kanilang komunidad, magpapatuloy ang kanilang paglaban. ●
Ang mga pahayag ni Bai Bibyaon sa panayam ng Collegian ay isinalin mula sa wikang Manobo tungo wikang Tagalog sa tulong ng mga kasamang Lumad.