Ni MARVIN E. LIM
Mula sa pagtunggali sa konserbatibong status quo hanggang sa pagpapalaganap ng mga radikal at liberal na pananaw, naging instrumental ang mga organisasyong pang-estudyante sa paglunsad ng pagbabago sa loob at labas ng Unibersidad ng Pilipinas.
Noong 1971, nauwi ang isang protesta hinggil sa pagtaas na presyo ng langis sa Diliman Commune, isang linggong aklasan ng mga estudyante sa UP Diliman. Nang mabaril ng isang propesor ang isa sa mga estudyanteng kasama sa protesta, si Pastor Mesina, sama-samang binarikadahan ng mga mag-aaral ang mga gusali sa loob ng unibersidad, bilang tugon sa sinapit na karahasan. Pinatakbo ng mga estudyante ang UP Press at DZUP, at idineklara ang kabuuan ng kampus bilang isang "Malayang Komunidad."
Dahil sa kakayahan ng mga estudyante na makapagbuo ng malaki at matagalang protesta, binusalan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang tinig ng mga organisasyon ng mag-aaral sa UP sa pamamagitan ng Batas Militar.
Pagsapit ng Dilim
Matapos ipatupad ang proclamation 1081 noong Setyembre 23, 1972, tinugis ng militar ang mga grupong kumakalaban sa pamamahala ni Marcos, at ipinagbawal ang pagkakaroon at pagbubuo ng mga organisasyon sa pamantasan. Kasabay ng suspensyon ng klase sa UP at iba pang paaralan, hinuli ng mga sundalo ang mga estudyanteng kabilang sa pambansang demokratikong grupo, tulad ng Kabataang Makabayan (KM) at Samahan ng Demokratikong Kabataan (SDK).
Pagsapit ng Nobyembre, binuksang muli ang UP at ilang piling paaralan sa ilalim ng mahihigpit na regulasyon. Ipinagbawal ng administrasyon ng UP ang mga protesta sa kalsada ng unibersidad. Tinanggal rin ang dalawang institusyon ng mga mag-aaral, ang Philippine Collegian at University Student Council, na parehong kilala bilang kritiko ng pamahalaan.
Kasama rin sa mga inalis ang mga pang-akademiko, kultural, at pangkapatirang organisasyon, upang maiwasan ang pagkalat ng mga impormasyon laban sa gobyerno. Kinansela ang lisensya ng DU1UP ng Engineering Radio Guild. Sinira ng mga sundalo ang kagamitan ng istasyon ng radyong DZUP. Nilusob ng mga sundalo ang opisina ng Tau Gamma Phi sa hinalang may mga "makakaliwang" miyembro ito. Tanging ang UP Student Catholic Action lamang ang hindi ipinagbawal, dahil nakiusap si Jaime Cardinal Sin na panatiliin ito.
Silahis ng Pag-asa
Sa kabila ng mga panunupil, hindi nagpatinag ang mga institusyon at organisasyon ng mag-aaral sa diktadurang Marcos.
Sa mga unang araw ng Batas Militar, patagong namahayag ang Collegian, na sumalungat sa mga propaganda ng gobyerno. Naging bahagi ito ng mosquito press, na nagsiwalat sa mga kabalintunaan ng rehimen ni Marcos. Nang muling ibinalik ang pahayagan noong 1973, isinailalim ito sa Mass Media Council (MMC), ang ahensyang sumusuri sa lahat ng mga nilalaman ng mga publikasyon bago ito mailalathala.
Ngunit patuloy pa ring naglabas ang Collegian ng kritisismo sa pamamahala ni Marcos at mga artikulong nananawagan para sa pagbabalik ng Student Council. Bukod sa Collegian, patagong lumabas at namahayag laban kay Marcos ang Sinag, pahayagan ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya. Nag-iwan rin ang ilang organisasyon, tulad ng KM at SDK, ng mga manipesto sa AS steps at Main Library upang manawagan ng pag-alsa ng kabataan laban kay Marcos.
Nagbuo ang mga estudyante ng mga bagong organisasyon na nanawagan ng pagkilos. Halimbawa, nagsagawa ang Youth for Social Action ng mga lightning rally upang magprotesta. "Sa loob lamang ng ilang minuto, nagpapamigay kami ng mga flyers at nagsasalita sa kalsada," ani Prop. Lourdes Simbulan, dating miyembro ng organisasyon.
Nagpakalat ang grupong Liga ng Rebolusyon ng Mag-aaral (LRM) ng mga sulat tungkol sa mga naganap na protesta ng mga estudyante, tulad ng pagsigaw ng "Marcos-Hitler-Diktador-Tuta!" ng mga residente ng Kamia at Yakal Dormitory, at pag unlad ng noise barrage sa mga kantin.
Sa pamamagitan ng mga symposium, nakilahok ang ilang pang-akademikong organisasyon sa pagtuligsa sa Batas Militar. Halimbawa, nagdaos ang Lipunang Pangkasaysayan (LIKAS) ng mga forum tungkol sa kasaysayan ng korupsyon, kolonyalismo, at diktadura sa bansa. "Dito rin natatalakay ang mga pag-usbong ng mga kalabang organisasyon ng gobyerno tulad ng New People's Army at Moro National Liberation Front,” ani Prop. Ricardo Jose, dating miyembro ng organisasyon.
Nagsagawa ng mga makatawag atensyong hakbang ang ilan sa mga grupong pangkapatiran. Noong 1977, isang lalaki ang tumakbo ng hubo't hubad sa loob ng Palma Hall, sa kauna-unahang Oblation Run ng Alpha Phi Omega. Bitbit ang poster ng dulang "Hubad na Bayani," ipinakita ng APO ang kanilang protesta laban sa pagbawal sa satirikong dula tungkol sa pamumuno ni Marcos.
Marami namang miyembro ng Scintilla Juris Fraternity ang nakulong dahil sa pakikipaglaban nito para sa malayang edukasyon sa UP. Binuo ng ilang samahang pangkapatiran ang Alliance of Concerned Fraternities (ACF) upang manawagan para sa paglaya ng mga nadakip na lider estudyante at ibalik ng konseho ng mga mag-aaral.
Ngunit may ilan ding mga or organisasyon na hindi sangkot sa mga kilos protesta. "Hindi sila gaanong tumatak noon. Tahimik lamang ang mga organisasyong pabor o walang-pakialam sa Martial Law," ani Prop. Dante Ambrosio ng Departamento ng Kasaysayan.
Pagsikat ng Liwanag
Dahil sa pagdagsa ng panawagan para sa isang konseho ng mag-aaral, inaprubahan noong 1973 ni dating UP President Salvador Lopez ang pagbuo ng Coordinating Committee on Student Affairs (CONCOMSA). Ang CONCOMSA, na binubuo ng mga pinuno ng organisasyon ng mag-aaral, ang pansamantala lang pumalit sa Student Council. Ngunit dahil hindi sapat ang CONCOMSA upang tugunan ang pangangailangan sa isang konseho, itinatag ng mga lider-estudyante ang Task Force Ibalik Ang Sanggunian.
Pagkatapos ng pitong taon, nagtagumpay ang pinagsama-samang pwersa ng mga organisasyon, at inihayag ng bagong UP President na si Emmanuel Soriano ang pagbabalik ng Student Council.
Napadali ang pakikipag-ugnayan ng UP at iba't bang paaralan, pati na rin sa iba pang sektor ng lipunan ng magbalik ang Student Council. "Mayroong kakayahan ang Student Council noon na pagkaisahin ang mga estudyante ng UP," ani Jose.
Mula sa campus, lumawak pa ang pakikipaglaban ng mga mag aaral ng UP, at binuo ang National League of the Philippines (NLFS) katuwang ang iba pang paaralan. Kasama ang NFLS sa mga laban ng iba pang sektor, tulad ng mga manggagawa at magsasaka, sa diktadura ni Marcos.
Sa panahon ng Batas Militar, pinatunayan ng mga samahan sa UP na hindi lamang problema ng akademya ang kanilang dapat tugunan. Ang tunay na misyon ng isang organisasyon ay ang paglinang sa kaisipan ng kanyang miyembro, at pagmulat sa kanila sa mga tunay na pangyayari sa kanyang lipunang ginagalawan. ●
Sanggunian:
Jose, Vivencio R. "The Martial Law Years Cometh—and Goeth." The University experience: essays on the 82nd anniversary of the University of the Philippines. Quezon City: UP Press, 1991.
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-30 ng Setyembre 2008, gamit ang pamagat na “Tanikalang Dilim.”