Nakaiwas si Roy sa ibinatong plato ni Annie. Nabasag ang katahimikan sa baranggay sa pagbagsak ng plato sa sahig. Tumagos sa tagpi at manipis na dingding ang pasigaw na sagutan.
May kabit, bukod sa nagpapalaboy nang mga anak ay meron pang ibang pinapakain. Naging sinehan ang harap ng bahay; may teorya ang manonood, at may pasikretong kumukuha ng bidyo.
Sa makalawa’y sa likod na ng iskrin nagbabangayan ang mag-asawa, at si Tulfo ang taga-hatol. Tinatalo nito ang mga debate kada eleksyon; nakatutok ang mas malawak na madla sa bawat palitan, may sari-sariling reaksyon sa bawat pahayag.
Ina, Kapatid, Anak
Hindi na lang mananatili sa mga kapitbahay ang mga away sa pamamagitan ng Raffy Tulfo in Action. Iniimbita sa palabas ang mga may hidwaan upang mahanapan ng resolusyon ni “Idol” Raffy Tulfo ang mga problema. T3 ang unang tawag dito, lumalapit ang mga tao sa Tulfo Brothers dahil ang mga awtoridad umano ay mabagal at hindi kumikilos.
Bago ang magkakapatid na Tulfo, nariyan ang programang Face-to-Face kung saan kita kung papaano magpisikalan, magbatuhan ng upuan o masasamang mga salita ang mga kalahok. Sa Estados Unidos (US), mayroong Dr. Phil, isa ring palabas na nagtatampok ng iba’t ibang hidwaan at problema, at sa huli’y bibigyang payo at sagot ng mga eksperto.
Bagaman unibersal na reklamo sa kapulisan ang kabagalan sa pagresponde, mas patok sa mga Pilipino, kaysa sa mga bansang tulad ng US, ang ganitong uri ng palabas—mas maraming tao sa bansa ang nagmumula sa mababang uri.
Gamit ang mga dramatikong linyahan, minsa’y pisikalan pa ng mga kalahok, naaakit ng palabas ang masa; na ang problema nila sa asawa o kapitbahay ay nanghihingi ng malaking atensyon at reaksyon, sapat upang ilabas sa publiko.
KaraMia
Nakikita ng manonood ang sarili sa palabas—ang telebisyon ay representasyon ng kanyang reyalidad. Gayunman, ang partikularidad ng depiksyon sa mga personal na problema ay nagpapalimot sa manonood na may ugat ang mga ito.
Ang pagdami ng manonood ay nangangahulugang mas maraming kita para sa palabas, at sa istasyon nito. Sa Pilipinas, mga pamilya ang may hawak sa mga korporasyong nagmomonopolyo sa industriya ng midya: ang mga Lopez sa ABS-CBN, Gozon, Duavit, at Jimenez sa GMA, at Pangilinan sa TV 5. Sa iilang angkan na ito napupunta ang bilyun-bilyong kita mula sa mga palabas na tinatangkilik at pinagbibidahan ng masa.
Sa katunayan, mayroong espasyo noon ang mga tao upang magtalakayan nang walang kontrol mula sa mga negosyante o estado, ayon sa pilosopo at sosyolohistang si Jürgen Habermas. Inilalathala sa dyaryo ang mga pananaw na ito, at nagiging daluyan ng diskurso ang midya. Pagdating ng ika-18 na siglo, nagamit ang midya upang ibalita ang mga batas ng gobyerno. Ani Habermas, sa puntong ito naging mahalagang institusyon ang midya dahil dito nagkakaroon ng komunikasyon ang estado at ang mamamayan nito.
Sa paglago ng ekonomiya at industriya noong ika-19 siglo, naglathala ang midya upang umani ng kita sa halip na maging daluyan ng mga ideya—naging komoditi ang mga artikulo. Gayundin, nawalan ng kapangyarihan ang mga ordinaryong mamamayan na ipahayag ang kanilang mga saloobin, at napunta sa mga may kakayahang magbayad ang espasyo sa midya.
Ito ang tunay na pula at puti: ang masa na nawalan ng impluwensya sa paghubog ng diskurso laban sa makapangyarihang may kontrol sa diskusyon. Negosyante ang may-ari ng industriya, binigyang monopolyo ng estado upang maging instrumento nito sa paglako ng likong pananaw, samantala pasibong mamimili ang mamamayan sa mga impormasyong inaalok.
Nagbubunga ito sa pagkakaroon ng iisang hulma ng mga palabas: itinatanghal sa buhay ng mahirap ang personal na pakikipagtunggali niya sa kanyang pamilya, ngunit hindi ang dahilan ng kanyang kahirapan.
Kadenang Ginto
Isinasapubliko ng midya ang dapat ay pribadong mga bagay, ginagawang dramatiko mula sa maliliit na problema hanggang sa mga balintuna. Ipinapakita lamang ang mga kwentong papatok at magbibigay saya sa manonood, sinasanay ang kanilang mga mata na ang lahat ng dapat makita sa iskrin ay para lamang sa kasiyahan.
At dahil ang palabas ay representasyon ng reyalidad, sa kumpas ng makapangyarihan, naitatanim sa utak ng marami na ang tema rin ng buhay ay umiinog sa pagtataksil at inggitan. Nagagawang ilihis at ipalimot ang primaryang hidwaan sa lipunan at higit, ang tunay na mga kaaway ng ordinaryong mamamayan.
Naka-censor sa telebisyon ang araw-araw na buhay ng magsasaka, kung saan ang reyalidad niya ay nakasentro sa lupa at kung paano ito inaagaw ng mga asyendero. Tahimik ang balita sa sunud-sunod na welga ng mga manggagawang inaabuso ng mga korporasyon. Hindi papayag ang makapangyarihan, o ang estado, na pumatok ang ganitong klaseng kwento ng reyalidad.
Ang pagpapalabas lamang ng mga eksenang nakakaakit sa usiserong pandinig o mga linyahang nakakaani ng halakhak ay nagpapamanhid sa mga tao. Sila na mismo ang tatanggi sa mga paksang nangangailangan ng seryosong pakikinig at pakikialam, dahil ang panonood ay isang sandali upang tumakas sa hirap ng buhay.
Ngunit wala sa manonood ang sisi. Dahil tulad ng mga magsasaka at manggagawa na inaalisan ng boses sa midya, ginagawa ring bulag ng institusyon at estado ang mga manonood. Sinasagkaan ang kritikal na pag-iisip ng mga tao upang mapanatili ang kasalukuyang kalagayan ng mga bagay: patuloy ang abuso sa mahihirap.
Sa panahong hawak ng makapangyarihan ang midya, tumitindi ang pangangailangan na umalis sa kahon ng teleserye at mga kwentong iskripted; lumabas at suriin sa sariling mata ang tunay na karanasan ng mga ordinaryong mamamayan, at ang paglaban nila para sa sariling kapakanan. Dahil hindi isasatelebisyon ang kanilang tagumpay. ●
Unang inilathala noong Oktubre 9, 2019.