Mabilis mapukaw at mawala ang atensyon ng mga tao sa iba’t ibang diskusyon sa social media. Madalas itong makikita sa mga clickbait at iba pang kontrobersyal na isyu—lalo na kung ito’y matunog o paksang matagal nang sinusundan. Mula sa isang post, sunod-sunod na kung magsulputan ang iba’t ibang reaksyon at kuru-kuro.
Kaya nang i-anunsyo ang pagdating ni Ari Agbayani, ang bagong Filipino-American “Captain America” sa Marvel Comics, umingay ang komentaryo at puna sa kakatwang pangalan at kawalan ng pagka-Pilipino sa disenyo ng karakter.
Wala sa karakter ni Ari ang tipikal na kulay ng watawat sa damit at sandatang inaasahan sa kanya. Mula sa kakulangang ito bumunga ang diskusyon sa representasyon ng Filipino identity ni Ari Agbayani—isang karakter na Pilipino-Amerikano ang identidad at kulturang kinalakihan, buhay na kaiba sa atin sa Pilipinas.
Iba’t ibang reaksyon at kritik ang naani ni Ari Agbayani. May ilang natuwa sa kanya ngunit mayroon ding nadismaya. Tunay na mapanghati ang karakter ni Ari, ngunit isa ang nangingibabaw mula sa sabi-sabi sa kanya: Marami sa atin ang nag-aasam ng pagkilala at representasyon mula sa kanluran, bagay na matutunton sa mahabang panahon ng kolonyalismo, at pananatili nito, sa bansa.
Ang Laging Sidekick
Sa 1899 political cartoon ni Louis Dalrymple na may pamagat na “School Begins,” makikita kung paano ilawaran ng US ang Pilipinas: Mga gusgusing batang nangangailangan ng kalinga mula kay Uncle Sam, ang gurong nagkaloob sa atin ng edukasyon at gumabay sa atin tungo sa sibilisasyon. Sa kasalukuyan, ito pa rin ang itinuturo sa relasyon ng dalawang bansa: Sila ang bayaning darating mula sa himpapawid na ating tinitingala.
Sa misedukasyon at pag-impluwensya sa kulturang ating kinukonsumo, hindi na kataka-takang mas nakikita natin ang mga sarili, malay man tayo rito o hindi, sa kultura at identidad ng mananakop. Sa pagbabalatkayo bilang kaibigang handang umalalay, matalisik na nanatili ang kolonyalismo sa bawat aspeto ng ating buhay. Limitado ang ahensya natin sa sariling kasaysayan at identidad, at mananatili itong nawawala kung ang pangunahing kontrol at interes ay hindi mula at para sa atin.
Tulad ng nangyari sa ating kasaysayan, hindi ang paggawad ng representasyon ang intensyon ng Marvel para kay Ari Agbayani. Hindi iba sa pagdagit ng kwento at buhay ng grupong minorya upang gawan ito ng makabagdamdamin at tagos-pusong palabas, ginagamit na bentahe ng iilan ang representasyon—at pagpapakitang mayroon nito—upang kumita. Kadikit ng “limited series,” isang “special backup story” si Ari Agbayani upang ipagdiwang si Captain America, ang produktong sumasagisag sa "kagitingan" ng US.
Sa pagsalpak na may kulturang atin sa mga produktong ito, ilalako nila ang huwad na pagkampi. Ang pagpapakita ng mga negosyong ito bilang pagtanggap sa “ibang” lahi o indibidwal, kahit na sa katotohanan ay kabilang sila sa instigator ng abuso at pananamantala, ay tanging isang kalkuladong hakbang sa ngalan ng kita.
Hiram na Costume
Laging may suki sa isang negosyo. Bago pa matawag na “United States,” naitala na ang mga Pilipino na isa sa Asyanong tumapak at nanirahan sa US. Sa kasalukuyan, ang second-generation Pilipino-Amerikano, salinlahing Pilipino na isinilang at lumaki sa US, ang pumapangalawa sa pinakamalaking grupong bumubuo sa populasyon ng mga Asian-American sa US. Komunidad nila ang nais ibida ni Ari Agbayani.
Tulad ng paglikha ng Marvel kay Pearl Pangan, ang unang Pilipinang Marvel hero upang maakit ang Filipino comic readers, nilikha si Ari Agbayani para sa komunidad ng mga Filipino-American. Higit sa itsura at disenyo, hindi natin makikita ang sarili kay Ari dahil sa pagkakaiba ng karanasan at pagkilala sa sarili ng mga Pilipino at Pilipino-Amerikano. Malaking parte rito ang lugar na pinamamalagian at kulturang kinalakihan.
Para sa maraming second-generation na Pilipino-Amerikano, may pangangailangan ng asimilasyon sa dominanteng kultura sa US upang sila’y matanggap. Ayon kay Kevin Nadal, awtor ng Filipino American Psychology, isa sa cultural values mula sa US na kapansin-pansin sa komunidad ng Pilipino-Amerikano ay ang pagdistansya ng mga "Americanized" na Pilipino sa Filipino culture at identity. Dahil kilala bilang mababang uri ng lahi sa US, sa ganitong mentalidad na rin nila tinitignan ang lahing Pilipino.
Ngunit kaiba sa paglayo, makikita ang pagdikit ng mga dayuhang ito sa ating lahi na ipinipinta bilang espesyal na parte ng kanilang sarili. Hindi agad naipapasa at naipamamana ng etnisidad ang kultura. Walang masama sa muling pagbawi ng identidad ngunit banyaga pa rin kung tutuusin si Ari—lalo na kung mula sa turo at naratibo ng mananakop ang ikinakampyon na pagka-Pilipino ng awtor nito.
Sa Pagkampi at Paglaban
Wala tayong mahihita sa pag-aasam ng representasyon o rekognisyon mula sa mga bansang may malaking parte sa kasaysayan at kasalukuyan ng ating lipunan. Sa pananatili at pagroromantisa sa ideya ng representasyon, walang pagtatama sa patuloy na misedukasyon ng maraming Pilipino sa kanilang sariling identidad at kasaysayan.
Imbes na itahi ang mga sarili sa katiting na representasyong kanluran lang din ang bumuo at nagdisenyo, mainam nang tayo ang pumutol sa sinulid at tumastas sa pinagtagpi-tagping mito ng ating identidad. Ayon sa magkahiwalay na pag-aaral nina Leny Strobel at Patricia Espiritu Halagao, Pilipino-Amerikanong propesor at mananaliksik sa US at Hawaii, upang tuluyang mawaksi ang opresyon at makamit ang dekolonisasyon, mahalagang maiwasto ang maling pagkakakilala sa kasaysayan, ang maling mentalidad tungkol sa identidad, at magkaroon ng koneksyon at partisipasyon sa komunidad.
Ngunit may makakaligtaan kung ang ating pakikisangkot ay nakukulong lamang sa loob ng kinikilalang identidad o pangkat. Walang magagawa ang representasyon sa pagsasa-ayos ng mundo kung ang pagsulong ng isa ay pagsilang ng ideya at paniniwala na nagbubunga ng pinsala sa kahit na sino. Hindi lamang usapin ng nawawalang representasyon ang ninanakaw ng ganitong adhikain; maging pagkakataon para sa lahat na mabuhay nang matiwasay ay ipinagkakait.
Mahirap nang kilatisin kung sino ang kalaban sa kakampi. Ngunit malinaw na wala sa kabilang ibayo ng mundo o nangangakong tagapagtanggol ang magsasalba sa atin. Hindi isang superhero kundi ang patuloy na pagbasag at pagtama sa mga mitong kinikilingan ang kailangan sa pagsasa-ayos ng mundo. Lalo na ang pagpapanagot sa naghahasik nito. ●