Mahigit 15,000 pamilya sa Cavite ang nakaambang mawalan ng pagkakakitaan kasunod ng pagbaklas ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng mga tahungan at iba pang istrukturang pangingisda sa lugar.
Nitong nakaraang buwan lamang, mahigit 300 mga baklad, istrukturang panghuli ng mga isda, ang pinagbabaklas sa Kawit at Cavite City dahil umano nawawalan na ng espasyo ang mga maliliit na mangingisda, ayon kay Benny Antiporda, tagapagsalita ng DENR.
Bukod sa pag-aakusang ilegal ang mga baklad at sapra sa Cavite, sinasabing bahagi rin ng rehabilitasyon ng Manila Bay ang demolisyon. Inaanod umano sa Manila Bay ang mga kawayang mula sa mga baklad at sapra tuwing may bagyo, dahilan upang mas lumala ang polusyon dito, anang ahensya.
Ngunit pinasinungalingan ng Pamalakaya, isang grupo ng mga mangingisda, ang mga pahayag ng DENR gayong mismong mangingisda ang napipinsala sa pagbabaklas ng mga tahungan, at lalong hindi ang mga kawayang baklad ang sumisira sa Manila Bay.
Kawalan ng Pagkakakitaan
Kasapi ng Pamalakaya, at isa sa mga tumutol sa demolisyon, si Bong Veloso, 53, isang magtatahong mula sa Bacoor, Cavite ay nakaambang mawalan din ng kabuhayan.
Bagaman hindi pa inaabot ng demolisyon ang kanyang tahungan na itinayo niya taong 2000, dama na ni Bong ang epekto sa kanyang kita ng pagkabaklas ng mga baklad sa Kawit at Cavite City.
Maliban sa pagtatahong, nagbebenta rin siya ng mga semilya ng mga tahong sa iba’t ibang lugar sa Cavite tuwing Oktubre at Nobyembre. Ngunit nang magsimula na ang mga pagbabaklas, naging matumal na ang bumibili sa kanya, lalo na sa mga lugar na unang naapektuhan ng demolisyon.
Noong wala pang nagaganap na pagbabaklas ng mga tahungan sa Cavite, nakakapagbenta si Bong sa isang araw ng walo hanggang 10 sako ng semilya ng tahong sa halagang P250 kada sako. Ngunit ngayong mas naging kaunti na ang mga tahungan, halos wala na siyang kinikita mula rito.
“Kahit papaano, ang mga tao roon umaasa ring may mga tahong sila pagdating ng Marso hanggang Mayo, kasi nakakapag-harvest na sana sila. Pero ngayon, wala na silang aanihin pa, kasi wala na yung kanilang kabuhayan dahil pinagbawal na,” ani Bong.
Naging matumal at nawala na rin sa Cavite City ang karamihan sa mga nahuhuling hayop sa mga baklad tulad ng alimango, hipon, at talaba bunsod ng pagbaklas ng mga istrukturang pangingisda. Ang mga mangangahas namang mangisda ay binabantaang huhulihin at kukumpiskahin maging ang bangka.
Sa huli, mismong ang maliliit na mangingisda na ayon sa DENR ay makikinabang sa mga demolisyon ang naagrabyado sapagkat sila mismo ay naapektuhan ng mga ginibang baklad at tahungan.
Ikinatatakot ni Bong ang panahong makikitil din ang kanyang kabuhayan, kaya nagsimula na siyang magpalit ng buya o mga kagamitang kinakapitan ng mga tahong. Ayon sa kinauukulan, hindi na raw babaklasin ang mga tahungan kung papalitan nila ng mga dram at container ang mga buyang gawa sa kawayan.
Bagaman mas magastos ang mga dram na nagkakahalagang P1,200 bawat isa, kaysa kawayan na nasa P200 lamang ang presyo, sinisikap pa rin ni Bong na maisalba ang kanyang tahungan mula sa demolisyon, kahit na alam niyang kalaunan ay hindi pa rin siya makakaligtas mula sa pagbabaklas.
“Naantala lang ang demolisyon dito sa amin kasi mag-e-eleksyon, pero aabutin pa rin kami,” aniya.
Kabilang na rin sa mga dahilan ng DENR sa pagbaklas ng mga baklad ay ang polusyong naidudulot umano ng mga kawayan sa Manila Bay. Ngunit para sa mga mangingisda, hindi dapat sa kanila ibinabaling ang sisi sa problemang ito dahil mayroong mas malalaking imprastrukturang nakapipinsala sa Manila Bay.
Lumalalang Polusyon
Ginto kung ituring ng mga mangingisda ang kawayang gamit sa mga baklad at sapra, ayon kay Fernando Hicap, tagapangulo ng Pamalakaya, dahil sa inam nito sa paghuli ng mga isda. Maging sa mga tahungan, saksi si Bong sa bisa ng paggamit ng mga kawayan dahil sa dami ng mga tahong na kumakapit dito.
Taliwas sa sinasabi ng DENR, hindi nakakapinsala ang mga kawayan sa karagatan at hindi ito ang sanhi ng polusyon sa Manila Bay.
“Ang kawayan ay hindi basura, kundi ito ay isang sustainable at eco-friendly na pamamaraan ng pangingisda. Ang dahilan ng pagka-pollute ng Manila Bay ay ang mga waste material na nanggagaling sa mga industriya at pabrika sa palibot nito,” saad ni Hicap.
Malaking bahagi ng problema sa Manila Bay ang polusyong dulot ng hindi maayos na waste management, ayon sa UP Marine Science Institute (MSI). Base sa kanilang pag-aaral, lampas na sa allowable maximum limit ng mikrobyo mula sa dumi ng tao at hayop ang nasa Manila Bay.
Naitala rin sa nasabing pag-aaral na direktang napupunta sa Manila Bay ang mga dumi mula sa mga bayan at industriyang nakapalibot dito dahil sa problema sa sewerage system na nangangalaga sa kalidad ng tubig. Kabilang ang Maynilad at Manila Water sa mga kumpanyang may isyu ukol sa hindi maayos na sewerage management, ngunit madali pa ring naaprubahan sa Kongreso ang mga prangkisa nito ngayong taon.
Naniniwala si Hicap na imbes na makadagdag sa polusyon sa Manila Bay, ang mga kawayan ay nakatutulong sa pagpreserba ng mga hayop na naninirahan sa karagatan. Aniya, madaling kumapit sa mga kawayan ang mga lusay (seagrass) at phytoplankton na nagsisilbing pagkain ng mga isda.
Mismong ang kalihim na rin ng DENR na si Roy Cimatu ang nag-utos na mas paigtingin ang pagtatanim at paggamit ng mga kawayan para sa pagpreserba ng mga ilog.
“Kung wala itong mga kawayan na ‘to na gamit ng mga mangingisda natin dito sa Manila Bay, talagang totally sira na ang Manila Bay dahil doon sa malawakang reklamasyon at pagtambak [ng lupa],” ani Hicap.
‘Walang Katuturang Pagwawaldas’
Kabilang ang Bacoor City, isa sa mga lugar na maapektuhan ng demolisyon, sa 420-ektaryang reklamasyon ng isang lokal na pamahalaan sa Cavite. Inaprubahan na ang reklamasyon noong nakaraang taon, ngunit marami pa rin ang naninirahan malapit sa karagatang ito dahil pangingisda ang kabuhayan ng mamamayan.
Pilit na inaalis ng mga lokal na pamahalaan ang kabuhayan ng mga naninirahan sa lugar na ito upang mapabilis ang pagpapalayas sa kanila, ayon kay Hicap.
Maging si Bong ay naniniwalang ang mga layunin ng pamahalaan sa pagtatanggal sa mga istrukturang pangingisda ay hindi naman tunay na para sa kapakanan ng mga mangingisdang gaya niya, sapagkat ang tanging naidudulot lang naman nito sa kanila ay kawalan ng pagkakakitaan.
“Sa tagal-tagal naman ng panahon, ngayon lang naman nangyari ‘yan dahil sa mga proyekto nila na ang makikinabang lang ay ang may pera. Pero kami, saan ba kami pupulutin?” aniya. “Sana maging patas lang naman sila sa mahirap na umaasa diyan [sa mga tahungan].”
Para sa tagapangulo ng grupong kinabibilangan ni Bong, malinaw na ang proyektong rehabilitasyon ng Manila Bay ay “walang katuturang pagwawaladas” lamang ng mahigit isang bilyong pondo na inilagak sa DENR para sa implementasyon ng nasabing proyekto ngayong taon.
Dulot nitong mga baluktot na prayoridad ng pamahalaan, mariing pinanawagan ng Pamalakaya na itigil ang mga mapanirang proyekto nito lalo na sa mga pangisdaan, gayong wala itong mabuting maidudulot sa libu-libong pamilya ng mga mangingisda na maaapektuhan ng mga proyektong ito.
“Hindi talaga seryoso ang gobyerno para solusyunan ang kahirapan ng mga mangingisda,” saad ni Hicap. “Dapat totoong i-rehabilitate ang pangisdaan, at hindi [isailalim pa sa] conversion at privatization. Dahil tuluyan lang itong masisira sa ngalan ng tubo ng mga negosyanteng lokal at dayuhan.” ●