May multong gumagambala sa gobyerno—ang multo ng komunismo. Sa tuwing may kababalaghang nangyayari sa bansa, mga katatakutang nagpapataas sa balahibo ng pangulo, mabilis nilang ituro ang kasalanan sa multo. Sa multo isinisisi ang krisis sa mga korporasyon, sa mga panawagan, mga balabag sa lansangan, at mga aninong nakikipagbakbakan.
Bago pa man sumapit ang undas, ayon sa mga militar, hinihintay nilang lumitaw ang multo ngayong Oktubre, sa anyo ng isang planong destabilisasyon sa kasalukuyang gobyerno na pinagtulungang umanong buuin ng mga “pula” upang pabagsakin ang presidente at palitan ito.
Subalit pamilyar ang kwentong ito. Sa parehong buwan, 101 taon na ang nakakalipas, nagkaroon ng matagumpay na pagkilos ang mga Ruso. Sa pagsasama-sama ng mga manggagawa, magsasaka, at iba ipang sektor, nagawang mapatalsik ng mga Ruso ang naghaharing-uri—babala sa mga mapanamantala at tiranong nakaupo sa palasyo.
Katatakutan
Upang mas lalong maging kapani-paniwala ang kwento, tinawag na “Red October” ng mga militar ang planong destabilisasyon. Idinawit at kinulayan ang mga pamantasan, mga organisasyon, at mga indibidwal na kilala sa pagiging kritikal sa pamahalaan bilang mga “pula.”
Malinaw na ipinapakita nito na ang ginawang kwento ng mga militar ay hinango mula sa matagumpay na “destabilisasyon” sa Russia noong 1917—ang Rebolusyong Oktubre. Bago ito sumiklab, malala na ang kalagayang pang-ekonomiko sa Russia: nagtaasan ang mga bilihin, nagkaroon ng kakapusan sa pagkain, hindi naipamahagi sa mga magsasaka ang kanilang lupa, at hindi na makatao ang kalagayan sa trabaho ng mga manggagawa.
Naging sagot ng mga Ruso ang Rebolusyong Oktubre. Sa pangunguna ni Vladimir Lenin, nagsama-sama ang mga manggagawa, ilang mga sundalo, at mga magsasaka upang bumuo ng partidong tinawag na Soviet na sumalungat sa probisyunal na gobyerno, ang awtoridad na binuo ng mga naghaharing-uri upang pansamantalang mamahala sa Russia matapos mapatalsik ang monarkiya.
Ninais ng mga Soviet na patalsikin ang probisyunal na gobyerno at magkaroon ng tunay na reporma sa buong Russia—patigilin ang paglahok ng bansa sa Unang Digmaang Pandaigdig, ayusin ang kalagayan sa pagtatrabaho ng mga manggagawa, ipamahagi sa mga magsasaka ang kanilang mga lupa, at masolusyunan ang pagtaas ng mga bilihin.
Nakamit ng Soviet ang tagumpay sa pamamagitan ng rebolusyon—napatalsik ang probisyunal na gobyerno, at nagkaroon ng eleksyon. Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng daigdig, naitatag ang estadong pinamumunuan ng mga proletaryado.
Ganitong pagbabago ang manipestasyon ng multo ng komunismo, at ito ang nais na pigilan ng palasyo ngayon.
Kababalaghan
Naging pamantayan ng mga sumunod na rebolusyon ang Rebolusyong Oktubre. Naging isang inspirasyon ito para sa ibang bayan, lalo na ng mga naghihirap na bansa, upang makahulagpos sa pang-aabuso ng mga naghaharing-uri. Dahil dito, mas pinaigting ng kasalukuyang gobyerno ang panunupil sa anumang banta ng aklasan, o kahit sa simpleng kritisismo sa pamahalaan.
Ngunit ang multo ay patuloy na gagambala hanggang hindi nagkakaroon ng kasagutan sa mga pang-ekonomikong problema. Tulad ng sinabi ng pilosopong Aleman na si Friedrich Engels sa kanyang librong ‘The Condition of the Working Class in England,’ habang ang pagtrato sa mga manggagawa ay hindi makatao, gagawa sila ng konkretong aksyon upang kumawala sa mga pahirap na dala ng pansariling interes ng mga naghaharing-uri. “Against this the working-men must rebel so long as they have not lost all human feeling,” dagdag ni Engels.
Naging banta sa mga imperyalistang bansa tulad ng US ang mga ganitong pagkilos ng masa dahil nangangahulugan ito ng kalayaan mula sa kanilang mga kamay. Kaya naman sinikap nilang pigilan ang lumalakas na pagkilos at sirain ang imahe ng komunismo sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga diktador tulad nina Augusto Pinochet sa Chile, Fulgencio Batista sa Cuba, at Ferdinand Marcos sa Pilipinas.
Sa pagnanais na supilin ang pagkilos ng mga mamamayan sa iba’t ibang panig mundo, lumaganap din ang “McCarthyism” noong 1950—basta-bastang inakusahan ang mga progresibo ng kasong rebelyon laban sa gobyerno nang walang sapat at konkretong ebidensya. Isang manipestasyon ng McCarthyism ang pangre-red tag sa mga pamantasan—kamakailan lamang ay ang ilegal na panghuhuli kay Edzel Emocling, isang kabataang nakipamuhay sa mga magsasaka ng Nueva Ecija.
Ang panawagan ng sambayanan para sa kanilang karapatan ay itinuring na rebelyon, at ipinapakita lamang nito na ang mga batas ay wala sa kanilang panig kundi nasa naghaharing-uri. Ngunit sa gitna ng mainit na pang-aakusa at panunupil ng pamahalaan, lalo lamang nitong napapasikhay ang posibilidad ng rebolusyon.
Katahimikan
Malinaw sa kasaysayan na sa tuwing may matinding problemang pang-ekonomikong umiiral sa isang bansa, madalas itong nagreresulta sa matinding pagnanais ng mga naaabuso na makawala mula rito. Makikita ito sa pagdami ng mga nailulunsad na welga ng mga manggagawa sa mga pabrika, sa mga bungkalan sa mga sakahan, at sa dumadalas na pagkilos sa lansangan.
Ang krisis pang-ekonomiko ng Russia noon ay halos walang pinagkaiba sa problema ng Pilipinas ngayon: mataas na presyo ng mga bilihin, kulang na suplay ng pagkain, mataas na bilang ng mga walang trabaho, kawalan ng lupa ng mga magsasaka, patuloy na kontraktwalisasyon at hindi makataong pagturing sa mga manggagawa ng mga korporasyon.
Kung ang ganitong mga kondisyon ang nanghimok sa mga Ruso na mag-aklas, paano pa sa Pilipinas kung saan ang tugon ng palasyo sa kumakalam na sikmura ng mga Pilipino ay ituon ang kanilang pansin sa mga gawa-gawang kwento ng destabilisasyon, kaysa sa mga totoong sanhi ng kanilang kahirapan?
Kung susundan ang linyang tinahak ng mga naunang bansang nagkaroon ng kaparehong problema, parehas na pagtalakay sa magiging solusyon nito, at ang pagtatagumpay, masasabi na ang Pilipinas ay hindi malayong magkaroon ng rebolusyong natuto sa mga kawastuhan at pagkakamali ng mga naunang aklasan.
Patuloy ang pagturo sa multo bilang sanhi ng kahirapan, ngunit hindi naiisip ng pamahalaan na sila mismo ang gumising dito. Palapit na nang palapit ang multo sa pintuan ng mga naghahari-harian upang sila ay gambalain sa kanilang pagkakahimbing. Kakatok ito nang ‘di inaasahan. ●
Unang inilimbag ang artikulo noong Oktubre 25, 2018 sa pamagat na “Rev October.”