Sa unang malas ng tingin, kagyat na mapapansin ang kahindik-hindik na titig ng dalawang sakada. Makikitang akap ng babae’t pasan naman ng lalaking magbubukid ang hugis-krus na bungkos ng mga tubong kanilang bitbit. Tigib ito ng mga siit mula ulo hanggang paa. Gayunpaman, hindi lamang ang kanilang hinahakot na ani ang inuusbungan ng mga kurbadong tinik.
Maski ang katawan ng mga sakada’y pinag-uugatan ng mga sangang patalim. Ang lupa, isang karayagan ng matutulis na tangkay. Nakapook sa tabi ang isang batang hawak ang namuti nang sanggol na may bungong mukha. Umaakyat ang abuhing ulap sa kanilang likuran, kung saan makikita ang maruming bandera ng mga Hapon at ng mga Amerikano. Sumisilip sa kanang bahagi ng larawan ang maitim na tauhang kupot ang plorera ng mga bulaklak habang hinahaplos ang nasa tugatog: isang payapang pigura ng hubo’t hubad na babaeng patungan ng kopa, burger, at alak.
Ito ang ikinuwadrong tagpo ng Katawhay sa Pangabuhi, o “Isang Mapayapang Pamumuhay” sa saling Filipino, na kinatha ng Negrenseng pintor na si Nunelucio Alvarado noong 1994. Nakakagimbal sa angkin nitong timpi’t lupit, nananatiling makabuluhan ang likhang-sining ni Alvarado—at ng iba pang manlilikha tulad niya—dala ng ambag nitong pakikisangkot sa ilang siglo nang pakikibaka ng mga sakada laban sa mga inhustisya ng mga nasa kapangyarihan.
Pait ng Gunita
Hindi kalabisang sabihin na isang mahabang yugto ng pakikipagbuno sa pait ng pananamantala ang buhay ng mga sakada. Kaiba sa mayamang potensyal ng bulkanikong kaligiran at angkop na klima ng Negros para sa kultibasyon ng mga tubo, dahop ang mga magbubukid nito dulot ng dominanteng poder ng mga panginoong may-lupa. Sa pamamagitan ng pagsasalin ng kontrol mula sa naunang henerasyon patungong susunod na salinlahi ng iilang nakaaangat na angkan, sumisirkulo ang siklo ng pangangamkam ng naghaharing-uri sa kabuhayan at kalupaan ng mga Negrenseng magsasaka.
Kaiba sa palasak na paniwalang pamana ng mga Espanyol ang paraan ng plantasyon ng asukal sa Negros, ipinaliwanag ni Serge Cherniguin, mananaliksik at dating general secretary ng National Federation of Sugarcane Workers, na mayabong na ito bago pa man ang pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas noong ika-15 siglo. Sa katunayan, kung mayroon mang ipinasang tradisyon ang ating unang dayuhang kolonisador, iyon ang sistemang asyenda na patuloy na nandarahas sa mga batayang sektor ng lipunan magpahanggang-ngayon.
Lamang, hindi rito nagtatapos ang panimulang linya ng kasalukuyang krisis ng mga sakada sa bansa. Dagdag ni Cherniguin, buhat ng masaganang produksyon ng industriya ng asukal ng Negros, pagdatal ng ika-20 siglo’y binili ng Amerika ang lahat ng ito sa presyong mas mataas kumpara sa iniatas na halaga ng pandaigdigang merkado.
Nagsagawa rin ng malawakang mekanisasyon ng mga plantasyon ng asukal ang mga Amerikano na nakapagdulot ng kariwasaan sa mga asyendero’t asyendera ng pook. Noon nag-umpisa ang sabwatang pagbabalda ng banyaga’t burgesya sa layong awtonomiya ng lokal na industriya ng asukal sa bansa.
Kaya naman bilang pagsalungat sa namamayaning orden ng lipunan, pumutok ang genre ng sining na tinatawag na panlipunang realismo o social realism sa bansa. Lampas sa disiplina ng realismo ni Fernando Amorsolo na tinatangkang ikahon ang kariktan ng realidad sa kanayunan, layon ng panlipunang realismo na itanghal ang buhay nang walang anomang halong romantisasyon—mga kwadro ng kadahupan at kasalatang pasimuno ng paniniil ng estado. Dito, malikhaing naihahatid ang tensyon sa pagitan ng dalawang magkasalungat na pwersa, gaya ng sa sakada’t panginoong may-lupa.
Alinsunod dito, ipinaliwanag ng kritikong si Alice Guillermo na ang manipestasyon ng nasabing likhang-sining sa eksena’y bunsod ng kamalayang politikal ng mga indibidwal na nagnanasang isiwalat ang tunay na materyal na kundisyon ng sambayanang Pilipino. Tuon nito ang pagsasakongkreto ng anonimong katauhan ng aping-uri upang hamunin at iganyak ang lakas ng lipunang anakpawis.
Kaisa sa gayong layon na banggain, buwagin, at baguhin ang buhong pamamalakad ng mga awtoridad, isa si Alvarado sa mga tumindig kasama ng samut-saring progresibong pangkat ng mga artista noong Sigwa ng Unang Kwarto.
Dugo sa Brotsa
Tubong Sagay, Negros Occidental, ipinanganak si Alvarado noong taong 1950. Tinapos niya ang kanyang bachelor's degree sa La Consolacion College School of Architecture and Fine Arts sa lungsod ng Bacolod noong taong 1968. Paglaon, lumuwas siya patungong Maynila upang mag-aral ng Fine Arts sa UP bilang iskolar ng Purita Kalaw-Ledesma.
Habang nasa siyudad, nahimok si Alvarado na sumali sa radikal na samahan ng Nagkakaisang Progresibong Arkitekto at Artista. Dito, higit na lumalim ang kanyang kamulatan sa gampanin ng sining sa bayan. Kaya matapos ang deklarasyon ng Batas Militar, pinili niyang pumasok sa Kaisahan, isang aktibong organisasyon ng mga pintor na naglinang ng kritikal na oryentasyong pampulitika at panlipunan.
Malimit na paksain ni Alvarado ang kalagayan ng mga sakada upang bakahin ang sabwatang pandarahas ng pambansang pamahalaan at Estados Unidos laban sa pangunahing pwersa ng lipunan. Halimbawa, mula pa lamang sa pamagat ng kanyang lalang na Katawhay sa Pangabuhi, kinukwestyon na ng pintor ang depinisyon ng “kapayapaan” sa pamumuhay ng mga Negrenseng magsasaka. Pagpasok sa mismong kwadro, inaakay rin ni Alvarado ang mga tagamasid na sagupain ang mga elementong nakapaloob sa kanyang komposisyon.
Sang-ayon sa pagbasa ni Guillermo sa lawas ng komposisyon ng pintor, mahihinuhang tatak ni Alvarado ang hilakbot ng anino’t kilabot ng presensyang katunggali ang panaka-nakang lagos ng liwanag sa masukal na tereno ng kanyang katha. Mababakas ito maski sa kanyang mga sumunod na opus tulad ng Tagustos (1998) at Sakada (2016).
Sa pagtitilad ng mga pigurang lukob ng Katawhay sa Pangabuhi, mahalagang banggitin ang asimetrikong ugnayan ng mga aktor sa saradong porma nito. Intensyunal ang paglilimita ng espasyo; simbolismo ng impit at sikip na nakapagitan sa mga anyo na siya namang nagtutulak sa tagamasid na basahin at malasin ang imahen paloob.
Hindi rin matatawaran ang kombinasyon ng posisyunalidad at kulay ng mga sagisag upang isiwalat ang angkin nitong talinghaga. Pansinin ang namumukod-tanging itsura ng hubo’t hubad na babae dulot ng matingkad na kulay ng katawan nitong nakapook sa rurok ng likha. Likas itong nakakaakit sa paningin; hinahalina ang maitim na tauhang nagnanasa sa kanyang atensyon. Habang sa likod ng nasabing karakter, makikitang nakapaloob sa bandila ng Estados Unidos ang kanyang kabuuan.
Alegorya ang imaheng ito sa pagkiling ng mga elitistang Negrense sa gahum ng mga banyagang puti. Inilalatag nito ang mga ugat ng tinatamasang rangya ng mga nangangapital na indibidwal sa paglalantad ng lakas-paggawa ng mga nasa ibaba.
Gayundin, sumasangguni ito sa pagputol ng Estados Unidos sa kasunduang sumaklaw sa pagpasok ng asukal ng Pilipinas sa kanilang teritoryo noong taong 1977. Akto na siyang nagresulta sa malawakang karalitaan sa sambayanang Negros habang lubusang nakinabang ang mga nasa kapangyarihan.
Patunay rito ang ilustrasyon ng batang hawak ang namuti nang sanggol na may bungong mukha. Alusyon ito sa kumalat na litrato sa midya ng isang buto’t balat nang paslit sa Negros bunsod ng krisis sa asukal ng bansa noong dekada 80. Kadikit nito, tinatalunton din ng eksena ang mga labi ng nakaraang digma gamit ng pagpook ng bandila ng mga Hapon sa tuktok ng ulo ng tauhan.
Ngunit maliban sa mga nauna nang nabanggit, marahil ang pinakapayak na mulaan ng bagabag tuwing mamasdan ang Katawhay sa Pangabuhi ay ang mga mata ng mga sakadang tila nangungusap sa kaibuturan ng kaluluwa.
Tingnan na lamang ang lalim ng dilim sa balintataw ng mga minartir na karakter ni Alvarado. Punahin na direkta nitong tinatanaw ang tagamasid sa labas ng kambas, tinatanong: “Hanggang saan ang abot ng iyong pakikisangkot?”
Pangarap na Tamis
Higit pa sa paglalangkap ng materyal, isang akto ng protesta’t panunuligsa sa kawalan ng maayos na repormang agraryo sa bansa ang pagtutulos sa alaala ng mga sakada sa kambas. Sa proseso ng pagpipinta ng naratibo ng mga Negrenseng magsasaka, nabibigyan ng panibagong-hubog ang kanilang danas upang himukin ang mga mamamayang magbangon mula sa kanilang abang kinasasadlakan.
Bagaman hindi kailanman sasapat ang anomang likhang-sining upang bigyang-hustisya ang mga minasaker ng estado, ginugunita ng mga manlilikhang gaya ni Alvarado ang Siaton Massacre, Sagay 9 Massacre, Negros 14 Massacre, at iba pang tala ng pagpaslang, sa layong manindigan para sa kalayaan ng lahat ng pesanteng manggagawa.
Sa kasalukuyan, malaki ang pangangailangan na igiit ang pagsasabatas ng Genuine Agrarian Reform Bill. Ito ang panukalang batas na naglalayong iangat ang antas ng pamumuhay ng mga magbubukid sa pamamagitan ng pagbuwag sa monopolyo’t pamamahagi ng libreng lupaing pang-agrikultura—kakabit ng pagtatatag ng programang poprotekta sa mga karapatan ng benepisyaryong magsasaka.
Nariyan din ang ang organisadong kilusan ng bungkalan o ang pag-okupa ng mga samahang ng pesanteng manggagawa sa mga abandonang kalupaan bilang panawagan laban sa isinasagawang komersyalisasyon sa mga tuntungan ng kanilang kabuhayan.
At habang umiiral ang sistematikong pangingikil ng pamahalaan sa mga magsasaka sa anyo ng mga hungkag na sertipiko ng pagmamay-ari ng lupa, siklo ng patong-patong na pagpapautang, at walang pakundangang pagpatay, patuloy na makikibaka ang mga artista ng bayan laban sa interes ng ilang piling pribadong indibidwal.
Ito ang mapagpalayang katangian ng mga kasalukuyang myural, epihiye, at samut-saring sining-protesta ng mga abanteng organisasyon gaya ng Artista ng Rebolusyong Pangkultura, Concerned Artists of the Philippines, Panday Sining, Rural Women Advocates, Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo, Tambisan sa Sining, at iba pa. Isang pruweba ng matagumpay na pagsasalin ng pamanang paninindigan ng progresibong henerasyon nina Alvarado.
Sapagkat hangga’t nananatiling pangarap ang panlipunang realismo na naglalarawan ng masaganang buhay ng mga magbubukid, mananaig ang depiksyon ng kahindik-hindik na titig ng dalawang sakada upang usigin ang moralidad ng mga panginoong may-lupa na ugat ng kanilang hindi makataong paghihirap. ●