Ngayon na lang ulit kinilabutan si Ina. Nang mapalitan ang namumuno sa kanilang bayan, agad na ipinagamot ang mamamayan upang lunasan ang kanilang iniindang mga bangungot. Kaya nang mapaginipan niyang bangkay na ang alagang pusa, nilalanggam at may nakatusok na bulaklak sa mga mata, hindi na mawala sa isip niyang baka bumalik na ang mga bangungot.
Gabi-gabi, sa loob ng anim na taon o higit pa, nasadlak ang bayan nila sa epidemya ng masamang panaginip. Iba’t ibang klase ng takot ang bumalot sa tulog ng mga tao. May bangungot ng labis na kagutuman, ng alingawngaw ng mga baril, ng nakatahing mga bibig, maski ng nakabulagtang katawan. Sa sobrang kilabot ng mga tao, maraming naghirap para lamang makabili ng artipisyal na tulog. Ang hindi makakuha nito ay nauuwi sa pagkapuyat at dilat na pagkamatay.
Nawala ang mga ito nang mapalitan ang pangulo. Hindi tulad ng dating pangulo na ipinagbili ang kanilang himbing, wala nang naghirap para sa tulog dahil abot-kaya na ito. Unti-unting bumuti ang kanilang bayan, lalo na ang pagtulog ng mga tao. Matitingkad ang kulay ng mga bahay para kahit gabi ay maliwanag. At nagtanim din ang pangulo ng mga bulaklak na may halimuyak na nagpapaantok sa sinumang hindi makatulog.
Nawala ang mga balita ng mga bangungot mula noon. Dahil pinalibutan na ang bayan ng mga bulaklak, na ayon sa pangulo ay binhi ng katiwasayan at pagbabago, wala nang natakot o nagreklamo sa bayan. Tila naging mito na lang din ang mga bangungot; para bang sa isang langhap sa mga bulaklak, walang nabuhay sa takot ng pagkagutom o paghihirap.
Mga kaalyado ng kasalukuyang pangulo ang nagpakalat ng mga binhi ng pagbabago sa mga taga-bayan. Sa umpisa, maraming nagtanong kumbakit sa mga pulitiko nanggagaling ang mga binhi. Marami din ang nagtanong kung tunay nga bang magagamot ng mga bulaklak na ito ang bangungot ng bayan. Dahil liban sa halimuyak ng kaayusan na ipinapangako ng mga bulaklak nito, ano pa nga ba ang ibang pwedeng panghawakan ng mga tao mula sa pangulo?
Dito nag-umpisang magbahay-bahay ang pangulo. Bawat tao sa bayan ay hinihikayat maniwala sa kanyang ipinapangako. “Ayaw na nating bumalik sa dati,” laging sambit ng mga taga-suporta ng pangulo sa mga nagpapahayag ng pagdududa.
Minsan, sumugod ang grupo ng mga pesante at manggagawa sa opisina ng punong-pinuno. Sa kanilang kamay ay mga tangkay ng bulaklak na tila binunot mula sa lupa, may kakaibang sangsang sa amoy. “Patuloy pa rin kaming nagigising sa mga bangungot namin, patuloy pa ring naghihirap,” sigaw ng grupo.
Marami mula sa sentro ang hindi naniwala sa pahayag ng mga nagprotesta. Wala nang bangungot dahil hindi na sila binabangungot. Isip ni Ina, na magmula umpisa’y masugid na tagasuporta ng pangulo, higit nang maayos ang buhay ngayon kaysa noon kaya wala na dapat pang ireklamo.
Kinabukasan, napuno ang balita ng mga tala kung gaano kalaki ang ikinaganda ng bayan mula nang maihalal ang pangulo. Walang ulat tungkol sa nangyaring protesta.
Katulad ng grupong nagprotesta, ayaw din ng kanyang pusa sa mga bulaklak. Lagi nitong binubungkal at sinisira ang mga tanim na bulaklak. “Puro ka rin panira,” ani Ina sa tuwing nagigising siya sa mga kalmot at iyak ng kanyang pusa. Marahil ayaw nito sa amoy ng kapayapaan.
Gayunpaman, patuloy ang pangulo sa kanyang pamamahagi ng mabubuting salita. “Ang mahalaga ay ang walang tigil niyong suporta,” sambit nito habang namimigay ng bulaklak sa bayan. Kaya bilang pasasalamat sa bagong pangulo, na nagkaloob sa kanila ng magandang buhay, araw-araw nagtatanim ng mahalimuyak na bulaklak si Ina. Naniniwala siyang nakakatulong ito sa pagpapanatili ng kaayusan sa kanilang bayan. Hindi na kasi siya dinadalaw ng mga bangungot.
Ngunit mas nakakakilabot ang dumalaw sa kanya ngayong umaga. Sa hardin kung nasaan ang mga bulaklak, nakabulagta ang kanyang pusa. Nilalanggam ito at may nakatusok na bulaklak sa mga mata. Malinis ang balahibo ng kanyang pusa na nakahiga sa pinong lupa. Kitang-kita, sa puti nitong balahibo, ang paggapang ng mga langgam mula sa kanyang bibig patungo sa tiyan.
Naalala niya ang nakasusulasok na amoy sa kanyang mga bangungot. Mula sa umaalingasaw na amoy ay pagkabulok. Ibig sabihin lang noon, totoo ang mga bangungot. At dito siya labis na natatakot.
Kinagabihan, nagising sa amoy ng kung anumang nabubulok si Ina. At sa pagmulat nakita niya ang pangulo, kasama ang mga kaalyado nito. Nakatayo sila sa gilid ng kwarto kung nasaan ang bintana. Nakatitig kay Ina at sa katabi nitong kahon kung saan nakasilid ang bangkay ng pusa.
Hindi alam ni Ina kung mahihiya ito sa amoy ng kanyang kwarto o sa pagbuhos ng kanyang mga luha. Agad na lumapit ang pangulo kay Ina upang yumakap. Mas lalong umalingasaw ang amoy dahil kulob ang hangin sa kwarto. Dito napatayo si Ina at binuksan ang bintana. Tirik at mataas ang araw.
Nabalitaan daw ng pangulo ang pagkamatay ng kanyang pusa kaya agad itong dumiretso upang kamustahin ang dalaga. Hindi alintana ang init, sumama ito para ilibing ang pusa. Nakabalot na ito sa tela at kahon ngunit hindi pa rin sapat upang matakpan ang naaagnas nitong amoy.
“Maglaga ka ng bulaklak mamaya,” batid ng pangulo habang tinatabunan ng mga bulaklak ang hukay. Inabot na siya ng hapon kina Ina ngunit pinili pa rin niyang tapusin ang paglilibing. Hindi pa rin nawawala ang amoy kaya inakala ni Ina na para ito sa inilibing niyang pusa. Pero nanlamig ito sa sunod na sinabi ng pangulo: “Para sa mga bangungot mo.”
Walang nakakaalam tungkol sa kanyang bangungot. Dahil isa siya sa naniwalang wala nang naghihirap at namamatay, hindi niya inisip na muling babalik ang bangungot ng kanilang bayan. Biglang humangin mula sa direksyon kung saan nakatayo ang pangulo. At kasabay noon ang lalong pag-alingasaw ng naaagnas na amoy sa kanyang hardin.
Kumaway ito kay Ina at nagpaalam, “Matulog ka nang mahimbing, Ina. Sana’y ipagpatuloy mo ang pagtatanim. Mahalaga ang walang tigil niyong—”
“Pangulo, paano kung…” putol ni Ina, “may mali sa mga bulaklak?”
Napako sa kinatatayuan si Ina. Nakatitig sa palaging nakangiti at mahinhin na pangulo. Natawa lang ito at malumanay na nagbalik ng tanong: “Bakit, ayaw mo rin ba sa amoy ng kapayapaan?” ●