Mga pwersa ng estado ang nakikitang salarin sa pagdukot kay Steve Abua, organisador ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa Gitnang Luzon at dating estudyante UP Diliman, ayon sa paunang ulat ng Karapatan-Central Luzon.
Huling nakita si Steve noong Nobyembre 6 sa Brgy. Sta. Cruz, Lubao, Pampanga habang patungo sa isang pagpupulong sa Dinalupihan, Bataan. Maaaring sa Dinalupihan o sa Lubao dinukot si Steve, anang kanyang asawang si Johanna Abua sa isang panayam sa Inquirer.
“Ang tiyak lang ay gawa ito ng state forces. Una, dahil dun sa mga text messages na natanggap nung asawa na nagpakita talaga doon sa kalagayan ni Steve. Yung mga text talagang sinasabi na nililigawan siyang bumaliktad,” ani Pia Montalban, tagapag-ugnay ng Karapatan-Central Luzon sa isang panayam sa Collegian.
Si Steve ang ika-20 biktima ng sapilitang pagkawala sa ilalim ng administrasyong Duterte, batay sa tala ng Desaparecidos, isang organisasyon ng mga pamilya ng mga biktima ng enforced disappearance.
Tatlong beses na tumawag ang mga dumukot kay Steve, ayon kay Johanna. Sa mga pagkakataong iyon, pinipilit si Johanna ng mga salaring kumbinsihin ang kanyang asawa na umaming miyembro ng New People’s Army (NPA). Nagtangka pang ipakausap ng mga dumukot kay Steve ang tatlong gulang nitong anak, ngunit hindi pumayag si Johanna, saad ni Montalban.
“Nung sinabi nila (mga dumukot) yun, ang sabi ko, gusto ko siyang (Steve) makausap para makasigurado na hawak talaga nila yung asawa ko. Pero pinagbantaan nila ako na walang pwedeng makaalam na nasa kanila yung asawa ko,” ani Johanna sa isang press conference sa UP Diliman, Nobyembre 12.
Makailang beses na sinambit ng mga dumukot kay Steve na binibigyan nila ang huli ng pagkakataong “magbagong buhay” si Steve dahil umano’y “nagbago na ang gobyerno.” Pinagbantaan din ng mga tumawag na papaslangin nila ang organisador kung hindi sa kanila makikipagtulungan si Johanna.
“Ang sa akin, bakit kailangang makipagtulungan? Ano bang ginawang masama ng asawa ko para dukutin niyo?” Ani Johanna.
Hindi na bago ang ganitong estilo ng panunupil ng estado. Nitong Abril naiulat na dinampot ng militar si Genelyn Dichoso, dating secretary-general ng Karapatan-Quezon. Matapos ang ilang linggong panawagan para sa kanyang paglitaw, nagpakita si Dichoso kasama ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) bilang isang sumukong miyembro ng NPA.
“Iba yung estilo ng NTF-ELCAC. Meron silang modus ngayon na pabaliktarin, at hindi simpleng EJK kaagad. Pero, biktima pa rin sila dahil [naipit lang sila] sa ganoong sitwasyon,” saad ni Montalban.
Ikatlo si Steve sa mga organisador at pesanteng nawawala mula sa Gitnang Luzon, mula nang maupo si Duterte sa pwesto. Noong 2018, dinukot ng pinaghihinalaang mga pwersa ng estado si Joey Torres, isang organisador ng mga magsasaka mula sa Bayan Muna-Gitnang Luzon. Huling nakausap ng pamilya si Torres gabi ng Setyembre 22 matapos niyang mag-text na siya ay nasa SM North Edsa.
Bago ang naging insidente kay Steve, naglaho rin si Deodicto Mendoza, miyembro ng Anakpawis Party-list. Huling namataan si Mendoza noong Marso 22, 2019, nang umalis siya patungo sa kanyang bukirin sa San Luis, Aurora. Batay sa imbestigasyon, may mga nakitang yapak ng combat boots sa kubong pahingahan ni Mendoza sa bukid.
“Kaya may katiyakan na state forces [ang dumukot kay Steve], bukod sa trend naman talaga ito, sila (pwersa ng estado) lang din naman ang may resources, may tao, may sasakyan, may budget para sa ganyang mga gawain. Saka yung nature ng gawain ng militar, ganyan talaga,” dagdag ni Montalban.
Itinanggi ng mga militar na hawak nila si Steve, ayon sa panayam ng Inquirer kay Lt. Col. Eugene Garce, kumander ng 70th Infantry Battalion ng Philippine Army na nakabase sa Bulacan. Hindi rin umano nakakulong si Steve sa anumang istasyon ng pulis sa Gitnang Luzon, saad ni Lt. Col. Soledad Elefanio, tagapagsalita ng Police Regional Office 3.
Sa ngayon, patuloy ang paghahanap ng kaanak at ng mga organisasyong kinabibilangan ni Steve sa kanyang kinaroroonan. Nitong Lunes, nagpaabot na ng urgent alert ang KMP sa Commission on Human Rights (CHR) upang agarang paimbestigahan ang insidente. Bagaman nagsimula na ang imbestigasyon ng CHR Region 3, wala pa itong inilalabas na paunang ulat.
Nagsumite na ng missing person complaint si Johanna sa Lubao Municipal Police Station (MPS) ngunit aniya, sa halip na tumulong ang kapulisan, naghanap pa ang mga ito ng impormasyon hinggil kay Steve. Tumungo rin si Johanna sa Dinalupihan MPS ngunit ni-red-tag lamang ang kanyang asawa ng kapulisan.
Dating miyembro si Steve ng League of Filipino Students UP Diliman at kalauna’y nahalal na konsehal ng UP School of Statistics Student Council. Matapos makapagtapos bilang cum laude sa kursong BS Statistics noong 2007, nagdesisyon si Steve na maging organisador ng mga magsasaka sa Gitnang Luzon.
“Ang sabi ninyo (mga dumukot), nagbago na ang gobyerno. Pero bakit ganito? Kapag ba tumulong ka sa mga magsasaka’t inaapi, nawawala ba yung mga karapatan natin? Tama ba na dukutin na lang [si Steve] nang ganun na lang?” ani Johanna. ●