Hindi pa man nakababangon sa pagod ang mga mag-aaral at guro ng UP sa unang semestre, tuluyan nang magbubukas ang ikalawang semestre sa Pebrero 7, ayon sa naging desisyon ng mga administrador ng pamantasan sa isang pulong kasama ang iba’t ibang sektor ng UP ngayong araw.
Bagaman itutuloy ang semestre ayon sa nakatakdang pagsisimula nito, napagkasunduan sa pulong na walang mangyayaring synchronous meeting sa unang dalawang linggo ng semestre. Kaakibat nito na asynchronous lamang ang papayagang moda ng pagtuturo at walang anumang rekisito, deadline, at mangyayaring meeting sa pagitan ng mga guro at estudyante.
Gayunman, madiin pa ring ipinapanawagan ng mga sektor na higit na kinakailangan ng pamantasan ng isang opisyal na health and recovery break na tatagal ng dalawang linggo. Ngayong gabi, nagpadala ng liham ang UP Diliman University Student Council kay Quezon City Mayor Joy Belmonte upang hikayatin itong suspendihin ang klase mula Enero 29 hanggang Pebrero 12.
"Due to the heavy workload and compressed schedules that both students and faculty have, it is evident that all need enough time to recuperate both from the typhoon and the ongoing health crisis. Health, welfare, and safety must be our paramount priority,” ani konseho sa kanilang liham.
Magkakaroon din ng limang araw na Wellness and Learning and Development Program para sa mga administrative, at research, extension and professional staff (REPS) na magpapahinga. Maaari din itong humaba ng hanggang 10 araw para sa mga kawaning nagpositibo sa COVID-19.
Kabilang din ang mga guro at kawaning job order, contract of service, at mga non-UP contractual sa mga maaaring kumuha sa limang araw na break. Ipinangako ng administrasyong magkakaroon sila ng sahod habang nasa pahinga, at pagpapalawigin naman ang System Special Payroll para mapabilis ang paglalabas ng sahod ng mga manggagawang kontrakwal sa UP.
Ngunit para sa All UP Academic Employees Union (AUPAEU), ito ay inisyal na tagumpay lamang mula sa orihinal na dalawang linggong panawagan para sa pahinga ng mga guro at kawani. Magpapalabas ng opisyal na memorandum ang UP upang ipatupad ang programa ngunit “internal arrangement” pa rin ang magiging sistema kung saan kani-kaniya ang pagpapatupad ng mga opisina ng nasabing palisiya.
Itinutulak din ngayon ng AUPAEU ang pagbibigay ng P25,000 emergency economic relief at P5,000 emergency allowance na tulong sa mga guro at kawaning kontrakwal at regular para bayaran ang kanilang ginastos sa paglikha ng course packs, at mula sa pagkakasakit.
“Tulad ng makina, kailangan din ng pahinga ng mga taga-UP, ng mga nagsisilbing makinaryang nagpapataas ng rankings ng UP sa loob at labas ng bansa. Malasakit at unawa ang kailangan ng lahat. Kapag malusog ang iyong makinarya, nagdudulot ito ng produktibo at episyenteng trabaho na [ang] ganansya [ay] para sa lahat,” ani Jonathan Beldia, kawani ng UP College of Mass Communication at miyembro ng All UP Worker’s Alliance sa isang pahayag.
Hinihintay pa ang paglalabas ng UP ng systemwide guidelines sa implementasyon ng break. Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang multisektoral na alyansa ng mga guro, mag-aaral at kawani para igiit ang kanilang naunang kampanya na two-week health and wellness break. Para suportahan ito, nangangalap ngayon ng pirma para sa petisyon ang mga organisasyon ng mag-aaral, at unyon. ●
Editor's note: In-update ang balitang ito upang linawin ang panawagan ng AUPAEU hinggil sa financial na ayuda para sa mga kawani ng unibersidad.