Ni ROBERTO VERZOLA
Nasa pagkakaisa ang lakas ng mga aping uri. Sa pagtindi ng pasismo, pagkakaisa lamang ng mga mamamayan ang makatutugon. Ang diktadurang militar na binabalak ni Marcos ay magtatagumpay lamang kung tahimik at watak-watak ang mga sinisikil.
Subalit anumang pagkakaisa ay nangangailangan ng batayan. Mayroong magsasama sa pagkilos dahil pareho ang gusto nila. Kung magkaiba ang nais nila, hindi sila maaaring magkaisa.
Sa panahong ito, ang tumitinding pasismo ng pamahalaang Marcos ay isang maaaring batayan ng pagkakaisa. Lahat ng mga anti-pasista ay maaaring magkaisa batay dito.
Nang suspendihin ang writ of habeas corpus, nabuo ang pagkakaisang ito sa Citizens’ Movement for the Protection of our Democratic Rights (CMPDR), isang alyansa ng mga grupong laban sa pasismo at nagtataguyod ng kalayaan. Kasapi rito ang mga pambansang demokratikong organisasyon bilang pinakamatatag na kaaway ng pasismo. Ang mga grupong ‘moderato’ man, dahil sa kanilang pagsalungat sa pagsikil ng kalayaang sibil, ay kabilang din. At lahat ng mga pribadong mamamayan na nais kumilos upang ipaglaban ang kanilang kalayaan ay inaanyayahang sumapi.
Ang ganitong anti-pasistang nagkakaisang hanay ay mas malawak kaysa sa anti-imperyalista, anti-piyudal at anti-burukrata-kapitalistang hanay ng Movement for a Democratic Philippines. Kaya hindi man pambansang demokratiko ang linya ng CMPDR ay nagbibigay-pagkakataon naman ito upang ma-organisa at mapakilos ang malawak na masa ng sambayanan laban sa pasismo na kaaway ng pambansang demokrasya.
Isa ring malaking pagkakataon ang ibinibigay ng CMPDR tungo sa pagpili ng wastong ideolohiyang makatutugon sa kondisyon sa Pilipinas. Lahat ng mga grupong may kasaping nais ng pagbabago ay magsasama sa iisang layunin—labanan ang pasismo. Sa pamamagitan ng sabay na pagsubok sa mga kaisipan ay madali nang lalabas mula sa praktika ang tamang kaisipan.
Ang sabay na pagkilos ng mga iba’t ibang grupo ang magwawasto sa mga maling pananaw ng mga samahan sa bawa’t isa. Malalaman ng mga ‘moderato,’ halimbawa, na hindi ‘conspiracy’ ang pambansang demokratikong kilusan at hindi totalitaryanismo ang pambansang demokrasya. Malalaman din ng ilang mga kasama natin na napakalaking bahagi ng masa ng kasapi ng mga ‘moderato’ ay hindi kleriko-pasista.
Kapag nabuksan na ang maraming pintuan tungo sa pag-uugnayan ng mga kasapi, hindi maglalaon at magiging lubos ang pagkakaisa ng mga nagnanais lumaban sa pang-aapi.
Ang pagkakaisa ay tatagal lamang habang mayroon itong batayan. Kung pinagpasiyahan ng liderato ng mga ‘moderato,’ halimbawa, na wala nang pasismo, mawawala na rin ang batayan ng pagkakaisa sa CMPDR laban sa pasismo. At mabubuwag ang pagkakaisa puwera na lamang kung magkakaroon ito ng bagong batayan.
Dito makikita ang pangangailangan ng pakikibaka at ng gawaing propaganda sa loob ng nagkakaisang hanay. Sa pamamagitan ng palitan ng kuro-kuro, paghahambing ng mga kaisipan, at salungatan ng mga ideya ay maaaring lumiwanag sa masa ang tumpak na kaisipan. Ito ang magiging mas matibay na batayan ng pagkakaisa.
Kaya’t mapapatibay lamang ang pagkakaisa sa anti-pasistang hanay kung ang batayan nito ay mapapalawak upang maisama ang anti-imperyalismo at anti-piyudalismo. Hindi ito magagawa ng sapilitan kundi sa pamamagitan ng matiyagang pagpapaliwanag ng pambansang demokrasya sa mga kasapi ng ibang grupo. At huwag din nating asahang lahat ng kabilang sa anti-pasistang hanay ay tutuloy sa pambansang demokratikong nagkakaisang hanay.
Ang pasya ng bawat grupo o mamamayan ay mababatay sa kanyang sariling interes.
Lalong huwag nating akalaing lahat ng kabilang sa nagkakaisang hanay ng CMPDR ay laban sa pasismo. Sa lahat ng gubat ay may ahas. Dahil ang masa ay galit sa pasismo, may mga ahas na makikisakay sa anti-pasistang hanay para na rin sa kanilang sariling maitim na balak. Hindi ito dapat mawala sa ating isipan. May mga kampon ni Marcos, o ng imperyalismo, na maaaring makiisa sa mga tunay na anti-pasista upang sa hinaharap ay mas madali nilang mawasak ang matibay na pagkakaisa ng mga aping mamamayan. Mag-ingat din tayo. At magmasid. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-3 ng Setyembre 1971.