Kritikal ang gampanin ng mga imahen sa paglinang ng lipunan dahil lubos na nakasalalay sa paningin ang kalakhan ng mga tao. Ito ang isa sa mga pangunahing behikulo ng realidad, kaya naman may sapat itong gahum upang impluwensyahan ang pananaw ng mamamayan. At sa yugto ng Sigwa ng Unang Kwarto, kung kailan may masidhing kaguluhan sa ekonomikong kalagayan, politikal na sandigan, at pambansang pagkakakilanlan ang Pilipinas, sinamantala ng rehimeng Marcos ang kapangyarihan upang mag-anak ng ilusyon ng kariwasaan.
Gamit ng mga kinasangkapang sining-biswal, pinilipit ng administrasyong Marcos ang kasaysayan para sa pansariling ganansya. Gayunpaman, patuloy itong binabaka ng mga artista ng bayan, noon hanggang ngayon, sa pamamagitan ng pagluwal ng likhang-arteng makamasa.
Sistematiko ang propaganda ng mga Marcos sa espasyo ng sining-biswal. Sa pagtatag ng mga institusyong gaya ng Cultural Center of the Philippines, National Museum, at Philippine High School for the Arts, kanilang naarok ang layuning angkinin ang titulo bilang tagapagtaguyod ng lokal na kultura. Ito ang tinatawag na “kagila-gilalas na pagtatanghal” ng mananaliksik na si Pearlie Rose Baluyut, kung saan muling nililikha ng mga Marcos ang kanilang mga sarili sa pagmonopolyo sa sining, estetika, at imahen ng bansa.
Isang payak na halimbawa nito ang kinomisyong dibuho ng Malakas at Maganda ni Evan Cosayco. Dito, kapansin-pansin kung paano inilakip ang mukha ni Ferdinand kay Malakas at ang mukha ni Imelda kay Maganda. Sa apropyason ng katutubong mito ng pagkalalang ng mga Pilipino, naitanim sa kamalayan ng sambayanan ang mabuting pagtanaw sa dinastiya ng pamilyang Marcos. Naging daan din ito upang kumatha ang dating rehimen ng naratibo ng “Ginintuang Panahon” sa Pilipinas kahit wala itong makatotohanang basehan.
Hindi ngayon maikakaila na isang politikal na adyenda ang dominanteng produksyon ng likhang-arte noong Sigwa ng Unang Kwarto. Dahil ang pagkiling ng gayong tipo ng katha ay dumadako sa eksperimental na pagmamanupaktura ng ideyal na imahinasyon, masasabing hiwalay ito sa kamalayan ng mamamayan noong dekada 70. Mga palamuti itong mas pinahalagahan sa paglalako ng superpisyal na itsura ng bansa sa yugto ng panunupil ng nakaraang administrasyon. Malabnaw na dahilan lamang ang pagsusulong ng “high art” o sopistikadong sining-biswal upang isensura ang ano mang labas sa pamantayan ng pamahalaan.
At iyon mismo ang inusbungan ng sining-protesta ng mga mag-aaral. Mula sa kakulangan ng aktwal na ugnayan sa lipunan, binaka ng mga kilusan ng kabataan ang namamayaning orden ng paglikha sa nasang buwagin ang hungkag na kariktan sa sining-biswal ng pamahalaan. Ilan sa mga rebolusyonaryong organisasyon ng mga artistang ito ang Kabataang Makabayan—na paglao’y naging ubod ng Nagkakaisang Progresibong Artista at Arkitekto—Kaisahan, Sining Bayan, at iba pa. Kabilang sa noo’y kabataang nakisangkot sa pagpapalaganap ng nabanggit na alternatibong genre sina Imelda Cajipe-Endaya, Karen Ocampo Flores, Leonilo Doloricon, Nunelucio Alvarado, at Papo De Asis.
Salungat sa moda ng pagkatha ng naghaharing-uri, radikal ang sining-biswal ng mga nasabing kalipunan buhat ng malay na pagpaksa sa materyal na kundisyon ng bayan. Pamilyar ang simbolismo nito imbes na abstrakto upang makonsumo ng mayorya, hindi lamang ng ilang piling indibidwal. Taliwas sa komersyalisasyong ibinanda ng estado, ang kalikasan ng sining-protesta’y pampubliko’t kontrobersyal.
Kaya naman binansagan itong “social realism” o panlipunang realismo ng kritikong si Alice Guillermo. Sapagkat lampas sa pagkakahon ng tingkad ng realidad sa kanayunan, angkin nito ang paralelismo ng kasalukuyang pakikibaka sa himagsikan laban sa mga Kastila, pagbangga sa panghihimasok ng Estados Unidos, at pagsisiwalat sa sitwasyon ng mga nasa laylayan ng lipunan.
Kung sisipatin, ang mga porma ng gayong sining-biswal ay maaaring nasa anyo ng painting, mural, effigy, bandalismo, at iba pa. Binigyang-paliwanag ito ni Guillermo sa pagsasabing higit na pinagtutuunan ng panlipunang realismo ang kahalagahan ng pulitika kaysa estetika. Dahil bagaman may baryasyon sa ekspresyon, pare-pareho itong mayroong iisang makamasang oryentasyon. Ito ang rason kumbakit itinatampok ito hindi sa mga ekslusibong puwang gaya ng mga museo, kundi sa mga bukas na espasyo tulad ng mga lansangan.
Ngayong muli nating sinasariwa ang gunita ng mga malawakang demonstrasyon, masaker sa Mendiola, Diliman Commune, magpahanggang-yugto ng aktibismo sa lupit ng batas militar, hindi lamang nagsisilbing memorya ang Sigwa ng Unang Kwarto, kundi marka ng pagtangan ng mga artista laban sa pananamantala ng estado.
Sa pagyabong ng kontemporaryong likhang-arte sa bansa, mahalagang alalahanin ang tungkulin ng sining para sa mga binusalan, dinakip, at winala ng nakaraang administrasyon. Narito ang pagbuwag sa huwad na imahen ng mga Marcos bilang mga mesiya. Narito ang paalala na may kakayahan ang katha na ilarawan ang kasaysayang pilit na binubura ng mga nasa kapangyarihan. At tanging sa pagkakapit-bisig kasama ng mga progresibong samahan tulad ng Artista ng Rebolusyong Pangkultura, Concerned Artists of the Philippines, Panday Sining, Rural Women Advocates, at iba pa, masasalungguhitan ang deka-dekadang kasinungalingan.
Alinsunod nga kay Guillermo, ang sining-protesta ay isang aktibong pwersa ng pagbabago, hindi pasibong repleksyon sa nagdaang panahon. Ngunit atin lamang itong ganap na maaangkin kung kikilalanin natin ang mapagpalaya nitong potensyal. ●