Sakay ng iisang bangka, kasalukuyan tayong naglalayag sa pinakamasidhing sigwa ng ating panahon. Ito ang sabi ni Tsanselor Fidel Nemenzo nang tanggihan niya ang panawagan ng mga estudyante’t guro na dalawang linggong pahinga noong Enero. Hindi naman siya nagkamali—sama-sama tayong sumusuong sa alimpuyo ng mga alon. Ngunit ang bigong kilalanin ng kanyang administrasyon ay ang kakayahan nitong ayusin ang butas-butas na bangkang kinasasadlakan natin ngayon.
Bingi-bingihan sa sigaw ng mga nalulunod nang estudyante, takot sumuong sa mas bago at malikhaing uri ng pagpopolisiya ang mga opisyal. Pagtapal sa mga naglalakihang tagas ang naging estilo ng pamamalakad ng administrasyon sa pamantasan sa nakaraang dalawang taon.
Baog ang mga memorandum na ipinapalabas, gayong kalakhan ng mga ito ay nasa tonong paghihikayat lamang sa mga kolehiyo—hinihimok ang kaguruan na huwag magklase sa unang linggo ng semestre; inuudyok silang i-adjust ang kanilang mga kurso o iskedyul upang pagaanin ang mga gawain.
Mahalaga ang ganitong uri ng panukala, anila, upang panatilihin ang kalayaang pang-akademiko ng mga propesor. Ngunit tinatabingan ng lohikang ito ang kawalan ng pangil ng mga patakarang ibinababa ng administrasyong tumatakas lang sa responsibilidad. Malayo sa pag-apak sa pang-akademikong kalayaan ang pagpapanukalang bawasan ng guro ang mga gawaing ibinibigay sa klase—pag-unawa ito sa mga mag-aaral.
Saklaw ng kapangyarihan ng pamunuan ng UP na iurong ang kalendaryo nito upang bigyan ng pagkakataong makapagpahinga di lang ang mga estudyante’t kaguruan, kundi pati mga kawani. May kakayahan ang UP na simulan ang uri ng pag-grado sa mga mag-aaral na sumasalamin sa alam nila at nagbibigay ng pagkakataong mapunan ang mga puwang sa mga natutunan. Taliwas ito sa kasalukuyang sistemang nakabatay sa abilidad nilang tumalima lamang sa partikular na dami ng mga takdang aralin at gawain.
Sapagkat pampublikong opisina ang UP, totoo namang may mga burukratikong rekisito at iba pang hadlang sa pag-implementa ng mga karampatan at makataong polisiya. Ngunit kailangan nitong mangahas na sumuong sa mas malalim na katubigan. Ano pa ang bisa ng pagiging pambansang unibersidad nito kung di ito maghahawan ng landas tungo sa edukasyong mas inklusibo at tumutugon sa pangangailangan natin?
Ang pagbuo ng mga patakarang tunay na aangkop sa mga kondisyon at kahingian ng komunidad ay nangangailangan ng kanilang aktibong partisipasyon. Ngunit kapansin-pansin sa nakaraang mga buwan ang pag-aatubili ng mga administrador na maging bukas pagdating sa pagbabalangkas, pagpapatupad, at pagrerebisa ng mga patakaran. Tila sinusulit nila ang panahong walang estudyanteng kakalampag sa tarangkahan ng Quezon Hall upang pababain sila. Binigla na nga lang tayo nang ilabas ng Diliman ang aprubado na nitong guidelines sa pagbabalik-eskwela nang walang konsultasyon sa mga mag-aaral.
Isinasara sa publiko ang mga usapan sa pagitan ng mga sektor sa loob ng pamantasan. Hindi nga pinayagan ang mga pahayagan na iulat ang nangyaring dayalogo noong Enero tungkol sa hinihinging dalawang linggo pahinga. Sa pagsasa-internal ng mga usapan, pinagkakaitan ang komunidad ng tyansang masuri ang mga panukala o makapagkomento ukol sa mga ito bago sila ipatupad.
Walang ibang inilalantad ang hindi pagiging bukas ng administrasyon sa pagkatha nito ng mga polisiya kundi ang pagiging sensitibo't pag-iwas ng mga opisyal sa mga puna.
Dahil mailap, kundi man nagtatago sa burukrasya ng Quezon Hall, ang mga administrador, ang ating mga lider-estudyante ang siya sanang naninindigan para sa mga karapatang hindi kusang ibinibigay sa atin. Mandato nilang punahin ang mga kontra-estudyanteng panukala at maghain ng mga alternatibo.
Mainam ang pagpapaunlak ng administrasyon ni Nemenzo na isama ang mga mag-aaral sa komiteng bumubuo ng plano sa pagbabalik-eskwela. Gayunman, nangyari lamang ito matapos na maaprubahan ang naunang guidelines ng kampus, na nag-iiwan na lamang ng limitadong oportunidad para sa konseho na ilapat ang mga palatuntunan sa interes ng mga estudyante.
Kung gustong patunayan ng pamunuan na seryoso ito sa pagdinig at pagtugon sa ating kahingian, unang hakbang ang paglapit nila sa komunidad na may layong bumuo ng kasunduan—hindi lang kinukuha ang ating palagay, pagkatapos ay isasara ang pulong na puro mga opisyal lang din ang mapagpasya.
Pinangungunahan dapat ng mga lider-estudyante ang mga naturang dayalogo, lalo’t sila ang pinakamalay sa pinagdaraanan natin. Higit ito sa pagbabahagi lamang sa mga administrador ng mga kinakaharap natin bilang mag-aaral, at taliwas ito sa pagiging reaktibo lamang sa kung anumang ipinapasa ng pamunuan ng UP. Bagkus, ang konseho, laluna ang rehente ng mga mag-aaral, ang sana’y nagtatakda ng tono ng mga usapan ukol sa mga polisiyang nakakaapekto sa atin.
Kailangang bigyang linaw ang mga partikularidad ng mga kampanya. Kada semestreng ipinapanawagan ang “academic ease,” ngunit mainam na magkaroon ng mas malayong pagtanaw lampas pa rito. Unti-unti nang tinatanggap ng mga pamunuan at ahensya ng edukasyon ang pananatili ng remote learning; ilang ulit pa tayong mananawagan para sa academic ease?
Sa higit isang taong pag-protesta para sa ligtas na balik-eskwela, ano nga ba ang konkretong hitsura nito? Mahalagang maipakita ng mga lider-estudyante na mayroon itong maiaambag na plano para sa pisikal na pagdaraos ng klase, iyong nahinuha mula sa mga sangkaterbang sarbey na pinakalat nila, at nang maikumpara ito sa inilalabas ng administrasyon.
Sa halos dalawang taon natin sa remote na setup, gagap nating hindi lang dapat iniiwan ang mga pasya hinggil sa mga pang-akademikong isyu sa kamay ng administrasyong alam nating nagpapakulong sa sarili nitong mga interes at proseso.
Gayunpaman, hindi nag-iisa ang mga institusyong pang-estudyante sa paglaban para sa mga panukalang nakaayon sa ating interes. Esensyal sa pag-giit ng ating posisyon ang kakayahan mismo ng lahat ng mga estudyanteng ipakita ang kanilang nagkakaisang lakas sa administrasyon, upang ipaglaban ang kagyat at ligtas na pagbabalik sa paaralan. Hindi maikakaila ang kahirapang pisikal na makiisa, halimbawa, sa mga pagtitipon at protesta, ngunit ito ang kailangang lampasan, hanapan ng alternatibong pamamaraan kung maaari, upang mapagtagumpayan ang mga ikinakampanya.
Hindi maaaring magpatuloy ang tipo ng pangangampanyang nananatili lamang sa komportable nating espasyo. Kinakailangan ang matinding pwersa upang ipakita sa mga administrador ang katotohanang lumulubog na ang bangka. Sa pagkakataong hindi pa rin gumiya ang pamantasan sa wastong direksyon, marahil dapat na nating isipin sino ang itatapon sa tubig, nang gumaan ang bangka at baka mas maging banayad ang ating pagpalaot. ●