By OM NARAYAN VELASCO
Animo’y sinapian ang telebisyon. Nangisay ang monokromatikong ilaw ng screen. Naputol ang programa at biglang lumitaw sa screen and isang silid, isang upuan, isang lamesa, at sagisag ng pangulo na nakasabit sa dingding. Nakaupo sa gitna ang isang pigura na minamanas ang mukha, tuliro ang mga mata, at di mapakali sa kanyang kinalalagyan. Ilang sandali pa, nagsalita ito at umusal ng mga kabuktutan.
Natulala si Arman sa kanyang silya. Hindi na niya kinakilangang marinig pa ang lahat. Pilit ipinapaliwanag ni Marcos sa telebisyon ang dahilan kung bakit niya ipinapataw ang Martial Law. Nasa panganib umano ang buong bansa: Malakas ang banta ng mga komunista at malala ang krisis sa ekonomiya at pulitika.
Wala nang pumapasok sa pandinig ni Arman. Kaunting panahon na lang ang nalalabi. Di magtatagal, palilibutan ng Metrocomm at Philippine Constabulary ang buong bahay, at ‘pag nalaman nilang siya’y nakatakas, wawasakin ang pinto at hahalughugin ang lahat ng gamit. Simula na ng pag-tugis sa mga kumakalaban sa diktador at sa kanyang kagustuhang manatili sa pwesto.
Madali siyang nagsuot ng jacket at sombrero, at isinilid sa backpack ang ilang mahahalagang gamit. Kailangan kong maghanap ng pansamantalang matataguan, ang sabi niya sa sarili. Paglabas ng kwarto, iniwan niyang nakatiwangwang ang pinto at ang telebisyong patuloy na nagbibigay babala sa mga sinususpinding karapatan ng mamamayan. Ang hindi sumusunod sa utos ay lubhang parurusahan.
*
Malakas ang buhos ng ulan nang hapong pauwi si Emman mula sa pamantasan. Halos hindi gumagalaw ang kumpol ng mga sasakyan sa Recto. Bukod sa uwian ng mga estudyante, malalim na naman kasi ang baha. Para kontrahin ang bagot, malakas ang patugtog ng drayber ng dyip sa stereo. Pinutol ng isang patalastas ang eskandalosang halakhak ng DJ. Bumungad ang isang jingle ng PCSO, sabay sambit na ramdam ang kaunlaran pagkatapos ng pangalan ni Gloria Arroyo.
Hindi siya masyado nakikinig. Sa gitna ng lakas ng ulan, naalala niya ang kanyang tatay na mahigit 35 na taon nang namamasada. Lumalala pa naman ang matagal na nitong ubo tuwing umuulan at lumalamig. Siguradong napapamura na naman ito, naisip niya. Mga nanggagalaiting pagsusumpa kung paanong walang nagbago sa baha tuwing umuulan, at kung paano nito naaapektuhan ang kanyang noon pa’y kapos nang kita. Mataas na nga ang presyo ng gasolina, mauubos lang sa hindi umuusad na trapik.
Tiyak ni Emman na mainit na naman ang ulo ng kanyang tatay pag-uwi, at maaring siya na naman ang pagbuntunan ng galit. Nalaman kasi nito ang kamakailang pagsali ni Emman sa mga rally. Isusumbat na naman nito kung paano siya nagkukumahog sa pagmamaneho habang inaaksaya ng kanyang anak ang oras sa pagsigaw at pagmamartsa. Parang sirang plakang uulit-ulitin ng kanyang tatay na walang patutunguhan ang paglaban. Kung ang unang EDSA People Power, walang tunay na pagbabagong nilikha, ano pa ang magagawa ng pipitsuging pagtitipon ninyo, ang paulit-ulit nitong ibubulyaw.
Para sa kanyang tatay, kahangalan ang lahat ng ito. Ang parehong kahangalang tumapos sa kanyang kapatid na si Armando.
*
Mistulang naging probinsya ang siyudad sa katahimikan nito. Alas-diyes pa lang, wala nang tao. Sa palengke, tanging mga kalat at ang masangsang na amoy na lang ang naiwan. Mahigpit ang pagsunod ng mga residente sa ipinapatupad na curfew. Mahirap nang mahuling gumagala pa sa gabi. Marami nang dinudukot, o di kaya’y lumilitaw na lang pagkatapos ng ilang araw ang bangkay na nakahandusay sa lansangan. Maingat na binaybay ni Arman ang kalsada. Alerto siya sa kahit anong paggalaw. Tahimik ngunit mabilis niyang ginalugod ang mga eskinita. Hinahanap niya ang address ng bahay na itinuro ng isang kasama. Ligtas raw mamalagi rito pansamantala.
Ano pa man ang kanyang pag-iingat, hindi niya namalayan ang tatlong lalaking nakasibilyan na kanina pa sinusundan ang kanyang anino. Bago pa man siya nakakatok sa pinto ng bahay na magbibigay sa kanya ng kaligtasan, dinampot na siya ng mga ito. Sinubukan niyang tumakbo, pero mahigpit ang kapit sa kanya ng mga ahente. Buong lakas siyang nagpumiglas, ngunit tanging ang mga laman na sumambulat mula sa kanyang bag ang naging bakas ng kanyang paglaban: ilang damit, ID, notebook, at isang nakatuping sulat na may lagdang Armando.
*
Abala ang lahat sa paghahanda para sa gaganaping pagkilos bukas. Maingay ang gagawing pagsalubong ng iba’t ibang organisasyon sa pag-aalala sa deklarasyon ng Martial Law, 37 taon na ang nakalipas.
“NEVER AGAIN” ang unang linyang sinimulang ipinta ni Emman gamit ang pulang pintura sa isang mahabang puting tela. Sa bawat hagod ng kanyang brush, bumalik sa kanya ang mga nakababahalang pangyayari na naglabasan sa mga balita.
Ang serye ng pambobomba sa Mindanao at ang natagpuang bomba umano sa Quezon City; ang pagpapalit sa pwesto ng mga pinakamatataas na heneral sa militar; ang nahuling intelligence agent na kumukuha ng litrato sa bahay ng isang National Artist na kilalang kritiko ng administrasyong Arroyo; at ang patuloy na pagdukot, pag-torture o pagpaslang ng mga ahente ng militar sa mga miyembro ng mga progresibong grupo, pinakahuli na si Noriel Rodriguez, 26 taong gulang, mula sa Cagayan.
Nakatimo ang lahat ng ito sa isipan ni Emman. Bagaman para sa marami, imposibleng ideklara uli ang Martial Law ni Arroyo, para sa kanya, mas malala pa ang sitwasyon sa kasalukuyan—tahasang dahas ang sagot sa estado sa mga mamamayang isinisiwalat ang pagpapahirap at pang-aaping ginagawa nito.
Hindi maaaring maging malumanay, ito ang sinasabi ng kasaysayan.
*
Halos isang oras nang nakahiga si Arman sa isang malaking bloke ng yelo habang nakatutok sa isang electric fan. Kakatapos lamang ng interogasyon sa kanya, kung saan habang nakapiring ay pinaulanan siya ng suntok at tadyak sa mukha at sikmura. Matigas kasi siya’t hindi sinabi kung nasaan ang kanyang ibang kasamahan mula sa pamantasan na nag-underground.
Biglang may humawak sa kanyang buhok at kinaladkad siya papunta sa isang upuan. Dito na siguro nila ako papatayin, ang hatol niya sa sarili. Naramdaman niyang may sinipit sa kanyang dibdib at ari. Pinadaloy ang kuryente sa kawad, at natabunan ng kanyang sigaw ang tawanan ng mga ahente.
Lumipas ang ilang minuto at hindi siya natinag. Tanging hiyaw ng muhi at paglaban ang lumalabas sa kanyang bibig. Napuno na ang mga ahente sa kanyang pagmamatigas. Isang putok ng baril ang nagpatahimik at umalingawngaw sa silid.
*
Nakapupunit ng balat ang init. Nakatipon na ang lahat at handang mag martsa patungong Mendiola. Maayos na ang kanilang hanay, bitbit ang mahabang slogan: “NEVER AGAIN TO MARTIAL LAW,” ang nagsusumigaw ditong nakatitik.
Lumingo si Emman sa paligid. Sa kanyang likuran, hawak ng ilang tao ang mga litrato ng mga martir ng Martial Law. Kahilera ng iba pa ang litrato ng kanyang Tito Armando. Nagsimula ang panawagan, at unti-unting dumagundong ang kanilang mga yapak. Umagos silang parang baha, tangay ang lahat sa lansangan.
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-8 ng Oktubre 2009.