Ni JEROME TAGARO
Sa muling pagbalik-tanaw sa ika-41 na anibersaryo ng pagdeklara ng Batas Militar ng rehimeng Marcos, unang bubungad sa ating mga alaala ang libu-libong mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao at ang paggamit ng dahas at pananakot ng pamahalaan sa lahat ng sinumang susubok na tumunggali rito.
Mayroong mga nag-aakalang may mga nagawa si Marcos na hindi kayang tapatan ng iba pang mga pangulo sa bansa—ang pagpapagawa ng San Juanico Bridge, North at South Luzon Expressway, ang pagkatatag ng Cultural Center of the Philippines. Ngunit sa ilalim ng Batas Militar, anuman ang ipinagmamalaking naitulong ni Marcos sa bayan, ano kaya ang naging kapalit?
Idineklara ni dating Pangulong Marcos ang Batas Militar noong Setyembre 21, 1972, ilang buwan bago matapos ang kaniyang ikalawang termino bilang pangulo ng Pilipinas. Ayon sa kanya, bunsod umano ito ng umiigting na mga banta sa seguridad ng bansa noong panahong iyon. Magugunita na sa kapanahunan ding ito nabuo at lumalakas ang CPP-NPA at naganap ang mga pangyayaring tulad ng Plaza Miranda Bombing. Samantala, may mga nagsasabi ring idineklara lamang ito ni Marcos upang mas mapahaba pa ang kanyang panunungkulan bilang pangulo.
Ilang dekada lamang ang nakalipas mula nang matapos ang Batas Militar, tila hati na ang opinyon ng mga tao ukol sa Pangulong Marcos, sapat upang mag-atubiling kundenahin ang karahasan ng kanyang pamumuno. Ito umano ang panahon kung kailan kasama ang Pilipinas sa mga nangungunang bansa sa Timog-Silangang Asya, kung kailan naging sapat ang bigas na inaani ng mga magsasaka para sa buong bansa, at nakakapag-export pa tayo ng ilang produkto, tulad ng mga sapatos.
Habang walang matalas na pagsusuri kung paano nakamit ng Pilipinas ang ganitong antas ng ekonomiya, at kung gaano kalaki ang ginampanang papel ni Marcos sa pagbulusok ng ekonomiya ng bansa sa mga sumunod na taon, tila nakalimutan na sadyang nilimot na ang walang habas na pagyurak sa karapatang pantao ng isang pamahalaang sakim sa kapangyarihan.
Hindi kayang ilagay sa salita ang kahalagahan ng mga pangyayaring ito sa bansa. Sapagkat para sa bansa nating halos hindi pa mabanaag ang simula ng pag-unlad, ang bawat isang tama o maling desisyon sa nakaraan ay maaaring makatulong nang malaki sa mga bagong tunguhin sa hinaharap.
Sabi nga ng kilalang manunulat na si George Santayana, “Those who cannot remember the past, are condemned to repeat it.” Tungkulin natin bilang Pilipino ang alamin at tandaan ang mga pagkakamali ng nakaraan upang hindi na ito maulit pa sa hinaharap. Tungkulin nating makialam at makibahagi sa mga isyung sa halip ay malilimutan na lamang.
Dapat nating isipin na ginagawa natin ito hindi lamang upang maiwasan ang mga pagkakamali ng nakaraan, kundi bilang pag-alaala sa mga taong una nang naging mapangahas at mapagpasiya. Alang alang sa alaala ng mga nagbuwis ng buhay para lamang lumaban noong panahon ng Batas Militar, tungkulin natin ngayon na pangalagaan ang kalayaang kanilang napagtagumpayan. ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-9 ng Setyembre 2013.