Malaon nang pumopostura ang pamantasan bilang progresibong pampublikong institusyon. Ngunit madali itong mapasubalian sa simpleng pag-ikot lang sa kampus—nakatirik ang mga bakas ng pagsunod ng pamantasan sa hulma ng neoliberal na plataporma ng mga nagdaang gobyerno.
Gaya ng pagkahumaling ng kasalukuyang rehimen sa mga enggrandeng imprastruktura sa ilalim ng programa nitong “Build, Build, Build,” handa ang mga opisyal ng UP gamitin ang mga lupain nito upang kumita ng tubo at iwagayway ang imahe ng umano’y pag-unlad habang patuloy na nasasagasaan ang mga komunidad na ipinanatang pagsisilbihan ng pamantasan.
Sa pagparam ng tinig ng mga estudyante sa kampus, pinuno ng ugong ng makinarya, langitngit ng mga bakal, at kabilaang pukpok ng martilyo ang bawat sulok ng kampus. Sa gitna ng pandemya, sinulit ng administrasyon ang panahong walang estudyante upang simulan at ipagpatuloy ang pagtatayo ng mga gusali—parehong sa benepisyo at perwisyo ng komunidad.
Mas madaling nairatsada ngayong pandemya ang mga plano para sa mga imprastruktura at proyektong matagal nang ipinoprotesta ng mga mag-aaral. Nang magsara ang mga klasrum at tindahan, sinimulang gibain at i-renovate ang Main Library at mga kiosk sa tabi nito. Itinutulak ang pagtatayo ng UP Philippine General Hospital (PGH) Diliman sa Arboretum sa kabila ng pagtutol ng mga residente. Sa Pook Aguinaldo, may pagtatangkang sukatin ang lupa at paalisin ang mga naninirahang magsasaka.
Hindi kailanman naging taliwas sa pag-unlad ang mga mag-aaral at komunidad, subalit, sa pag-asam nito, nagiging kasangkapan ang mismong pamunuan ng UP sa patuloy na paglansag sa pampublikong karakter ng pamantasan. Totoong mahalagang paunlarin ang ating mga pasilidad, ngunit anong bisa nito kung tanging dito lang nakatuon ang administrasyon at kung mga korporasyon lang din ang primaryang nakikinabang dito?
Sang-ayon ang tila infrastructure boom sa ilalim ng pamunuan ni Danilo Concepcion sa deka-dekadang pagyakap ng UP sa pribadong interes, sa tunguhing gawing nakapag-iisa ang pamantasan sa pinansya. Dahil sa halos dalawang dekadang pambabarat ng gobyerno sa UP, nabibigyang-katwiran ang pagdulog ng mga nagdaang administrasyon sa iba’t ibang iskema para kumita, tulad ng pagpaparenta ng mga lupaing pagmamay-ari ng UP, upang punan ang ating kakarampot na badyet.
Naging konkreto ang pagsasakomersyo ng mga lupain ng UP sa termino ni Alfredo Pascual, dating pangulo ng pamantasan, sa ilalim ng kanyang Master Development Plan (MDP). Kasabay ng pag-usbong ng MDP ang liberal na adyenda ng rehimeng Aquino sa ekonomiya ng bansa na noo’y sukdulan nang nakatuon sa “globalization.”
Layon ng MDP na maging basehan sa pagpapalago ng UP, iangat ang kalidad ng mga pasilidad at gusali upang tugunan ang mga pangangailangan at kahingian ng panahon. Kabilang sa mga konsiderasyon ng MDP, halimbawa, ang pagiging environmentally sustainable ng mga imprastruktura, pag-iingat sa cultural heritage at biodiversity sa mga kampus, gayundin ang pagrespeto sa posisyon ng mga residente, mag-aaral, at faculty.
Ngunit tinatabingan ng mga pangakong ito ang mga tagibang na public-private partnership (PPP)—isa ring pamana ng rehimeng Aquino—sa pagitan ng UP at ng mga kumpanyang katambal nito sa pagpapa-iral ng MDP. Halimbawa, nang markahan ni Pascual ang malaking bahagi ng sakahan sa Pook Aguinaldo at palibot ng Arboretum bilang Science and Technology Park, una niya itong inilarawan bilang sentro ng mga teknolohikal na inobasyon para sa pagpapalago ng ekonomiya.
Kinatuwang ng kanyang pamunuan ang Ayala Land, Inc. (ALI) noong 2013 sa pagpapatayo ng mga gusali sa harap ng Arboretum, ngunit taliwas sa isinaad nilang layunin, naging lunsaran lang ang Ayala Technohub para sa pagkamal ng tubo ng mga negosyong BPO. Sa mismo nating bakuran, habang nakikinabang ang kanilang industriya sa murang paggawa para sa mga dayuhang kumpanya, hinayaan lamang ng administrasyon ni Pascual na pumalo sa higit P205 milyon ang di-bayad na upa ng ALI, ayon sa tala ng Commission on Audit noong 2014.
Muli, sa ilalim ng isa na namang PPP, nakaambang sirain ang natitirang gubat sa Arboretum at paalisin ang mga nakatira rito upang bigyang daan ang PGH Diliman. Bagaman iginigiit ni Concepcion na hindi komersyalisasyon ang layon ng iba pang nakapilang proyekto sa kanyang termino, nangangamba pa rin ang mga magsasaka sa Pook Aguinaldo na ma-convert ang kanilang lupa upang, ani Concepcion, “palakihin ang UP para mas marami pang matulungan.”
“Ito bang lupang ito ay dapat pang sakahin, tamnan ng palay, dahil ang inyong paligid ay di na kabukiran?” dagdag ni Concepcion sa isang pulong kasama ang ilang miyembro ng Nagkakaisang Magsasaka ng Krus na Ligas noong Nobyembre. “Kung maibigay sa inyo ang lupa ng pamahalaan, tingin ko'y titigil na rin kayo sa pagtatanim dahil tumataas na ang value ng lupa, at maaari itong ibenta na lang.”
Sinasalamin ng ganitong mapanghamak na pagtanaw ang unti-unting pagtiwalag ng UP sa relasyon nito sa mga sektor sa loob ng kampus ngunit labas ng akademya. Madalas kailangan pang mag-protesta upang maka-dayalogo ng mga residente ang tsanselor o pangulo. Nitong mga nakaraang taon, mas nauuna pa nilang makadaupang palad ang mga blue guard at represante ng mga kumpanya na handang baklasin ang kanilang tirahan at maglunsad ng ocular inspection kaysa mga opisyal ng UP. Labag ang ganitong mga gawain sa UP Charter na nagtatakdang, para sa anumang development, kailangang bukas at demokratiko ang mga proseso ng konsultasyon at pagpapasya.
Sa katunayan, mismong mga komunidad sa UP ang maaari nitong maging kasangga sa pagbibigay ng edukasyon sa mga estudyante. Sa halip na tapalan ng semento ang matabang lupa sa Pook Aguinaldo, bakit hindi ito gamitin sa mga field work, lalong pagyamanin ang lupa sa pamamagitan ng pagtatanim? Mainam ding laboratoryo ang Arboretum upang siyasatin ang iba’t ibang halaman at hayop sa Diliman. Higit, tiyak na hitik sa aral ang mismong pang-araw-araw na produksyon at pakikibaka ng mga residente.
Subalit sa harap ng mga mapaminsalang proyekto ng UP, nagiging biktima sa halip na kapanig ang mga residente samantalang kung ano-anong insentibo at konsesyon ang iginagawad sa mga korporasyon. Sa kabila ng anumang ganansyang maaaring makuha mula sa mga PPP, sa huli’y nagsisilbi lamang silang pansamantalang rekurso at rason upang iabswelto ang estado sa kanilang responsibilidad na ipagkaloob sa’tin nang buo ang karapatan natin sa edukasyon nang hindi umaasa sa komersyal at pribadong interes.
Marapat na singilin ng UP ang gobyerno sa kakulangan ng pondong inilalaan nito sa edukasyon. Gayundin, hindi dapat makulong ang Quezon Hall sa pagsaalang-alang sa pag-unlad ayon sa dami at pagka-grandyoso ng mga proyekto nito. Sapagkat walang halaga ang mga gusali kung kapalit naman nila’y pagtataboy at pagsasantabi sa mga komunidad na pinag-aalayan natin ng ating edukasyon at serbisyo. ●